Paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng Masaker sa Mendiola
Ang paggunita ngayong araw sa Masaker sa Mendiola ay nagpapaalala sa ating inang bayan ng kanyang kasaysayan ng brutalidad at inhustisya. Sa araw na ito noong 1987, labintatlong magsasaka, kasama si Adelfa Aribe na mula sa Laguna, ang napatay nang walang habas na pagbabarilin ng mga pulis at sundalo ang martsa ng mga magsasaka patungo sa tulay ng Mendiola. Sigaw nila noon sa rehimeng Corazon Aquino ang tunay na repormang sa lupa para baklasin ang monopolyo sa lupa ng mga kroni ni Marcos Sr, ng pamilyang Cojuanco at ng iba pang malalaking panginoong maylupa sa bansa.
Mula noon, magpahanggang ngayon ay walang makabuluhang pagbabagong tinamasa ang mamamayan lalo na ang mga magsasaka at manggagawa. Sa halos apat na dekada, ipinatupad ng reaksyunaryong estado ang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), subalit nananatili ang malalawak na asyenda at plantasyon.
Nananatiling pangunahing problema sa malawak na kanayunan ang kawalan ng sariling lupang nililinang at pinayayaman ang mga magsasaka. Pasan-pasan ng mayorya ng mga maralitang magsasaka ang mabigat na upa sa lupa at mababang sahod ng mga manggagawang-bukid. Napakamahal ng mga binhi at pataba pero napakamura kung bilhin sa kanila ang produkto. Kapit sila sa patalim ng napakataas ng interes sa pautang ng mga usurero. Kaya matapos ang porsyentuhanan o hatian sa pagitan ng panginoong maylupa, kakarampot ang kanila kita, o masahol ay pagkalubog sa utang.
Lalong sumasahol ang mga kaso ng pang-aagaw sa lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka. Patuloy ang pagpasok ng mga higanteng proyektong tulad ng pagmimina, enerhiya, pagtatayo at pagpapalawak ng mga ecozones at mga real-estate na pinagtutulakan ng mga imperyalistang korporasyong dayuhan kasabwat ang mga burgesya komprador sa bansa.
Ang kababaihang magsasaka ang bumubuo ng mayorya ng kababaihang Pilipino. Biktima rin sila ng pyudal na relasyon sa mga hacienda at mga sakahan. Kasama sila ng kanilang asawa at mga anak sa pagsasaka at pagpapayaman ng lupa. Sa harap ng kulang na kita, napipilitan silang magsaydlayn sa paglalako o pamamasukan sa mga sentrong bayan. Dagdag na pasanin nila ang pyudal na kultura na nagkakait o yumuyurak sa kanilang mga karapatan.
Bala at bomba ang sagot ng reaksyunaryong estado at mga armadong galamay nito sa hinaing ng masang magsasaka. Naging tampok kamakailan ang teroristang karahasang inihasik ng AFP sa Mindoro, kung saan kaliwa’t kanan ang mga higanteng korporasyon na may mga ganid na interes sa lupa at likas na yaman. Sa kasalukuyan, ang paghahasik ng lagim ng AFP, ang pambobomba at militarisasyon sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo ay nagreresulta ng pwersahan pagpapaglikas at patung-patong na paglabag sa karapatang pantao at international humanitarian law.
Halos apat dekada na ang nagdaan, ang buhay na inialay ni Adelfa Aribe kasama ng iba pang mga magsasakang pinaslang sa makasaysayang tulay ng Mendiola ay dapat alalahanin, na may diwa ng paniningil at paghahangad ng hustisya. Naninindigan ang MAKIBAKA, na tanging isang digmang bayan – rebolusyon ng mga pinagsasamantalahan at api, makakamtan ang lubos na pagpapanagot at pagbabago sa sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal sa bansa.
Naninindigan ang MAKIBAKA na kailangang bahagi at lumahok ang mga kababaihan lalo na ang mga kababaihang anakapawis sa pambansa demokratikong rebolusyon para lubos na lagutin ang tanikala ng kanyang pang-aapi at itaguyod ang isang lipunang kumikilala sa kanyang karapatan, kakayahan at patas na katayuan sa lipunan.