Pahayag ng Kabataang Makabayan sa inilunsad na iglap-protesta para sa ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan Mapagpasyang Sasagutin ng Kabataan ang Dakilang Hamon na Pag-alabin ang Armadong Rebolusyon! Hanggang sa Dulo, Hanggang sa Tagumpay!
Isang mainit na rebolusyonaryong pagbati sa mga kabataang Pilipino sa bawat dako ng daigdig!
Itong okasyon ng anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan ay espesyal, dahil mayroon tayong dakilang hamon na kinakaharap ngayon. Isang hamon na ipagtanggol ang bayan mula sa nagbabadyang krisis at sa banta ng digma. Panata namin na mag-alay ng aming oras, talento at kakayahan para sa rebolusyon. Ito lamang ang pag-asa natin, dahil pare-pareho tayong pinapahirapan ng mga kurakot tulad ni Marcos Jr. at ng kaniyang mga imperyalistang amo. Ang sistemang malakolonyal at malapyudal ay nagdadala sa atin sa kahirapan, papatayin tayo ng sistemang ito. Kailangang-kailangan natin isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Ating ipagdiwang ang ika-57 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan na nagpupunyagi sa armadong pakikibaka! Isang taas-kamaong pagpupugay sa mga dakilang martir ng sambayanan, para kina Jose Maria Sison, Benito Tiamzon, Wilma Austria-Tiamzon, Menandro Villanueva, Myrna Sularte, Luis Jalandoni, Jordan Mopon, Jerlyn Rose Doydora at marami pang iba na nag-alay ng kanilang buhay upang wakasan ang bulok at mapang-aping sistema! Ang kanilang buhay at pakikibaka ay nagsisilbing gabay at modelo para sa libo-libong kabataan na nagpapatuloy ng kanilang laban. Mabuhay ang mga bayani at martir ng sambayanan!
Tayo ay nasa bingit ng matindi at malawak na krisis na kung saan walang takas ang sinuman sa atin. Isang krisis kung saan umaabot na sa Php 60.00 ang isang kilo ng bigas, isang krisis kung saan umaabot na sa PhP 100.00 higit ang presyo ng petrolyo, isang krisis kung saan wala tayong mahanap na kasiguruhan sa trabaho o kahit kapayapaan.
Umaapaw na ngayon ang apoy ng digmaan sa buong Asya. Sa kaniyang imperyalistang interes, ginantungan ng pasistang si Donald Trump ang isang malaking apoy na kumakalat sa iba’t ibang dako ng daigdig. Tiyak na aabot ito dito mismo sa Pilipinas!
Ramdam na ramdam na natin ang krisis ng digma sa ating pang araw-araw. Dahil sa US at kapabayaan ni Marcos Jr., tuloy-tuloy na tumataas ang presyo ng pagkain! Dahil sa US at sa inutil na si Marcos Jr., matarik na tumataas ang presyo ng langis! Dahil sa US at sa magnanakaw na si Marcos Jr., ninanakawan tayong mga kabataan ng isang makatarungan at malayang kinabukasan! Para saan pa ba itong mga pinag-aaralan natin kung isasabak tayo sa gera nina Marcos at Trump? Papayag pa ba tayong magbubulag-bulagan habang harap-harapan tayong ninanakawan at pinagsasamantalahan ng mga dayuhan at mga papet nila?
Ang presensya ng mga tropa at base ng US ay banta sa seguridad ng ating bansa. Ngayong dekada ay hahamunin tayo dahil kumakatok ang digmaan sa ating pintuan. Ang kunwaring kaibigan ng Pilipinas ay may napakaraming inutang na dugo at paparating na rin ang araw ng pagtutuos. Alam namin ngayon na may war games at pagsasanay ang US at Pilipinas, at may libo-libong Amerikano na nandirito ngayon sa Pilipinas. Para sa mga mersenaryong tropa ng US at para sa papet nilang AFP-PNP, ito ang pangako namin sa inyo: ang huling libingan ng imperyalismong US ay dito mismo sa Asya!
Klaro ngayon, ang mga pumapatay ng bata at mga kurakot na ito ay mga magnanakaw ng kinabukasan. Tama lamang na maghanda tayo at labanan sila sa iba’t-ibang larangan! Panata namin na labanan sila, sumama kayo sa paglaban na ito. Sama-sama nating bawiin ang ninakaw na kinabukasan mula sa atin.
Bilang mga rebolusyonaryong kabataan, saksi kami sa mahaba at maningning na kasaysayan ng rebolusyon. Mula sa Katipunan na yumanig sa pundasyon ng kolonyalismong Espanyol at nagpatuloy ng laban noong nilusob tayo ng mga Amerikano, hanggang sa pagtatag ng Bagong Hukbong Bayan na nagpupunyaging labanan ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo. Ang mga kabataan mula sa iba’t ibang uri ay hinaharap ang tawag ng kasaysayan. Sila’y mga kabataan na may pangarap para sa kalayaan, katarungan at mapayapang kinabukasan ay nagsilbi at inalay ang lahat bilang mga pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan!
Makasaysayan at malalim ang saysay ng ating pagdiriwang ng ika-57 na anibersaryo ng ating mahal na Hukbo. Tapat kaming mga kasapi ng Kabataang Makabayan sa paniniwala na ang pagpapalakas lamang ng Bagong Hukbong Bayan ang natatanging solusyon sa mabilisang pagbulusok patungong krisis at kahirapan. Ang NPA ang tunay na hukbo ng mamamayan, dahil siya ang tumatayo para sa interes at kinabukasan ng mga inaaping sambayanan. Tiyak na nasa atin ang tagumpay! Itatatag natin ang isang gobyernong bayan na tatayo para sa interes nating lahat at may tunay na kakayahan na depensahan ang Pilipinas laban sa mga imperyalistang naghahasik ng lagim sa bawat dako ng mundo.
Ito’y pangako: ubos-kaya naming papalakasin at papalawakin ang saklaw ng Bagong Hukbong Bayan. Babagtasin namin itong matagal at mahirap na landas upang tapusin na, para sa lahat, ang kaguluhan na pasimuno ng mga imperyalista at naghaharing uri. Sa sosyalistang kinakaharap, sisiguraduhin ng Partido at BHB na ang bawat mamamayan ay may makakain, may matitirhan, may trabaho, at may dignidad. Kung gusto ninyo maging parte nitong magiting na kasaysyan, bukas ang mga organisasyon ng NDFP, at laging naghahanap ang Kabataang Makabayan ng mga mahuhusay at palaban na kabataan na dadagdag sa kaniyang hanay. Sa kanayunan ay naghihintay ang mga pulang mandirigma ng Bagong Hubong Bayan. Walang katumbas na kadakilaan ang paglingkod bilang hukbo, kaya sampa na!
Kabataan, ubos-kayang palakasin ang Bagong Hukbong Bayan! Magsilbi upang ipagtanggol ang interes ng sambayanang Pilipino. Makibahagi sa dakilang kasaysayan ng rebolusyong Pilipino! Ipagdiwang ang ika-57 na anibersaryo ng BHB! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang NDFP!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Sagot sa Kahirapan, Digmang Bayan!