Pahayag

Maniningning na larawan ng Isang Kabataang Makabayan: Ka Reb at Ka Alex

,

Ngayong nalalapit ang ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan at araw ng anakpawis, marapat nating alayan ng pinakamataas na pagpupugay at Pulang pagsaludo sina Jian Markus “Ka Reb” Tayco, Royce Jethro “Ka Alex” Magtira at Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza bilang mga magigiting na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na namartir nitong Hunyo 23, 2024 sa isang engkwentro sa pagitan ng Eduardo Dagli Command-New People’s Army at ng 59th Infantry Batallion ng Armed Forces of the Philippines.

Si Kasamang Reb at Kasamang Alex ay mga kabataang iniluwal ng masiglang rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante noong 2020 sa kasagsagan ng de-facto martial law at pasistang lockdown ng tiranikong rehimeng US-Duterte. Ang nabubulok na pampulitikang sistema ang nagtulak sa kanila na mapagpasyang tahakin ang bako-bako at puno ng sakripisyong landas ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Ito ang araw-araw na humahamon sa kanila upang umigpaw sa kanilang mga makauring tendensiya at sumulong sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Tubong Bacoor, ipinanganak si Jian Markus “Kasamang Reb” Tayco noong Marso 08, 2003. Kilala siya ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan bilang isang kabataan na matalino, masigla at puno ng ligalig. Bago pumasok sa rebolusyonaryong kilusan, siya ay isang mag-aaral sa isang pribadong paaralan sa syudad ng Bacoor at nakatungtong hanggang grade 11 bilang Senior High. Kasabay nito, nagpasya siyang itigil ang kanyang pag-aaral upang buong-panahong magsilbi sa masang anakpawis higit lalo sa mga magsasaka at maralita ng lalawigan.

Bihasa rin si Kasamang Reb sa larangan ng sining. Isa ito sa kanyang mga minana mula sa kanyang pamilya. Aktibo siyang lumalahok sa mga dula bilang bida man o pangalawang tauhan. Parati siyang matatagpuang nagtatanghal sa harap ng entablado sa loob at labas ng kanyang paaralan. Subalit, mas makikilala siya bilang isang mahusay na makata kahit sa napakamurang edad. Kasabay ng kanyang pagkamulat, unti-unting naaarmasan at nalalakupan ng pulitika ang kanyang mga sulatin. Taas-baba niya itong itinatanghal sa harap ng iba pang estudyante upang ipatampok ang dinaranas na krisis panlipunan ng bansa at kung papaano gagamitin ang sining upang mas makapagmulat pa at makapagpalaganap ng makabayan, siyentipiko at makamasang kultura.

Bitbit ni Ka Reb ang lahat ng ito hanggang sa maging kasapi siya ng Kabataang Makabayan Balangay Cristina Catalla noong taong 2020 at masikhay siyang gumampan bilang kalihim sa edukasyon. Kasabay ng kanyang pagiging bihasa sa sining, masipag niyang pinag-aralan ang teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino higit lalo ang mga ginintuang aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Aral ng MLM, siya ay magpapasyang sumampa sa kanayunan noong Marso 2022 bilang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan bitbit ang nom-de-guerre na Kasamang Reb Pasya.

Sa loob ng BHB, mahusay at buong-tapang niyang ginampanan ang gawaing pampulitika at gawaing militar sa kaniyang yunit. Masinop siyang gumampan bilang opisyal sa lohistika (S4) hanggang sa kakitaan siya ng maningning na talas at potensyal, itatalaga siya bilang Giyang Pampulitika (GP) at Instruktor sa mga pampartidong aralin. Mahusay at aktibong nakalahok si Ka Reb sa gawaing masa at iniluwal nito ang kanyang malaking ambag sa gawaing pagpapalawak at rekoberi ng mga baseng masa sa probinsya ng Batangas.

Si Royce Jethro “Ka Alex” Magtira ay ipinanganak noong Septyembre 10, 2002 tubong Quezon City na kalauna’y lumipat sa bayan ng Dasmariñas. Lumaki siya bilang isang makulit, masiyahain at napakabuting anak at kaibigan. Kinalakihan niya ang isang komportableng pamumuhay at nakapag-aral sa mga pribadong paaralan. Namulat si Ka Alex sa madugong ‘gyera kontra droga’ at sa pasistang lockdown ng tiranikong rehimeng US-Duterte. Ito ang nagtulak sa kanya upang sumapi sa mga pambansa-demokratikong pangmasang organisasyon ng mga kabataan. Kasabay nito ang pagpapasya niyang tumigil sa pag-aaral ng Senior High upang buong-panahong magsilbi sa aping mamamayan.

