Mga yunit ng NPA sa TK, ipatutupad ang 4-araw na tigil-putukan
Sang-ayon sa atas ng Komite Sentral ng CPP, ipatutupad at iniaatas ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog sa lahat ng mga yunit ng NPA sa ilalim nito na sundin ang unilateral na deklarasyon ng tigil-putukan (ceasefire) sa sumusunod na araw: sa Disyembre 25 (mula 12:00 ng madaling araw) hanggang Disyembre 26 (11:59 ng gabi); at Disyembre 31 (mula 12:00 ng madaling araw) hanggang Enero 1, 2026 (11:59 ng gabi).
Ito ay upang maibigay natin sa ating mga kababayan at mahal na masa ang taimtim na selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon sa gitna ng laganap na kahirapan at krisis na hatid ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Habang nasa gitna ng tigil putukan, marapat nating isagawa ang tuluy-tuloy na gawaing konsolidasyon sa lahat ng mga pwersa ng NPA nang may pinakamataas na pagmamatyag at pag-iingat. Ilunsad natin ang mga kapehan at payak ngunit masaya at militanteng selebrasyon ng ika-57 anibersaryo ng CPP sa piling ng masang anakpawis. Sa okasyong ito, muli nating pagpugayan ang kadakilaan ni Kasamang Jose Maria Sison, ang ating martir na tagapangulong tagapagtatag at dakilang Komunistang Gurong Pillipino, sampu ng lahat ng mahal nating martir ng rebolusyon sa rehiyon at buong bansa. Ihandog natin sa pinakamamahal nating Partido ang rebolusyonaryong sining at pagtatanghal upang dakilain ang tuluy-tuloy na pagsulong ng rebolusyong Pilipino na ‘di kailanman magagapi ng anumang pakana ng naghaharing paksyon.
Sa kabila nito, nararapat na maging mapagbantay ang lahat ng ating mga yunit sa anumang pataksil na atake ng AFP-PNP lalo ang tusong panghahalihaw nito sa mga komunidad ng magsasaka sa kanayunan sa gitna ng ating deklarasyong tigil-putukan. Makakaasa ang mamamayang Pilipino na laging ipauuna ng NPA ang kanilang interes hanggang sa pananagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.