Pagkagahaman sa kapangyarihan ang nasa likod na manatili sa poder si Duterte

Garapal at tusong nais ikutan ni Duterte ang pagbabawal ng 1987 Konstitusyon sa reeleksyon ng Pangulo ng Pilipinas. Pinalulutang ni Duterte ang pagkandidato niya bilang bise presidente sa eleksyon sa Mayo 2022 upang manatili sa kapangyarihan. Pinakikilos nya ang mga kaalyado sa PDP-Laban upang itulak ang kanyang kandidatura bilang bise presidente at ang prebilehiyong piliin ang makakatambal nyang presidente.

Ito ay sa kabila ng nauna nyang mga pamamahayag sa publiko na wala na siyang interes na manatili sa poder matapos ang kanyang termino. Subalit ano pa ba ang aasahan ng sambayanang Pilipino sa isang presidenteng paulit-ulit na sinungaling at labis na sakim sa kapangyarihan?

Sa harap ng imbestigasyon at napipintong pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte sa mga krimen laban sa sangkatauhan sa pagpapatupad ng madugong gerang henosidyong kontra-droga sa Davao City sapul 2011 at sa buong bansa mula 2016 hanggang Marso 2019, lalong itinutulak si Duterte na manguyapit sa kapangyarihan upang iwasan ang pag-uusig at pananagutan. Mangyayari ito kung magiging bise presidente si Duterte at mailuluklok ang kanyang kaalyado o isang tau-tauhang presidente sa Mayo 2022.

Dahil nakapwesto na ang makinarya sa pandaraya sa COMELEC at sa iba’t ibang antas ng burukrasya, umaasa si Duterte sa panalo niya sa halalan at ang pipiliin nyang katambal kandidatong pangulo alinman kina Sara Duterte Carpio, Christopher Lawrence”Bong” Go at Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Kapag nanalo nga naman si Duterte bilang Bise-Presidente sa Mayo 2022, magkakaroon muli siya ng panibagong anim na taon sa pwesto at hindi maaaring makasuhan sa mga nagawa niyang krimen sa bayan noong nanunungkulan siyang Pangulo.

Sa ngayon ginagamit ni Duterte bilang dahilan sa kanyang pagnanais na kumandidato bilang Bise Presidente ang pagtutulak at panawagan ng mga kaalyado niya sa PDP-Laban. Pinakikilos ni Duterte si DOE Secretary Alfonso Cusi at mga kaalyado sa PDP-Laban upang idiskaril ang ambisyon ni Senador Manny Pacquiao, presidente ng PDP-Laban na kumandidatong presidente sa 2022. Matatandaan din na si Alfonso Cusi ang nalantad na bagman ni Gloria Arroyo sa pamimili ng boto sa Mindanao noong eleksyong 2004.

Samantala, lumiit na ang posibilidad na mapalawig pa ni Duterte, maging ng kanyang mga kaalyadong halal na opisyal sa gubyerno, ang kanilang mga termino lagpas sa Hunyo 30, 2022 sa pamamagitan ng pag-amyenda sa 1987 Konstitusyon ng GRP. Malawak ang naging pagtutol ng sambayanan sa pag-aamyenda sa Konstitusyon ng Pilipinas. Marami ding mambabatas, lalo na sa Senado, ang tutol sa pag-amyenda nito lalo na ang kaugnay sa itinutulak na pederalismo at pagpapalawig ng termino ng mga kasalukuyang halal na opisyal ng gubyerno. Maging ang pag-amyenda sa mga economic provisions sa Konstitusyon, na aprubado na sa Kamara, ay malamig ang pagtanggap ng Senado dahil sa kakapusan ng panahon para pagtalakayan ito at mayroon silang mas prayoridad na batas na pinag-uusapan.

Habang papalapit ang buwan ng Oktubre 2021, na takdang panahon ng pagsusumite ng kandidatura ng mga nagbabalak na tumakbo sa halalan sa Mayo 2022, lumiliit na rin ang posibilidad na magdedeklara ng Batas Militar si Duterte para mapalawig pa ang kanyang termino. Ganunpaman, dahil desperado at sakim sa kapangyarihan si Duterte, hindi dapat maging kampante ang taumbayan at lubusang isantabi ang posibilidad na magdeklara siya ng Batas Militar at dahil dito hindi matutuloy ang nakatakdang halalan sa Mayo 2022. Kailangang laging handa ang sambayanang Pilipino para labanan at biguin ang posibilidad na magdeklara si Duterte ng Batas Militar para makapanatili siya sa kapangyarihan lagpas sa kanyang termino.

