Pahayag

Pagbati sa kaarawan ni Jaime “Ka Diego” Padilla! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!

Isang taas kamaong pagpupugay ang hatid ng Melito Glor Command (MGC)-NPA Southern Tagalog, sampu ng mga Pulang mandirigma nito sa rehiyon, para kay Jaime “Ka Diego” Padilla sa ika-78 kaarawan niya ngayong araw, Nobyembre 10.

Si Ka Diego ang tagapagsalita ng MGC na naglingkod mula 2016-2019 bago ang kanyang pagkakadakip. Dinakip si Ka Diego noong Nobyembre 2019 habang nagpapagamot sa sakit na altapresyon at iba pa. Kasalukuyan siyang nakapiit sa San Jose, Occidental Mindoro.

Dinadakila si Ka Diego ng Hukbong bayan, mga magsasaka at iba pang rebolusyonaryong pwersa sa Timog Katagalugan bilang isang huwarang lider. Buong puso niyang tinupad ang gawain bilang tagapagsalita ng MGC kung saan naglilinaw siya ng mga usapin ng bayan at itinanghal ang demokratikong rebolusyong bayan. Habang nasa kamay ng kaaway, hindi niya kailanman ipinagkanulo ang mamamayang Pilipino. Kahit nasa piitan, hindi namatay ang kanyang rebolusyonaryong diwa at patuloy na nagpapahayag at nagsusuri ayon sa paninindigan at pananaw ng rebolusyonaryo.

Hangad ng bawat rebolusyonaryo at mamamayan ang kagyat na pagpapalaya kay Ka Diego sa makataong batayan—isa siyang may edad na indibidwal na kumakaharap ng samutsaring sakit na maaaring mapalala habang nasa piitan. Sa halip na tugunan ito, sinampahan siya ng 203rd Brigade at mga kasapakat nito ng dagdag pang mga gawa-gawang kaso upang patuloy na ipiit. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy ni Ka Diego ang pakikibaka sa piitan.

Makakaasa si Ka Diego na habang tuloy ang kanyang laban sa piitan, ipinagpapatuloy ng mamamayan at NPA ang digmang bayan. Tulad niya, ang kasalukuyang henerasyon at tangkas ng mga kadre ng rebolusyonaryong kilusan ay may mahigpit na hawak sa prinsipyo at mataas na pananalig sa masa upang ipagwagi ang armadong pakikibaka at maitatag ang mas maaliwalas na sosyalistang bukas.

Mabuhay ka Ka Diego!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Digmang bayan, sagot sa kahirapan!

Pagbati sa kaarawan ni Jaime “Ka Diego” Padilla! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!