Pagbasura ng Manila RTC sa proskripsyon laban sa CPP-NPA at pagbasura ng mga korte sa hungkag na mga warrant, matapang at nakalulugod na pagtindig para sa mamamayang Pilipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kaisa ng sambayanan ang NDF-Bikol sa pagtanggap sa pagbasura ng Manila Regional Trial Court sa petisyong isinampa ng DOJ upang ideklarang terorista ang CPP at NPA. Ito ay kasabay nang mga balita ng maramihang pagbawi sa desisyon o pagbasura sa mga iligal na warrant laban sa mga indibidwal na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso sa buong bansa. Dahil dito, pinalaya na ang 35 idinetineng progresibong indibidwal at mga konsultant at istap ng NDF.

Sa loob ng anim na taon sa ilalim ni Duterte, walang katulad ang naging pag-atake sa buong sibilyang burukrasya kabilang ang hudikatura. Nasaksihan ng publiko paano pilit na pinayukod ang lahat ng ahensya ng gubyerno sa mapaniil na National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ang salita nito ay naging batas ng kalupaan sukat pilitin at gipitin ang mga korteng maglabas ng mga warrant at magsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa sinumang masumpungan nito. Ang naturang mga desisyon ay hakbang sa tamang direksyon ng paglaban ng hukuman laban sa walang katuturang doktrina ng ‘anti-terorismo’ na ginagamit upang patahimikin at supilin ang makatwirang paglaban ng mamamayan para sa kanilang demokratikong interes. Nakalulugod makita ang ilang mga kasapi ng hudikaturang nagsasapraktika ng kanilang mandatong pagsilbihan ang bayan at igiit kung ano ang makatarungan.

Binibigyang-diin ng NDF-Bikol na isa sa pinakaimportante pampulitikang implikasyon ng naturang mga ligal na desisyon ay ang pagtitibay sa katotohanang hindi terorismo ang pag-aasam ng tunay na sosyoekonomikong katarungan at paggiit sa mga demokratikong interes. Ang sambayanang Pilipino, rebolusyonaryo man o hindi, ay hindi dapat bansagang terorista o hatulang kriminal dahil lamang sa naghahangad sila ng mas mabuting kinabukasan at disenteng buhay.

Ipinapakita ng mga kaganapan ang pangangailangang suriing maigi ang mga dahilan at layunin ng armadong pakikibaka. Simula’t sapul hindi lamang sadyang walang paki-alam at pabaya, kundi sukdulang itinatakwil pa, ng estado ang kahingian ng mamamayan. Para sa mayorya ng masang Pilipino, ang mga rekursong ligal ay hindi naging epektibo at sapat para sa kanilang pangangailangan. Paulit-ulit na tumatanggi ang gubyernong harapin ang kalagayan ng sambayanan kahit man lang ang tapat na humarap sa usapang pangkapayapaan na maaari sanang magbigay-daan sa makabuluhang reporma. Paano pa sa gayon makakamit ng taumbayan ang kanilang demokratikong interes kundi sa pagsasabuhay ng kanilang soberanong karapatang maglunsad ng isang digmang bayan – yaong makatwiran at tunay na nagsisilbi sa mayorya?

Nawa’y magsilbing halimbawa ang magkakasunod na hatol na ito sa mga hukuman sa Bikol na dumidinig pa sa mga kaso ng hindi bababa sa 149 detenidong pulitikal na malisyosong inaresto sa ilalim ni Duterte. Gayundin ang iba pang mga bilanggong pulitikal na ikinulong ng mga nagdaang administrasyon. Karamihan sa kanila ay mga aktibista at lider-masang ikinulong dahil lang sa sila ay mga balakid sa interes ng mga nasa kapangyarihan.

May tiwala ang mamamayang mga Bikolano na gayon din ang magiging hakbang ng mga kapwa Bikolanong kasapi ng hudikatura. Ang ilan sa kanila ay dati nang pinatunayan ang katapatan sa nagsasariling pagtupad sa tungkulin sa harap ng agresibong intimidasyon. Ang ilan, tulad nina Judge Jeaneth San Joaquin at Atty. Ron Espinosa, ay tuwirang nanganib pa nga ang buhay sa kamay ng mga ahente ng estado dahil sa kanilang hindi natitinag na paninindigan para sa kung ano ang patas at makatarungan. Ngunit hindi sila umatras. Gayundin marapat ang iba pang mga hukom sa rehiyon. Sa mapanubok na panahong ito, lalong nagiging kritikal na gamitin nila ang kaalaman sa batas para sa pagkamit ng tunay na makatwiran.

Pagbasura ng Manila RTC sa proskripsyon laban sa CPP-NPA at pagbasura ng mga korte sa hungkag na mga warrant, matapang at nakalulugod na pagtindig para sa mamamayang Pilipino