Pahayag

Pag-atake ng bata-batalyong pwersa at 4 helicopter ng AFP, binigo ng NPA Mindoro! Rebolusyonaryong hustisya sa mga biktimang Mangyan, magsasaka at kabataan, ipinapangako ng LDGC-NPA-Mindoro!

Buong tapang na isinagawa ng isang yunit ng BHB Mindoro ang aktibong depensa upang protektahan ang sarili at ang mga sibilyang kabataang mananaliksik laban sa patraydor at over kill na pag-atake ng pinagsama-samang batalyon ng 76th Infantry Battalion, 1st IB, 59IB, at 5th Scout Ranger Battalion at 4 na attack helicopter ng AFP. Naganap ito sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro bandang alas 6:30 ng umaga noong Enero 1.

Pumasok ang mga kabataang mananaliksik sa sonang gerilya bilang bahagi ng kanilang panlipunang pag-aaral at pakikipamuhay sa mga batayang sektor ng lipunan. Layunin ng kanilang pakikisalamuha na magpalalim sa kanilang kaalaman sa kalagayan ng mamamayan sa Mindoro sa gitna ng matinding pasismo at krisis sa kabuhayan, at maunawaan kung bakit mayroong NPA.

Hawak ang tungkuling depensahan ang masa at mga sibilyan, laluna ang mga sibilyang kabataang mananaliksik, pinagsikapan ng yunit ng BHB na aktibong lumaban upang ligtas silang maiatras at hindi mahagip ng putok ng umaatakeng mga pasista. Buo ang loob na nilabanan ng mga Pulang mandirigma ang mga pinagsama-samang tropa ng AFP. Resulta nito, napatay ang dalawang sundalo habang nasugatan ang dalawa pa. Samantala, ligtas na nakaatras ang yunit ng NPA nang walang kaswalti liban sa isang babaeng kabataang mananaliksik na napahiwalay habang nagkakalabanan. Lubos na ikinalulungkot at ipinagpupuna ng NPA-Mindoro ang kakulangan sa pagtitiyak na hindi mapahiwalay ang kabataang mananaliksik.

Labis-labis na lakas militar ang ginamit ng AFP laban sa nakasagupang yunit na humantong sa pagkapinsala ng mga sibilyan at komunidad sa lugar. Sa kabila ng pagkabatid ng AFP sa presensya ng mga sibilyan sa palibot ng aatakehing himpilan, isinagawa pa rin ng mga pasista ang strike operation na naglagay sa panganib sa mga kabataang mananaliksik. Malala pa, nang makaranas ng pinsala at kabiguan, walang habas na nang-istraping at nambomba sa ere mula 9:30 ng umaga hanggang lampas 12:30 ng tanghali ang AFP. Libong bala ng machine gun ang ginamit sa pag-istraping at higit 12 bomba ang inihulog sa eryang pinaglabanan at mga karatig na lugar nito. Walang konsensyang ginawa ito ng 203rd Bde, 2nd IDPA at Southern Luzon Command (SOLCOM) sa kabila ng katotohanang ang lugar ay panirahan, taniman at pastuhan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Sa halip na pagdiriwang ng bagong taon ang naganap, bala at bomba ang regalo ng pasistang AFP sa mamamayan ng Abra de Ilog.

Sa gitna ng pambobomba at proseso ng paglayo ng yunit ng NPA, nasawi ang kabataang mananaliksik na si Jerlyn Rose Doydora nang atakehin ng kanyang sakit. Sinikap siyang i-revive ng mga medik ng NPA ngunit fatal ang naging atake. Samantala, naiulat nitong Enero 3 na may natagpuang labi ng isang kabataang babae sa lugar na binagsakan ng bomba ng AFP. Nasa hindi magandang kundisyon ang bangkay dulot ng epekto ng pambobomba. Napag-alaman na ang labi ay sa napahiwalay na kabataang mananaliksik. Ipinapaabot ng LDGC ang taus-pusong pakikiramay sa mga kapamilya, kaibigan at lahat ng mahal sa buhay ng mga nasawing kabataan.