Habang papalapit ang pagtatapos ng kanyang termino lalong nagiging desperado si Duterte sa paghahanap ng paraan para manguyapit sa kapangyarihan at maipagpatuloy ang kanyang katiwalian at tiranikong paghahari.
Sa kabilang banda, ang litaw at lumilinaw na tunguhin ngayon mula sa kampo ni Duterte ay ang kanyang pagnanais na tumakbo bilang Bise Presidente katambal alinman sa anak niyang si Sara Duterte, dakilang alalay na si Christopher Bong Go at Bongbong Marcos. Kasabay nito, itinuturing na rin ni Duterte si Senador Manny Pacquiao bilang sagka at malakas na kalaban sa pagtakbo sa pagkapangulo, pangunahin ng kanyang anak na si Sara Duterte Carpio.

Ngayon pa lamang ay dapat maghanda na ang taumbayan sa posibilidad ng pagtakbo ni Duterte billang bise-presidente sa 2022. Kailangang ilantad at labanan ang mga gagawin niyang maniobra upang matiyak na mananalo siya at alinman kina Mayor Sara Duterte Carpio, Senador Cristopher Bong Go at dating Senador Bongbong Marcos bilang Presidente ng bansa sa halalan sa Mayo 2022. Inaasahan nating gagamitin ni Duterte ang buong rekurso at makinarya ng kanyang pasistang estado upang manipulahin ang halalan sa Mayo 2022. Tiyak ding gagamitin ng kampo ni Duterte ang lahat ng iligal na paraan, pananakot, pandarahas, panunuhol at iba’t ibang uri ng pandaraya para tiyakin ang kanyang panalo at ng kanyang babasbasang kandidato sa pagkapangulo.

Ang NTF-ELCAC ay ginagamit ngayon ni Duterte laban sa mga progresibong partylist at organisasyon, mga kritiko at mga pulitiko sa hanay ng oposisyon sa layuning pilayin ito at lubos na mapahina ang kakayahan nitong manalo sa darating na halalan. Ginagamit ng NTF-ELCAC ang P 16.9 Bilyong nakalaan sa Barangay Development Fund (BDF) nito para bilhin ang katapatan ng mga lokal na pulitiko sa administrasyong Duterte. Dapat patuloy na isulong ng taumbayan ang panawagan sa pagbubuwag ng NTF-ELCAC at ilipat ang pondo nito para sa pagtustos sa paglaban sa Covid-19 at mga ayuda sa mga sakuna at kalamidad lalo na ngayong libong mamamayan ng Batangas ang nangangailangan ng tulong dahil sa epekto ng muling pagputok at pag-aalburuto ng bulkang Taal simula noong Hulyo 1, 2021.

Kamakailan lamang, nalantad ang pagkuha ng Department of Finance sa serbisyo ni Nicanor Gabunada, Jr.—isang public relations practitioner at naging social media manager sa kampanya ni Duterte noong eleksyong 2016—para naman sa eleksyon sa Mayo 2022. Ipinagtanggol ni DOF Undersecretary Gil Beltran, pinuno ng DOF’s Bids and Awards Committee na ligal ang pagkuha ng serbisyo ni Gabunada. Matatandaan na si Gabunada ang nasa likod ng 200 pekeng Facebook account ng mga troll armies ni Duterte na ipinasara ng Facebook. Palatandaan ito na naghahanda na ang Malakanyang na manipulahin ang opinyong publiko at resulta ng eleksyon sa Mayo 2022 laban sa oposisyon at pabor sa mga kandidato ng administrasyon.

Dagdag pa, ginagamit na ni Duterte ang Anti-Terrorism Law para labis na papahinain ang oposisyon, lalo na ang mga progresibong partylist at organisasyon, na may malawak na base at suporta mula sa uring anakpawis.

Nag-aakala si Duterte na magsasawalang kibo na lamang ang taumbayan at hahayaan siyang makapamayagpag sa kasalukuyan at makapandaya sa darating na halalan. Suklam na suklam na ang sambayanang Pilipino kay Duterte. Gagawin ng sambayanang Pilipino ang iba’t ibang anyo ng paglaban para pigilan at biguin si Duterte na makapanatili sa kapangyarihan.

Sa kasalukuyan, patuloy at hindi naglulubay ang NDFP-ST sa pagtataguyod at pagsusulong ng mga programa nito na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan sa mga saklaw nitong sona’t larangang gerilya. Kaalinsabay, lagi itong kumikilos para suportahan ang mga pakikibaka ng sambayanang Pilipino para isulong ang kanilang mga demokratikong karapatan at kahilingan.

Mahigpit na kaisa ng sambayanan ang rebolusyonaryong kilusan sa paglaban at pagbigo sa imbing pakana ni Duterte na makapanatili sa kapangyarihan alinman sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon, pagdedeklara ng Batas Militar at pagtakbo nito bilang Bise Presidente. Gagawin ng rebolusyonaryong kilusan ang kanyang bahagi para biguin si Duterte na makapanatili sa kapangyarihan sa loob muli ng anim na taon. ###

Pagkagahaman sa kapangyarihan ang nasa likod na manatili sa poder si Duterte