Mga pekeng engkwentro bilang patunay sa kabiguan ng AFP-PNP na masukol ang NPA sa probinsya

Sa kabiguang masukol ang mga NPA, nagkakasya na lamang sa pagpapakalat ng mga pekeng balitang engkwentro ang AFP – PNP. Panibagong kaso ng pekeng labanan sa Brgy. Magsaysay, Esperanza, Masbate nitong Septyembre 10, 2022, araw ng Sabado na nakapagsamsam umano ng dalawang M16 armalayt, isang kal .45 pistola at maraming napaslang na NPA ang militar at pulis. Para palabasing makatotohanan ang kwento isang bahay sa naturang barangay ang niratrat ng mga berdugong pwersa ng 2nd IBPA at 2nd Police Mobile Force.

Kinabukasan naman Septyembre 11, alas 7 ng umaga ay sinunog naman ang bahay ni Boy “Tata” Compuesto sa Brgy. Tubog, Pio V. Corpus matapos madaanan ng naturang operasyong militar at pulis. Sinisira ng mga desperadong militar at pulis ang kabuhayan at ari-arian ng sibilyang komunidad. Ito ang kanilang ginagawa sa mga lugar kung saan may natukoy silang presensya ng NPA ngunit wala naman silang nakikita o naaabutan.

Samantala, sa sumunod na araw nitong Septyembre 13, alas 8 ng umaga ay inistraping naman ng iba namang tropa ng militar at pulis ang dalawang bahay sa Brgy. Mapina, Masbate City na pinaghihinalaan nilang pinapahingaan ng NPA.

Pinatutunayan nito na walang saysay ang kampanyang kontra insurhensiya ng reaksyonaryong estado at AFP-PNP. Nag-aaksaya ang estado ng ilang bilyung piso para laanan ang ahensiya ng militar at pulis na sumisira sa kabuhayan at ari-arian ng masang anakpawis. Mas lalo pang nalalantad sa masang Masbatenyo ang pagiging pasista at terorista ng ng estado at AFP-PNP. Alam nilang dahil sa mga proyektong neo-liberal gaya ng pagmimina, eko-turismo at pagrarantso kung bakit sinisira at kinakamkam ang kanilang kabuhayan.

Tiyak na ibayo pang magpunyagi ang masang Masbatenyo upang ipagtanggol ang kanilang buhay at kabuhayan. Walang ibang maaasahan ang mamamayan kundi ang kanilang nagkakaisang lakas, sama-samang pagkilos at pagsuporta at ibayong pagsulong ng digmang bayan.

Kaisa ng masang Masbatenyo ang rebolusyonaryong kilusan upang ipagtanggol ang kanilang buhay at kabuhayan at sa pagkamit sa hustisya para sa biktima ng paninira at pangangamkam sa kanilang kabuhayan.#####

Mga pekeng engkwentro bilang patunay sa kabiguan ng AFP-PNP na masukol ang NPA sa probinsya