Marcos II, puro lakwatsa wala namang gawa

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mula nang maupo si Bongbong Marcos sa pwesto, wala na siyang ibang ginawa kundi ang libutin ang ibang mga bansa. Gamit ang pera ng publiko, para bang walang iniindang krisis ang Pilipinas kung magpasarap sa paglalakwatsa ang anak ng diktador. Ilang bansa na ang nalibot niya sa loob ng ilang buwan samantala ni hindi niya mabigyan ng oras kilalanin ang sariling pinamumunuan at harapin nang seryoso ang kanilang mga hinaing. Ilang state visit na ba ang ginawa niya kumpara sa batas at panukalang itinulak niya upang tumugon sa mga kagyat na problema ng taumbayan?

Wala man lamang ipinakitang kahit kaunting intensyon si Marcos II na harapin ang suliranin ng bansa. Ni hindi nga niya binubuksan ang usapin ng negosasyong pangkapayapaan kung saan ang tatalakayin na sana ay ang mga sosyoekonomikong repormang labis na kailangan ng taumbayan sa ngayon. Ni wala rin siyang anumang hakbang upang magmukha man lamang na tinutupad niya ang matatayog niyang pangako noong eleksyon.

Nais palabasin ng mga alagad ni Marcos na mayroon namang pakinabang ang sambayanang Pilipino mula sa mga byahe ng kanilang amo. Ngunit pakinabang nga bang maituturing ang pangako ng banyagang pautang at ayudang ang kapalit ay ang pagkontrol sa mga rekurso ng bansa? Pakinabang ba ng tao ang ilako sila bilang balon ng mapagsasamantalahang mga obrerong desperado para sa kahit baryang sahod? Anong klaseng pakinabang ang ilublob ang masa sa lalo pang pang-aapi at pagsasamantala?

Umpisa pa lamang, hindi na kinikilala ng mayorya ang pagkakapanalo ni Marcos II. Alam naman ng lahat na kung hindi dahil sa pagkontrol ng kanilang pangkatin sa lahat ng aspeto ng eleksyon at sa pagbubuhos ng mga Marcos ng limpak-limpak na pondo upang bilhin ang suporta ng pinakamalalaking dinastiyang pulitikal, walang ni katiting na pag-asang makaupo si Marcos II sa pwesto.

Ngunit sa paglalantad niya bilang isang walang malasakit na party boy, lalo siyang nahihiwalay sa taumbayan. Ngayong papasahol ang krisis pang-ekonomya, dumarami ang naliliwanagan sa tunay na kahulugan ng tatak-Marcos na pamamalakad. Dumarami ang namumulat na walang ibang pinapahalagahan si Marcos II at ang kanyang buong pangkatin kundi ang magkamal ng higit pang yaman nang isinasangkalan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Marcos II, puro lakwatsa wala namang gawa