Mga yunit ng BHB sa Eastern Visayas, tumatalima sa atas na tigil-putukan
Desperadong pambabaluktot sa katotohanan ang pahayag ng 19th Infantry Battalion na lumabag daw ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa deklarasyon ng tigil-putukan ng Partido. Ang armadong aksyon ng BHB sa Barangay Poponton, Las Navas noong Disyembre 15 ay malinaw na labas sa panahon ng idindeklarang tigil-putukan.
Bilang paglilinaw, tatagal lamang ang unilateral na tigil-putukan mula Disyembre 25, alas-12 ng hatinggabi, hanggang Disyembre 26, alas-11:59 ng gabi; at sa Disyembre 31, alas-12 ng hatinggabi, hanggang Enero 1, 2026, alas-11:59 ng gabi.
Sa mga araw na ito, ang mga yunit ng BHB ay nasa aktibong depensa at pananatilihin ang mataas na alerto laban sa mga patraydor na atake ng AFP-PNP, na patuloy na nagsasagawa ng operasyong kombat sa maraming baryo sa gitna ng matinding krisis at paghihirap ng malawak na masa. Dapat gawin ng BHB ang lahat para biguin ang mga atakeng ito na layong isabotahe ang selebrasyon ng BHB at masa sa paparating na anibersaryo sa Partido sa Disyembre 26.
Sa panahon labas ng saklaw ng tigil-putukan, pinahihintulutan ang BHB na magsagawa ng mga taktikal na opensiba laban sa mga lehitimong target, upang kamtin ang hustisya sa ngalan ng masa na pinahihirapan ng mga berdugong armadong pwersa ng estado at ng rehimeng US-Marcos at para isulong ang digmang bayan.
Ang pag-iingay ng kumander ng 19th IB na si Lt. Col. Ricky James L. Rosalejos sa lehitimong armadong aksyon ng BHB-Northern Samar ay isa lang sa maraming kaso ng lantarang pagsisinungaling ng mga pabrika ng fake news ng 8th Infantry Division.
Si Rosalejos ay kampon ng mga utak-pulbura niyang bosing sa rehimeng Marcos at AFP, na tumatangging magdeklara ng tigil-putukan para bigyang-daan ang mga pagdiriwang ng masa ng Pasko at Bagong Taon. Handa silang gasgasin ang mga nakabababang tauhan ni Rosales sa mga magastos, nakakapagod, at walang-katuturang operasyon na lalo lang nagpapalalim ng pagkamuhi ng masa sa estado. Rinding-rindi sila sa tunay at matagalang kapayapaan at sa sobrang takot sa rebolusyonaryong kilusan, lubos na tumatalima sa pasismo para supilin ang rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan.
Ngunit hindi mapipigilan ang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng taumbayan lalupa’t nilulubos nito ang kilusang pagwawasto at nakatakdang magkamit pa ng mga tagumpay sa hinaharap. Ito ang magiging tema ng selebrasyon ng ika-57 anibersaryo ng Partido, na idaraos sa mga larangang gerilya sa buong bansa nang lingid sa mga mata at tenga ng pasistang militar.