Matinding paghamak sa masang Pilipino ang mga estatistika ni Marcos sa kahirapan
Ang pinalalabas ng gubyernong Marcos na isa lamang sa sampung Pilipino ang sadlak sa kahirapan ay tahasang insulto sa malawak na masa na hindi tumatanggap ng sapat na sahod at araw-araw na kumakayod para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Nabuo ni Marcos na nakagugulantang na mababang numerong ito ng kahirapan sa bansa matapos itakda sa hindi kapani-paniwalang ₱64 kada araw o ₱21.30 kada kainan ang minimum halaga ng pagkain. Marapat lamang na sinalubong ito ng malawakang pagkundena.
Sadyang pinagtatakpan ni Marcos at ng kanyang mga upisyal ang tunay na halaga ng pamumuhay sa Pilipinas. Lumilikha siya ng huwad na larawan na middle class (o panggitnang uri) na ang mga Pilipino, upang ikubli ang katotohanan na karamihan sa mga Pilipino ay naghihirap at kayod-kalabaw para mabuhay.
Itong napakababang estatistika ng kahirapan ay nagsisilbi rin sa layuning ipako ang sahod at sweldo. Sa nakalipas na dalawang taon, tumanggi ang gubyernong Marcos na pakinggan ang kahilingan para sa makabuluhang pagtaas ng sahod, na lubos na nagbabalewala sa pagbulusok ng kalagayan sa pamumuhay ng mayorya ng taumbayan.
Dapat ipaglaban ng mga manggagawa at masang anakpawis na kilalanin ang kanilang mga karapatang panlipunan at pang-ekonomya, partikular na ang kanilang karapatan sa mas mataas na pamantayan ng pamumuhay at mas mahusay na kalidad ng buhay. Dapat palakasin nila ang kanilang sigaw para sa mas mataas na sahod na naaayon sa disenteng pamantayan ng pamumuhay na ngayon ay tinatayang nasa ₱1,200 kada araw para sa isang lima-kataong pamilya. Dapat nilang kundenahin ang rehimeng Marcos sa pagpako ng sahod na malayong mas mababa sa dapat na pamantayan.
Dapat panagutin ang rehimeng Marcos sa lubos na kabiguan nitong kontrolin ang pagsirit ng presyo ng bigas, gasolina at iba pang pangunahing bilihin, serbisyo at kagamitan. Ang mga patakaran nito, na nakasalalay sa dayuhang pamumuhunan, liberalisasyon sa importasyon, walang awat na pangungutang at pagdaragdag ng buwis, ay naging sanhi ng paglala ng krisis sa ekonomya.
Ang mga patakaran ni Marcos ay nagsisilbi sa interes ng mga dayuhang kapitalista, ng kasosyo nitong lokal na malalaking negosyo, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Tumatabo sila ng bilyun-bilyong piso mula sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gubyerno, pandarambong sa yaman ng bansa at pagsasamantala sa murang paggawa. Sa kabilang banda, ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino ay dumaranas ng malawakang kawalan ng trabaho, lalo na ang mga kabataan, at malawakang dislokasyon sa kabuhayan ng milyun-milyong tao, kapwa sa mga lungsod at kanayunan.
Ang anti-mamamayan at anti-nasyunal na mga patakaran ng rehimeng Marcos ay gumagatong sa malawakang karaingan at diskuntento. Hindi magtatagal na sasabog ang panlipunang bulkan sa Pilipinas, sa pagbabangon ng sambayanan para sama-samang ihayag ang kanilang pagkasuklam.