Opensibang postura ng NAAC-NPA-Rizal, binibigo ang operasyon ng AFP-PNP
Binigwasan ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal ang pasistang tropa ng 80th IBPA kahapon, Pebrero 17, sa oras na alas-3 ng hapon sa Sityo Tayabasan, Barangay San Jose, Antipolo City. Isa ang tiyak na patay sa panig ng mersenaryong 80th IB habang ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma.
Ang isinagawang TO kahapon ay pagpapamalas ng opensibang postura ng NPA laban sa tropa ng AFP na malaon ng nandarahas sa mamamayan ng Rizal. Bigwas ito sa tropang naglulunsad ng sustinidong focused military operations na pinaglulustayan ng kaban ng bayan at nagsisilbing pahirap at perwisyo sa lugar at mamamayang sinasaklaw nito.
Ang mga nagpapatuloy na operasyon ng 80th IB sa Rizal ay para sa pagpapanatili ng seguridad ng mga anti-mamamayang proyekto na magpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa Antipolo City at ibang bayan ng Rizal. Isa na rito ang Wawa-Violago Dam kung saan ang Phase 1 sa Tayabasan ay iniratsadang matapos noong 2024. Dahil dito, maraming residente sa Barangay Calawis, Barangay Apia at Barangay San Jose ang naapektuhan ang pamumuhay at kabuhayan at naobligang lisanin ang kanilang mga lupa sa lugar. Dahil din sa kemikal na ginagamit sa treatment facility ng dam, bumaho noong nakaraang taon ang tubig at nalason ang maraming isda at patuloy na sinisira ng proyekto ang kalikasan. Samantala, nagbabanta ring magpalayas at mangamkam ng lupa ang proyektong wind power sa Antipolo at Tanay na 2023 pa pinababatid sa mga residente nito.
Ang mga nagpapatuloy at papabigat na suliranin ng mga Rizaleño ang nananatiling matabang lupa para sa pagpapatatag ng Partido at hukbong bayan sa Rizal. Hawak ang layuning protektahan ang interes ng mamamayan, determinado ang NPA na biguin ang operasyon ng AFP-PNP.