Malalim na sugat ang tinamo ng komunidad mula sa pambobomba. Tatlong batang Mangyan Iraya ang naiulat na napatay sa pambobomba, samantalang sugatan ang ina ng mga nasawing bata. Napatay din ng bomba ang dalawang baka at tatlong baboy, habang napinsala ang mga pananim at kaingin ng mga magsasaka at katutubo. Sa tala ng Provincial Social Welfare Office ng Mindoro, nasa 188 pamilya na kinabibilangan ng 769 indibidwal ang napilitang lumikas bukod pa ang 15 pamilya o 59 kataong lumikas at pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kalapit na kamag-anak.

Dapat na kundenahin at usigin ang 203rd Bde, 2nd IDPA, SOLCOM, ang mga pinunong heneral ng AFP at commander in chief na si Ferdinand Marcos Jr sa mga krimeng ito. Hungkag ang ipinagmamalaki nilang intelligence-driven at presisong operasyon dahil malinaw sa resulta na ang tunay na napinsala sa pag-atakeng ito ay mga sibilyan. Matinding teror ang inihasik ng AFP sa hanay ng mga magsasaka, katutubo at maging sa mga kabataang naghahangad lamang na maunawaan ang tunay na kalagayan ng lipunan. Malinaw na pagpapakita ito ng tunay na katangian ng AFP bilang isang halimaw, mersenaryo, berdugo, terorista, pasista at tuta ng imperyalismong US, malalaking kumprador-panginoong maylupa at burukrata-kapitalista. Wala itong kinikilalang batas sa digma. Tulad na tulad ito ng amo nilang US at ni Trump na walang pakundangan kung bombahin at sakupin ang mga bansa at mamamayan tulad ng ginawa nito sa bansa at mamamayang Venezuela kahapon lamang.

Panay ang satsat ng 203rd Bde na mahina na at iilan na lamang ang natitirang NPA sa Mindoro, ngunit kung totoo ito bakit sobra-sobrang pwersa at kagamitan na aabot sa 4 na batalyon at 4 na attack helicopter ang ginamit para sa iilang NPA? Ganito na ba kadesperado ang 203rd Bde at 2nd ID na durugin ang CPP-NPA-NDF sa isla?

Ang katotohanan, ang NPA at ang lumalakas na paglaban ng mamamayang Mindoreño ang ikinatatakot ng AFP-PNP at ng buong naghaharing sistema bilang banta sa kanilang pang ekonomiyang interes sa bayan ng Abra de Ilog at buong Mindoro. Nariyan ang napipintong pagmimina ng Agusan Petroleum Ltd at iba bang aplikasyon ng mina, renewable energy projects kagaya ng offshore wind farm project sa Abra de Ilog, proyektong ekoturismo, at iba pang negosyo ng mga naghaharing uring pinagsisilbihan ng AFP-PNP.

Ang ginawang pag-atake ng 203rd Bde at 2nd IDPA sa gitna ng dapat sana’y selebrasyon ng bagong taon ay tanda ng papaigting na panunupil at pasismo hindi lamang sa CPP-NPA-NDF kundi sa lahat ng mamamayan ngayong 2026 at sa mga susunod pa. Tutugunan ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan ang reaksyunaryong dahas ng estado at ng mersenaryong tauhan nitong AFP-PNP. Hinding-hindi mapapaatras ni matatakot ang sa ngayon ay maliit at mahina pang NPA ng kahit ilang daan pang attack helicopter at kung ilang libo pang mersenaryong pwersa ng AFP. Bandang huli, mananaig ang NPA dahil nagtatamasa ito ng malawak at malalim na suporta ng mamamayan at nagtataglay ito ng disiplinang bakal na nag-uugat sa marubdub na hangaring paglingkuran ang sambayanang Pilipino. Magpapatuloy ang buong giting at determinadong paglaban ng NPA upang labanan ang kaaway at bigyang hustisya ang mamamayang biktima ng terorismo ng estado. Titiyakin ng NPA na mapapanagot ang mga salarin at maisasakatuparan ang rebolusyonaryong hustisya sa pagkamatay ng mga kabataan at mga batang Mangyan.

Hustisya sa mga biktima ng pambobomba ng AFP sa Abra de Ilog noong Enero 1!

Digmang bayan, sagot sa terorismo ng estado!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang dakilang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Pag-atake ng bata-batalyong pwersa at 4 helicopter ng AFP, binigo ng NPA Mindoro! Rebolusyonaryong hustisya sa mga biktimang Mangyan, magsasaka at kabataan, ipinapangako ng LDGC-NPA-Mindoro!