Mga pekeng surenderi at arms cache, gatasan ng 5th ID
Ani mo’y sirang plaka na sabay-sabay nagkokoro ng lumang tugtugin ang mga mersenaryo sa isa na namang serye ng disimpormasyon at pekeng pagbabalita ng 5th Infantry Division, PNP Region II at RTF-Elcac nitong nakaraang mga linggo. Kabilang dito ang magkakasunod diumano na pagkadiskubre ng mga imbakan at kagamitang pandigma ng BHB-Cagayan Valley, at walang-kamatayang “pagsuko” ng mga pekeng surenderi.
Wala sa imbentaryo ng kagamitang militar at pandigma ng BHB-CV ang kalakhan sa anim na arms cache na nahukay diumano ng kapulisan at militar mula Enero 15-Abril 6, 2025 sa tulong ng mga “surenderi.” Gawa-gawa lamang ang mga ito at walang katotohanan, habang ang iba ay sira at hindi na mapakikinabangan kaya minabuting itinago na lamang. Hindi kung sinu-sino lang ang nakakaalam ng imbakan ng armas. Mahigpit ang kompartmentalisasyon sa loob ng organisasyon kung kaya’t malayo sa katotohanan ang mga deklarasyon ng 5th ID na “ituro ng sibilyan ang imbakan ng armas.” Para rin sa kaalaman ng 5th ID, hawak ng mga yunit ang lahat ng baril ng BHB-CV na sa katunayan ay kailangan pa nga ng dagdag para sa mga bagong sampa.
Kaugnay nito, dinidiinan ng BHB-CV na hindi simpleng sibilyan ang kasa-kasama ng mga sundalo sa ganitong mga operasyon. Gustong palabasin ng militar na suportado sila ng sibilyang komunidad gayong mga aset at espiya ang mga ito na nagkanulo sa interes ng masang api, alinman sa ginipit ng kaaway o nasilaw sa kapirasong barya.
Samantala, sa loob lamang ng isang linggo mula Marso 30-Abril 9 ay tigas-mukhang nagparada ng 19 pekeng surenderi ang PNP-Region 2 sa inutil na layuning dungisan ang manining na ika-56 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Dahil batid ng masa na patuloy na nakakairal ang BHB sa kabila ng insurgency-free declaration sa mga probinsya, sa mga pekeng surenderi na lang bumabawi ang mga militar.
Hindi na bago ang ganitong mga pakana ng 5th ID-PNP. Simula nang mabuo ang NTF-Elcac, tumatabo ng limpak-limpak ang matataas na upisyal at heneral sa mga pekeng labanan, surenderi at armas. Sa ilalim ng firearms remuneration ng E-CLIP, may katumbas na halaga ang bawat kalibre ng baril na “maisusuko” o “maituturo” ng mga “surenderi.” Siguradong tiba-tiba ang mga kumander ng 95th IB at 86th IB sa mga “nadiskubreng armas” na ito. Gayundin ang mga “sumuko” na pinangakuan ng P60,000 ngunit sa kasawiang palad ay relip o ayuda lang ang nakuha, kung mayroon man.
Buhong layunin ng kaaway na wasakin ang pagkakaisa ng masa upang panatilin ang naghihingalong sistema ng malapyudal malakolonyal na lipunan. Habang namumudmod ng ayuda at pakitang-taong serbisyo karaban ang 5th ID, sa kabilang banda ay ginigipit at tinatakot naman nila ang mamamayan at nililinlang tulad sa pakanang E-clip upang talikuran ang uri at hadlangan ang kanilang paglaban para sa demokrasya, hustiya at kalayaan.