Meyor Batula ng Palapag, kurakot na tuta ng pasistang militar
Walang karapatan si Fawa Batula na magsalita sa ngalan ng mga residente ng Palapag, Northern Samar lalupa’t sa nakaraang mga taon, naging aktibo siyang papet ng National Task Force-Elcac at 8th Infantry Division sa paghahasik ng pasistang terorismo ng estado sa kanyang bayan.
Katunayan, sinusuka siya ng masang magsasaka dahil sa todo-larga niyang pagsuporta sa mga operasyong RCSP at kampanya kontra-insurhensiya. Pinapatawag niya sa kanyang himpilan ang mga ordinaryong magsasaka upang piliting “magpa-clear” kahit na wala naman silang kasalanan. Hinayaan niyang i-hostage ng desperadong militar ang pamilya nila, kabilang ang mga menor de edad. Regular niyang pinapatawag ang mga asawa at anak ng mga Pulang mandirigma para kumbinsihing pasukuin ang kaanak nila.
Mula pa noong 2021, nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan si Batula sa papahabang listahan ng pang-aabusong militar sa Palapag. Wala siyang ginawa para kina Oscar Alastoy, Joel Recare at Ryan Arnesto na pinaslang ng mga pasistang tropa. Hinahayaan niya lang ito na magpataw ng mga hamlet o “lockdown” na nagbabawal sa mga magsasaka na tumungo sa bukid. Malugod niyang binabati ang mga sundalong nag-iikot sa mga paaralan para magsaywar sa kabataan, at sa mga baryo para magpasuko ng mga sibilyan.
Minsang inistraping at hinuli ng mga pasistang tropa ang tatlong menor de edad sa bintang na mga “koryer” sila ng BHB. Dinala ang mga biktima sa kampo militar, pulisya at sa Balay Darangpan na isang “half-way house” para sa mga surenderi. Nang malantad ito, ginawang tabing ni Batula na wala raw ganoong pasilidad ang lokal na gubyerno upang maging katanggap-tanggap ang paglabag.
Sinusuportahan niya ang kampanya kontra-insurhensiya para paligayahin ang mga amo niyang sundalo habang pinalalaki ang nabubulsa niyang kurakot. Ginawa niyang “photo ops” ang pondo ng E-CLIP kung saan ang sinasabing ₱40,000 na napupunta sa “benepisyaryo” ay ₱4,000 lang sa aktwal habang ang ₱20,000 ay nagiging ₱2,000. Ikalawa ang bayan ng Palapag sa buong rehiyon na may pinakamaraming bilang ng SBDP beneficiary ng NTF-Elcac na nagkakahalaga ng milyun-milyon. Ang pondong ito ay pabuya kay Batula bilang masugid na tagasunod ng anti-insurhensyang kampanya at pinagmumulan din ng korapsyon.
Hindi kinakatawan ni Batula ang interes naming mga magsasaka. Anumang pagtatanggol sa 8th ID ang gawin niya, mariin pa ring kinukundena ng mga magsasaka ang presensya nila sa kanayunan. Kinasusuklaman namin sila. Wala silang dalang kabutihan sa amin. Kapag may sundalo sa aming mga sakahan, iniiwasan namin sila at natatakot kami para sa aming kaligtasan. Hindi ito gaya ng kung nariyan ang BHB, na kampante kaming makasama at tiyak kaming ipaglalaban ang aming interes.