Pahayag

Pahayag ng Revolutionary Council Trade Union (RCTU) sa Paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa Manggagawang Pilipino, Makibaka, Huwag Matakot! Isulong ang rebolusyonaryong pagbabago hanggang sa tagumpay!

,

Ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa, nagpupugay ang Revolutionary Council of Trade Union (RCTU) sa manggagawang Pilipino at sa lahat ng manggagawa sa buong mundo. Ginugunita din natin ang ika-136 na taon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa na naunang idineklara ng Second International bilang paggunita at pagpupugay sa mga manggagawang nagpuprotesta sa Haymarket Square sa Chicago City noong 1886 na marahas na binuwag, at para ipaglaban ang walong-oras na paggawa. Sinasariwa rin natin ang sakripisyo ng mga bayani ng uri at rebolusyonaryong kilusan sa daigdig.

Pinagpupugayan natin ang patuloy na pakikibaka ng mga manggagawa at mga rebolusyonaryong kilusan sa mundo para palayain ang pinagsasamantalahan at inaaping mga uri at itayo ang sosyalistang lipunan sa ibat ibang panig ng mundo, sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa Imperyalismo ang naagnas at parasitikong yugto ng kapitalismong humahantong sa mga imperyalistang gera. Pangkasaysayang tungkulin ng uring manggagawa, sa pamamagitan ng kanyang proletaryong Partido, ang isulong ang lahatang panlipunang rebolusyon tungong sosyalismo, hanggang sa komunismo at pagpawi ng sistemang aliping-sahuran na tanikala sa uring manggagawa. Sa kanyang pakikibaka para sa paglaya sa maka-uring pagsasamantala, hindi maiiwasang nasa unahan din ang rebolusyonaryong kilusan ng manggagawa para pamunuan at isulong ang paglaya ng iba pang inaapi uri at sektor ng bawat lipunan at bayan.

Mula noon, ang uring manggagawa ang nangungunang pwersang lumilikha ng yaman ng mga lipunan at pangunahing nagpapaandar ng modernisasyon at pag-unlad mula sa kanilang kolektibong paggawa. Subalit sa ilalim ng paghahari ng mga kapitalista, ang mga manggagawa ay pinagsasamantalahan at inaapi. Ang yamang kanilang nililikha ay hindi nila tinatamasa kundi pribadong kinakamkam ng may-ari ng kapital sa anyo ng tubo. Kapalit ng kanilang lakas-paggawa, ang mga manggagawa ay tumatanggap ng kakarampot na sahod at pinagkakaitan ng kanilang mga demokratikong karapatan. Ang kanilang kalagayan ay papalapit sa busabos at ni hindi umaabot ang sahod ng manggagawa sa mga arawang gastusin ng kanyang pamilya, papaliit o walang mga benepisyo, pinipiga pa ang lakas-paggawa sa pagpapahaba ng oras-paggawa at katugong mga paggamit ng makabagong teknolohiya, at masamang kondisyon sa paggawa.

Sa buong mundo, para makabangon ang mga kapitalista sa krisis na dulot ng tumitinding pandaigdigang krisis ng sistemang kapitalismo, ipinatutupad ang imperyalistang neoliberal na mga patakaran na layuning bawiin ang mga napagtagumpayang karapatan ng mga manggagawa sa usapin ng oras ng paggawa, minimum na sahod, karapatan sa pag-uunyon, mga benepisyo at iba pa. Sa pagbabaklas ng mga tagumpay na ito sa nagdaang apat na dekada, naipatutupad ng mga kapitalista ang pinakamalalalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa upang ibayo pang mapalaki ang kanilang tubo.

Sa mga malakolonyal at malapyudal na sistema tulad ng Pilipinas, lalo itong nagpapasidhi sa kaapihan at pagsasamantala na dinaranas ng mga manggagawang Pilipino. Pinahihirapan ang mga mangagawang Pilipino, nakararaming magsasaka sa kanayunan, mga malamanggagawa at iba pang aping uri sa lipunan ng Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo, at Pyudalismo at magkakasabwat na dinadambong ang likhang-yaman ng uring manggagawa at anakpawis sa bansa. Patuloy na atrasado ang agrikultura na nagdudulot ng malawakang kagutuman at kawalang-trabaho, walang nagsasariling pambansang industriya sa bansa na magbibigay trabaho sa mamamayan, at pinagkakaitan ng serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan, pabahay, edukasyon at makamasang transportasyon.

