Pahayag

Nagpapakalat na naman ng pekeng balita ang 78th IB

,

Hindi totoong may nakumpiskang armas ang 78th Infantry Battalion mula sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar noong Disyembre 11, 2025. Ang isinapubliko nilang ripleng M653 ay dati na nilang nakumpiska noon pang Agosto 27, 2025 sa Barangay San Jose, Mapanas. Dati itong hawak ni Motaw Ortazo (Ka Ibaro), Pulang mandirigma na magiting na nag-alay ng buhay sa labanan.

Tatak 78th IB ang pagpapakalat ng pekeng balita. Noong Hulyo 6, sinabi nito na nakapaghukay sila ng command-detonated explosives (CDEx) ng BHB sa Barangay Magsaysay, Mapanas, gayong walang itinagong bomba rito ang BHB. Pinagtakpan din ng 78th IB ang takot at troma sa masa na idinulot ng kanilang pambobomba at pangingistraping sa Barangay Nipa, Palapag noong Nobyembre 29, kahit kumalat na sa social media ang mga bidyo na nagpapatunay nito.

Sa kanilang paulit-ulit na lantarang pagsisinungaling, nalalantad ang desperasyon ng kanilang kumander na si Lieutenant Colonel Francis D. Rosales na maghabol ng pagkilala at gantimpala. Katapus-tapusan ay nagmumukha lang siyang katawa-tawa.

Hinihikayat namin ang publiko na maging mapagbantay sa mga pahayag ng 78th IB at buong pasistang militar. Magtulungan tayong ilantad ang kanilang mga kasinungalingan at isapubliko ang paghaharing militar na ihinahasik nila sa mga komunidad ng magsasaka.

Nagpapakalat na naman ng pekeng balita ang 78th IB