Bago maorganisa, tinataglay na ni Ka Alex ang pagiging isang makata. Ginamit niya ito upang maging bihasa sa larangan ng rap. Bukod rito, nakahiligan rin ni Ka Alex ang pag-awit kasabay ng mahusay niyang paggamit ng gitara. Nang ipagsama, nakakalikha siya ng mga kanta na kanyang itinatanghal sa mga komunidad ng magsasaka at maralita sa lalawigan na gumuhit sa mga puso ng kanyang mga pinagsisilbihan.

Isinabuhay ito ni Ka Alex hanggang sa kanyang huling hininga. Bago pa man ito, naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan Balangay Cristina Catalla taong 2020 at gumampan bilang kagawad sa propaganda-kultura. Nagsumikap si Ka Alex na ipalaganap sa mga komunidad ng magsasaka, mangingisda at maralita ang mga rebolusyonaryong awitin at akda ng iba pang mga rebolusyonaryong artistang katulad niya. Siya ang pangunahing nagbibigay ng mga pagsasanay, palihan at pag-aaral sa mga manggagawang pangkultura na katulad niya. Ginamit niya rin ito upang buong-husay na gumampan sa gawaing masa sa hanay ng mga kabataan sa komunidad at pamantasan.

December 2022 ay magpapasya siyang sumampa sa kanayunan at tuluyan nang sumanib sa Bagong Hukbong Bayan. Sa loob ng hukbo, masinop at strikto niyang ginampanan ang kanyang gawain bilang kagawad sa seguridad. Kasabay nito, isa siya sa mga sinasanay ng kanyang yunit upang maging medik istap at gumampan sa gawaing pangkalusugan sa hanay ng mga Pulang mandirigma at masa. Subalit, dadating ang isang panahon na kinakailangan niyang pansamantalang iliban ang kanyang gawain dahil sa kidney stones na umapekto sa kanyang pisikal na perpormans. Sa kabila nito, mapagpasya siyang babalik sa kanyang yunit matapos magpagaling at gagampan bilang istap sa edukasyon, propaganda at kultura. Gumampan rin si Ka Alex ng mahalagang papel sa pagpopropaganda sa masa habang nasa gitna ng gawaing masa sa hanay ng mga magtutubo sa probinsya ng Batangas.

Si Ka Reb at Ka Alex ay dalawa lamang sa daan-daang maniningning na larawan ng isang Kabataang Makabayan. Ang kanilang buhay at pakikibaka ay iniluwal at pinanday ng kanilang determinasyon upang pagsilbihan ang masang-anakpawis. Magsisilbing inspirasyon ang kanilang mga karanasan na sa maagang yugto ng kanilang mga buhay, lakas-loob nilang hinarap ang sakripisyo, kahirapan at kamatayan sa ngalan ng pagwawakas ng pagsasamantala sa sambayanan. Ang mga karanasang ito ang hindi kakalawanging mga aral na habambuhay bibitbitin ng susunod pang henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Sila ay mga huwarang larawan ng bagong henerasyon ni Bonifacio na kailanma’y hindi aagnasin at mas magniningning sa pagpula ng langit.

Ngayong nalalapit ang ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan, marapat nating parangalan ang lahat ng kabataang martir ng rebolusyonaryong kilusan. Sila ay alayan natin ng ating pinakamataas na pagpaparangal at pagkilala. Higit sa lahat, hamon ng rebolusyonaryong kilusan na damputin ang nabitawang sulo ng ating mga rebolusyonaryong martir at likhain ang daluyong ng mga kabataang sasampa sa kanayunan, armado ng Marxismo-Leninismo-Maosimo, upang tumangan ng mas mabibigat na tungkulin at responsibilidad sa ating rebolusyonaryong pakikibaka. Lahat para sa ngalan ng pagpapabagsak sa Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo upang hawanin ang landas sa pagtatayo ng sosyalistang kinakaharap.

Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Kabataan, pag-aralan ang lipunan!
Sampa na sa Bagong Hukbong Bayan!

Maniningning na larawan ng Isang Kabataang Makabayan: Ka Reb at Ka Alex