Pahayag

Mga nauulol na pwersa ng 2nd IBPA walang habas na niratrat ang kabahayan sa Rizal, isa sugatan

Mariing kinukundena ng Jose Rapsing Command-New People’s Army (NPA-Masbate) ang mga pwersa ng 2nd Infantry Battalion-Philippine Army, sa walang habas na pagratrat sa kabahayan sa Sityo Balunos, Rizal sa bayan ng Dimasalang kahapon, alas-4 ng hapon. Tinamaan sa likod ang dating kagawad ng barangay na si Marcial Colocado Detalo Sr., mahigit 60-anyos ang edad.

Kahit wala namang armadong nakita sa lugar. Walang pasubaling nagpaputok ang mga militar na hindi isinaalang-alang ang kaligtasan ng mga residente laluna ang mga bata at matatanda na maaaring madamay sa kanilang pangraratrat.

Pina-blotter naman ng pamilya at pinuno ng barangay ng Rizal ang mga militar sa ginawa nitong pangraratrat na ikinasugat ni Detalo.

Ngayong araw, Enero 20, ipinatawag ng mga militar ang mga upisyal ng barangay upang papermahin at palabasing may nagganap na engkwentro sa pagitan nila at sa mga kasapi ng NPA. Pinalabas rin ng militar na NPA ang nakabaril kay Detalo. Habang malinaw na wala namang nangyaring palitan ng putok.

Ang mga pakanang ito ng militar ay sang-ayon sa ipinatupad ng reaksyunaryong gubyerno ni Marcos Jr na di deklaradong batas militar sa kanayunan. Bunsod nito, malayang iwinawasiwas ng militar ang kanilang kapangyarihan at tahasang nilalabag ang karapatan ng mamamayan.

Tahasang paglabag sa batas ng digma at karapatang-pantao ang ginawang pangraratrat ng militar sa kabahayan na nagsapeligro sa buhay ng mga sibilyan. Nananawagan ang pamprubinsyang kumand sa mga organisasyong nagtatanggol sa karapatan at karapatang tao na imbestigahan ang naturang pangyayari at panagutin ang mga kriminal na militar.

Nananawagan naman ang JRC-NPA Masbate sa masang Masbatenyo na lahatang-panig na kumilos upang ilantad at labanan ang umiiral na batas militar sa Masbate. Habang bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa mga nasa hustong gulang, may malusog na pag-iisip at handang magsilbi sa interes ng mga inaapi at pinagsasamantahan na tanggapin kayo sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Tanging sa paghawak nang armas at sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, maitataguyod ang tunay na pangangalaga sa kapakanan, karapatan at kaligtasan ng buong mamamayan.

Mga nauulol na pwersa ng 2nd IBPA walang habas na niratrat ang kabahayan sa Rizal, isa sugatan