Pahayag

Mapanira at mapanlinlang na pahayag ng Claveria MPS, itinuwid ng NPA Masbate

Isang malaking sampal sa mukha ng mga kapulisan ng Claveria Masbate Police Station ang inilabas nilang pahayag sa social media kamakailan. Paratang nila, masisira ang kinabukasan ng kabataang Masbatenyo kung sasapi sila sa CPP-NPA-NDF.

Sa kanilang ilinabas na pahayag, inilalarawan mismo ng pulis Claveria ang kanilang mga sarili.

Bakit?

Sino ba ang nakikipagsabwatan sa militar upang ikulong ang isang magsasaka na may mga anak dahil sa paratang na tagasuporta o kasapi siya sa NPA. Na palabasing napaslang sa engkwentro ang mag-aamang naghahanapbuhay? At agawan ng lupang sakahan ang mga magsasakang Masbatenyo?

Makipagsabwatan sa militar at kontraktor upang maibulsa ang pundo para sa programang Barangay Development (BDP)? At sa Enhanced Comprehensive Livelihood and Integration Program (E-CLIP) sa pamamagitan ng sapilitang pagpapasurender sa mga sibilyan?

Ang nakikipagsabwatan sa gubyerno upang paslangin ang mga kabataan na ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa panahon na ipinatutupad ang gera kontra droga? Ang naglilingkod at nagsisilbi sa mga magnanakaw sa pera ng bayan na ang pinuno ay nakaupo sa Malakanyang? At marami pang ibang kontramamamayang gawain.

Alam na alam ng kabataang Masbatenyo ang sagot sa mga katanungang ito at maging ang mga pulis ay batid ang sagot nito.

Hindi bulag ang mga kabataang Masbatenyo para maniwala sa mga pahayag ng Claveria MPS. Batid nila kung sino ang tunay na mga terorista at kung sino ang tunay na nagsisilbi at naglilingkod sa bayan at masa. Matalino ang mga kabataan, marunong silang humusga kung sino ang unti-unting nagtatakip sa liwanag ng araw upang alisan ng kinabukasan ang kabataan. At kung sino ang naghahawan ng landas para sa kanilang tatahaking maaliwalas na bukas.

Ang New People’s Army (NPA) sa pamumuno ng Partido nito, mahigpit na binabalikat ang mabigat na responsibilidad na baguhin ang bulok na lipunang malakolonyal at malapyudal na dahilan kung bakit nananatiling walang magandang kinabukasang naaabot ang karamihang kabataan. Sa kabila ng mga kahirapan at sakripisyo, nananatili silang matatag at determinadong isulong ang armadong paglaban upang mahawan ang landas, na tatahakin ng sumusunod na henerasyon ng masang Masbatenyo.

Kaya ano pa man ang ginagawa o gagawin pa na panlilinlang ng mga kapulisan hindi nila mapipigilan ang kabataan na lumahok sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Humawak ng armas upang maiambag ang kanilang lakas, kahusayan at talino para sa pagkamit sa tunay na kalayaan at magandang kinabukasan sa lahat ng kabataan.

Mapanira at mapanlinlang na pahayag ng Claveria MPS, itinuwid ng NPA Masbate