Kaakibat ng pagbagsak ng industriya at manupaktura, pumapaimbulog ang disempleyo at malawakang tanggalan sa mga pabrika. Nagpapatuloy ang sistema ng kontraktwalisasyon, at iba’t ibang anyo ng pag-eempleyo na nagkakait ng seguridad sa trabaho at karapatan sa mga manggagawa. Palaki nang palaki ang bilang ng mga manggagawang nangingibang-bansa at ang bilang ng mga umano’y ‘informal workers’ na pinagandang katawagan para sa mga walang permanente, di-regular o malinaw na pinagkakakitaan.

Sa apat-na-dekadang hagupit ng Wage Rationalization Act o regionalization ng sahod, epektibong napigilan ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at naipagkait ang kanilang karapatan sa minimum na sahod. Lalo pang inilulubog ang sahod ng mga manggagawa sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng ‘pleksibleng’ pag-eempleyo na mga iskema para magkamal pa ng tubo ang kapitalista, tulad ng ‘floating status’, ‘4 day-work week’, at iba’t ibang mukha at inimbentong katawagan para itago ang kontraktwalisasyon.

Sa nakaraang tatlong taong paghahari ng rehimeng US-Marcos Jr, walang kinilalang amo at diyos ang rehimen kundi ang mga dayuhang monopolyo-kapitalista at malalaking kapitalistang lokal, habang inilalako ang murang laka-paggawa ng manggagawang Pilipino at mga anakpawis. Walang naging makabuluhang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa sa kabila ng tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo at ng gastos sa pamumuhay. Ang di pa napapantayang bilis ng pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin nitong nagdaang mga buwan ay lalong nagsasadlak sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino sa kumunoy ng kahirapan. Lubhang napakaliit ng nakatakda at aktwal na natatanggap na sahod ng mga manggagawa kung ikukumpara sa kanilang pangangailangan sa araw-araw, at napakalayo sa ₱1200 sahod na nakabubuhay.

Ang rehimeng US-Marcos Jr ang Numero Uno ngayong pumipigil na makamtan ng mga manggagawa ang ₱1200 National Minimum Wage na Nakabatay sa Nakabubuhay na Sahod o Family Living Wage. Sa nakaraang tatlong taon, bulag at bingi si Marcos Jr sa kabila ng naghuhumiyaw na pangangailangan at paggigiit ng mga manggagawa para rito. Ipinapako ang sahod ng mga manggagawa sa baluktot na hangaring akitin ang mga dayuhang mamumuhunan na pumasok sa bansa upang pagsamantalahan ang murang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino.

Ipinagpatuloy ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos Jr ang mga patakarang neoliberal na sumasagka sa karapatang mag-organisa at magtayo ng unyon tulad ng Herrera Law ng 1989. Ang malala pa, ipinagpatuloy ng rehimen ang notoryus na NTF-Elcac na naghahasik ng lagim at nagkakalat ng takot sa pamamagitan ng red-tagging sa mga lider at manggagawa, at tinatakot silang mag-unyon. kumilos ng sama-sama para ipaglaban ang kanilang mga kahingian tulad ng mga demanda sa collective bargaining, pagtataas ng sahod at pagtataas ng mga pampulitikang panawagan. Laganap ang mga paglabag tulad ng harassment, red-tagging, pagbabahay-bahay at sarbeylans sa mga manggagawa, arbitraryo at ilegal na pag-aresto, pagdukot at pagpaslang.

Sa pagiging sunud-sunuran sa Imperyalistang US, nilikha ng rehimeng US-Marcos ang Pilipinas bilang pain sa kaaway ng imperyalistang US at karibal na imperyalistang China para tiyakin ang dominasyong pang-ekonomya, pulitika at militar sa Asya-Pasipiko. Ginagawang lunsaran ang buong bansa, lalo na ang malawak na kanayunan sa pagtatayo ng mga base-militar ng US bilang imbakan ng mga kagamitang-pandigma nito, armas nukleyar, himpilan ng mga sundalong Amerikano, at aliwan at pahingahan ang mga komunidad sa paligid na nagiging mas bulnerable sa pang-aabuso ng mga tropang Amerikano at iba pang sundalong dayuhan at lokal. Isinusuko ng rehimeng US-Marcos Jr ang pambansang soberanya, at inilalapit ang bansa sa harapan ng bangayan ng US at China at nagsasapeligro sa sambayanan sa mga atake ng mga kaaway ng US at mga kapanalig nito.

