Matagumpay na aktibong depensa laban sa 76th IBPA, tagumpay ng masang Mindoreño!
Nagbubunyi ang masang Mindoreño sa aktibong pagdepensa at pagbigo ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa pag-atake ng pasistang 76th IBPA, 203rd IBde. Noong Pebrero 19, nagkaroon ng labanan nang sugurin ng mga pasista ang pwesto ng isang yunit ng NPA na nagsasagawa ng pagsisiyasat sa kalagayan ng mga mangingisda sa naging epekto ng oil spill noong 2023 sa Sitio Bakyaan Upper, Barangay Tagumpay, Pola, Oriental Mindoro. Magiting na nakipaglaban ang mga Pulang mandirgma na nagresulta sa pagkamatay ng isang pasistang sundalo, habang ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma na wala ni isa mang kaswalti.
Sa pikon ng 76th IBPA, agad nilang ibinunton sa mga residente ng nasabing barangay ang kanilang galit at desperasyong pinsalain ang NPA. Pagkatapos ng labanan, agad na nagreskyu ang kanilang mga helikopter at nagsagawa ng walang habas na aerial straffing sa nasabing barangay. Walang patumangga nilang pinaputukan mula sa ere ang mga taniman, bukid, at malapit sa kabahayan nang hindi iniisip na maaring may madamay na mga sibilyan at mga ari-arian. Sa tindi ng militarisasyon sa nasabing barangay napilitang lumikas ang mga apektadong residente.
Ang naganap na aktibong depensa sa Pola, Oriental Mindoro ay sampal sa mukha ng 203rd Brigade at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict o PTF-ELCAC sa deklarasyon nito na Stable Internal Peace and Security (SIPS) at Conflict Manageable and Ready for Development (CMRFD) ang buong Oriental Mindoro. Na diumano’y iisang tricycle na lamang ang NPA sa buong Mindoro na mga dis-organisado at demoralisado. Sa katunayan, bago ang labanan noong Pebrero 19 sa Pola, naganap ang tatlong magkakasunod na labanan sa magkakalayong mga bayan sa isla. Noong Pebrero 11, dalawang aktibong pagdepensa ang isinagawa ng magkahiwalay na yunit ng NPA sa Sitio Kalinisan, Barangay Bayotbot, San Jose, Occidental Mindoro at sa Sitio Tignuan, Barangay Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Sa dalawang labanan, nagtamo ang mga pasistang sundalo ng 4th IBPA, 68th IBPA, at 15th SRC ng apat na kaswalti. Samantala, noong Pebrero 15, muling nakapagdepensa ang isa pang yunit ng NPA sa isang labanan sa Sitio Balugo, Barangay Budburan, Mansalay, Oriental Mindoro kung saan dalawa ang patay kabilang ang kumander ng platun at siyam ang nasugatan sa panig ng pasistang 4th IBPA habang wala ni isa mang kaswalti sa panig ng NPA.
Sa lahat ng labanan, habang walang matinong serbisyo at ayudang natatanggap ang mamamayan, walang kahihiyang gumagasta ang mga berdugo ng milyun-milyong pisong pondo ng bayan para sa kanilang tatlong attack helicopter, mga bala, at iba pang itinatapong pondo para lamang sa layuning tugisin at ubusin ang NPA.
Ang tumitinding krisis pang ekonomiya at pampulitika sa buong bansa ay tumatagos sa masang Mindoreño. Sumasahol ang kawalan ng lupang mabubungkal ng mga magsasaka, ang kawalan ng disenteng hanapbuhay, dagdag pang pasanin ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin habang bumabagsak ang presyo ng mga kalakal ng mga magsasaka, mababang sahod, kawalang serbisyo at pagpapabaya ng reaksyunaryong gubyerno sa mamamayan nito. Dalawang taon na ang nakalipas, wala pa ding katarungan ang ilampung libong mga biktima ng oil spill sa Oriental Mindoro at ni hindi napapanagot ang mga pangunahing salarin tulad ng malaking burgesyang kumprador na si Ramon Ang na umupa sa MV Princess Empress. Kinurakot pa ang dapat na pondong ayuda ng mga naghaharing uri na dapat ay para sa mga biktima. Dadagdag pa ang kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao kagaya ng pagpatay, pagdukot, pagtortyur, panghaharas, pananakot, pambobomba, panganganyon, panggagahasa, iligal na panghuhuli at pag-aresto, at iba pang anyo ng paglabag na isinasagawa ng mga teroristang AFP-PNP-CAFGU sa ilalim ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA.
Sa ganitong kalagayan, walang ibang aasahan ang mamamayang Pilipino para makamit ang maayos na pamumuhay, mapayapa, at makatarungang lipunan kundi ang pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon na pangunahing isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan. Ang BHB ang katangi-tanging hukbo na magbabagsak sa kaaway ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan—ang imperyalismong US, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Hamon sa mga Pulang mandirigma ng Mindoro na higit pang paghusayin ang pakikidigma, hindi lamang upang aktibong magdepensa kundi higit na paghusayin ang paglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa kaaway.
Mamamayang Mindoreño, lumahok sa digma at baguhin ang aping kalagayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!