Paggunita kay Ka Simon: Syentista, kabataan at rebolusyonaryo

Sa pagdiriwang ng Kabataang Makabayan ng isa na namang taon ng pagharap sa mga hamon ng panahon, nararapat muling alalahanin ang isang rebolusyonaryong kabataan na pinaslang noong Oktubre 2021 sa Mountain Province.

Sa halip na pasukuin at isalang sa ligal na proseso, tinadtad ng 69th Infantry Battalion at ng lokal na pulisya ng bala si Jan Michael ‘Ka Simon’ Ayuste, kasama si Mark ‘Ka Corel’ Yocogan. Ang higit na nagpapakulo sa dugo ng masang kanyang pinagsilbihan, sila ang kumitil sa buhay ni Ka Simon ngunit sila pa ang may kapal ng mukhang magpahayag ng panghihinayang sa kanyang buhay. Hanggang ngayon, pagkilala sa katotohanan at katarungan ang sigaw ng masa para sa kanilang mga minamahal na martir.

Ikinukubli ng kaaway ang takot nito sa kabataan sa likod ng mga hungkag na pahayag. Pinapaslang nila ang mga tulad ni Ka Simon dahil mas pipiliin nitong makitang walang buhay ang rebolusyonaryong kabataan kesa makitang mayanig ang sistemang kanilang ipinagtatanggol. Ipapangalandakan nila ang kanilang gawa-gawang panghihinayang para ipawalang-sayasay ang buhay at sakripisyo ng mga kasama; gayundin, para pigilan ang mga tulad niya sa pagsusulong ng rebolusyon. Inuuod ang bibig ng 69th IB at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pagbastos sa alaala ni Ka Simon sa pamamagitan ng kanilang kasinungalingan at kubling layunin.

Tanging ang mga kapamilya, ang rebolusyonaryong masa at ang mga kasama sa pakikibaka ng mga kabataang martir ang may karapatan sa panghihinayang. Dahil tunay na may batayan para manghinayang. Bagamat nasa kanyang kabataan pa lamang, hindi na matatawaran ang mga ambag ni Ka Simon sa pagsusulong ng kabuuang rebolusyonaryong gawain. Totoo ito sa bawat kabataang nag-alay ng buhay para sa pambansa demokratikong rebolusyon. Totoo ito sa bawat pagkakataong may isang kabataan—magsasaka man, manggagawa, intelektwal, propesyunal o mula sa maralitang lungsod—na pinipiling magsilbi sa mas malawak na sambayanan sa halip na sa mas makikitid na interes na siyang idinidikta ng kasalukuyang bulok na sistema.

Kung hindi pinaslang ng berdugong kaaway si Ka Simon, sampu ng ilang libong kabataang biktima ng pasismo ng estado, mas mahabang panahon pa ang kanilang mailalaan sa pagsisilbi sa masa. Mas marami pa silang magagawa para sa mga magsasaka at katutubo ng Kordilyera kaugnay ng mga isyu ng sariling pagpapasya, pagtatanggol sa lupang ninuno, paggigiit sa karapatan sa kabuhayan at iba pang maiinit na suliranin. Mas marami pa silang magiging rebolusyonaryong ambag na hihikayat sa iba pang kabataan para tumungo sa kanayunan, makipamuhay sa batayang masa at isulong ang armadong paglaban sa nang-aapi sa mamamayan.

Ngunit hindi kayang agawin ng kaaway ang kabuluhan ng pag-aalay ni Ka Simon at iba pang kabataang martir. Para ito sa masa at sa rebolusyon. Para ito sa pinanggalingan niyang hanay ng kabataang syentista at para sa libo-libong kabataan ng Kordilyera na sasalaminin ang halaga ng kanyang buhay sa pamamagitan ng sarili nilang pag-aalay ng panahon, lakas at talino. Kahit kailan, hindi matutunan ng kaaway ang aral na mapapatay nila ang rebolusyonaryo pero hindi ang mga rebolusyonaryong ideya at adhikain. Ang tanging nagagawa ng kanilang pasismo ay ipamalas ang sarili nilang kakulangan kumpara sa bigat ng isang buhay na inilaan sa rebolusyonaryong pagsisilbi sa masa.

Mayroong hamon, kung gayon, para sa kabataan na matalas na iguhit ang ganitong kaibahan at patotohanan ang kawastuhan ng pag-aalay ni Ka Simon. Sa ilalim ng patnubay ng NTF-ELCAC lalong lumalakas ang makinaryang pampropaganda ng kaaway laban sa rebolusyonaryong kilusan at pinakamadali nilang naaabot ang hanay ng kabataan. Nararapat lamang na tuligsain ang kanilang mga kasinungalingan sa pamamagitan ng higit na masiglang propaganda. Higit pa, pinakamabisang paraan para mamayagpag ang katotohanan ay ang mismong paglahok sa armadong paglaban, lalo sa hanay ng rebolusyonaryong hanay ng mga pambansang katutubo. Hinihintay ng Bagong Hukbong Bayan ang mga kabataang mandirigma na magpapatuloy sa sinimulan ni Ka Simon at iba pang kabataang martir na nagsilbi sa Kaigorotan.

Mabuhay ang ika-58 taon ng Kabataang Makabayan!

Agbiag ti Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera!

Kabataan, tumungo sa kanayunan at sumapi sa Hukbong Bayan!

Paggunita kay Ka Simon: Syentista, kabataan at rebolusyonaryo