Sa gitna ng nalalapit na midterm eleksyon 2025, nililikha ang ilusyon na “malayang” makakapili ng mga lider na mamumuno at bigyan ng maling pag-asa ang bayan na sa pagboto sa kanila ay magkakaroon ng kaginhawaan sa kanilang buhay at pagbuti ng panlipunang kalagayan. Kailanman ay hindi magaganap ang malaya at patas na eleksyon. Sa pagsasabwatan ang imperyalismo pangunahin ng US kasabwat ang mga Panginoong-maylupa at Burukrata Kapitalista, dominado at kontrolado ng mga uring ito ang resulta ng reaksyonaryong halalan dahil sila ang may hawak sa malaking pondo at iba pang rekurso, may malawak na impluwensya at koneksyon, may buong makinarya at pribadong hukbo para sa pandaraya, manipulasyon ng elektronikong pagbibilang ng boto, pananakot at pamimilit.

Rebolusyon Hindi Eleksyon! Ito ang makabuluhang panawagan sa kapwa manggagawa at iba pang mamamayan na tahakin ang landas tungo sa tunay na pagbabagong panlipunan, katarungan at kasarinlan.

Palakasin natin ang ating hanay, at salagin ang mga pananakot ng estado at sama-samang ipaglaban ang pagtatayo ng mga unyon at mga samahang manggagawa sa mga empresa at kanugnog na mga pabrika, at mga komunidad ng manggagawa at mala-manggagawa. Itaguyod natin ang sama-samang pagkilos hanggang sa kilusang welga na siyang sandata natin sa pakikibakang pang-ekonomya at pampulitika.

Magkaisa tayong manggagawa at isulong sa pamamagitan ng sama-samang pakikibaka ang umento sa sahod na palagiang hinihila pababa ng implasyon at mga pagtataas ng bilihin; laban sa kontraktwalisasyon at pleksibleng paggawa; para sa pagbubuo ng ating mga unyon at samahang manggagawa at anakpawis, mga organisasyong masa at mga alyansa ng manggagawa at mamamayan laban sa imperyalistang mga gera sa Palestine, sa Middle East at sa panganib nito sa bakuran natin sa Asya-Pasipiko.

Buuin natin ang matibay at solidong lakas sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagbubuo ng tunay, makabayan at militanteng mga unyon, mga rebolusyonaryong unyon at mga selula ng Pulang Brigada ng Manggagawa na magsusulong hindi lamang ng mga pang-ekonomyang pakikibaka, kundi pati mga pampulitikang pakikibaka at paglaban sa panunupil ng estado at papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos Jr. Kasama sa pakikibakang ito ang pagpapanagot sa mga abusado sa kapangyarihan tulad ng nagdaang pasistang rehimen ni Duterte at kasalukuyang nasa poder na si Sara Duterte at sa may-bahid ng dugong galamay nitong NTF-Elcac na dapat itulak nating buwagin. Buuin natin ang rebolusyonaryong gulugod ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU)!

Makiisa tayo at makipagkapit-bisig sa mga kapwa inaapi at pinagsasamantalahang mga kawani at manggagawa sa pampublikong sektor, ng malawak na reserbang hukbo ng paggawa, ang mga mala-manggagawa, mga magsasakang siyang pinakamarami at nagugutom at dinadahas sa kanayunan, at iba pang demokratikong sektor sa pagsusulong ng kanilang karaingan at sa pagpapabagsak sa tatlong salot na Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo. Isulong natin ang makatarungang panawagan para sa tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at pagkakamit ng mga demokratikong kahingian at karapatan.

Isulong natin ang rebolusyonaryong adhikain, pangunahin sa pagsuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at umanib sa New People’s Army, ang tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino para pahinain ang anti-mamamayan at pasistang hukbo ng reaksyunaryong estado.

Matuto tayo sa mga kasaysayan ng uring manggagawa sa Pilipinas at sa ibang dako ng mundo, at mag-aral ng mga turo ng dakilang rebolusyonaryong teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang pag-aarmas sa ating laban at sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang tagumpay at sosyalistang bukas. Ikawing natin ang mga pakikibaka ng manggagawang Pilipino at sambayanan, sa mga pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayang inaapi ng imperyalismo sa ibayong-dagat.

Sa harap ng labis na kaapihan at pagsasamantalang dinaranas ng mga manggagawang Pilipino, nasa atin ang lahat ng katwiran para sa panawagang Rebolusyon, Rebolusyon ang Sagot, hindi Eleksyon! Makatarungan ang ating paglaban, isulong ang mga pakikibaka ng uring manggagawa at sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan hanggang rebolusyunaryong tagumpay!

Mabuhay ang Uring Manggagawa! Magkapit-bisig, Makibaka, Huwag Matakot!

Mabuhay ang Communist Party of the Philippines (CPP), New Peoples Army (NPA) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP)!

Manggagawang Pilipino, lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perpektiba!

Manggagawang Pilipino, Makibaka, Huwag Matakot! Isulong ang rebolusyonaryong pagbabago hanggang sa tagumpay!