Pahayag

Pagkwestyon ng mga grupong Katoliko sa ₱8-bilyong badyet ng NTF-Elcac, suportado ng NDF-EV

,

Kapuri-puri ang pagtindig ng mga grupong Katoliko laban sa panukalang ₱8.1-bilyong pondo ng mapanupil at kontra-mamamayang National Task Force-Elcac para sa 2026. Sang-ayon kami sa pahayag ng Caritas Philippines at ng Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (Ecsa-JP) na ginagawang “gantimpala” ang mga proyekto ng NTF-Elcac para sa karahasan, imbis na tumugon sa ugat ng kahirapan at armadong tunggalian sa kanayunan.

Tama ang obserbasyon ng Caritas at Ecsa-JP na ang NTF-Elcac ang nasa likod ng napakaraming kaso ng Red-tagging, panghaharas sa mga aktibista, at paglabag sa karapatang pantao. Nakabatay ang tindig na ito sa aktwal na kalagayan sa maraming komunidad ng magsasaka kung saan ang mga barangay na kabilang sa Support to Barangay Development (SBDP) ng pasistang task force ay siya ring nakapailalim sa matinding militarisasyon.

Sa Eastern Visayas, nasa 699 barangay ang naging “benepisyaryo” ng SBDP mula 2021 hanggang 2025. Kabilang sa mga rekisito nito ay dapat magdeklara ang barangay ng “persona non grata” laban sa rebolusyonaryong kilusan, magtayo ng Barangay Task Force-Elcac, magpasuko ng mga residente at magsagawa ng mga “peace rally.”

Naipapatupad ang mga ito matapos ipailalim ang komunidad sa Retooled Community Support Program (RCSP) kung saan lumalagi o pabalik-balik ang mga pasistang tropa nang ilang linggo hanggang ilang taon. Saka lamang matatanggap ng barangay ang pondo ng SBDP.

Napakalawak ng pinsalang idinulot ng militarisasyon. Mula 2018-2025, naitala ang sa rehiyon ang 43,947 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga armadong pwersa ng estado. Nasa 569,666 indibidwal o 131,643 kabahayan ang naapektuhan ng paghaharing militar sa kanayunan sa pangunguna ng 8th Infantry Division.

Marami ring baryo na hindi bahagi ng SBDP ngunit pinapakatan pa rin ng mga pasistang tropa. Sa sariling pag-amin ng 8th ID noong 2021, nasa 1,513 barangay ang nagdeklara ng “persona non grata” laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kung gayon, posibleng umabot ng mahigit 1 milyon ang naapektuhan ng militarisasyon.

Sa gitna nito, bumabaha ang pondo para sa SBDP, kung saan noong 2021-2025, nasa ₱2.49 bilyon ang ibinuhos sa Eastern Visayas. Ang Northern Samar ang may pinakamaraming “benepisyaryo” na umabot sa 240 barangay, na sinundan ng Samar, Leyte, at Eastern Samar at Southern Leyte.

Ang mga bayan ng Las Navas, Catubig, Catarman, at Palapag sa Northern Samar ay kabilang sa 10 bayan sa rehiyon na may pinakamalaking natanggap na pondo mula sa SBDP. Ito rin ang nakararanas ng pinakamatitinding pasistang atake tulad ng pamamaslang, pambobomba, iligal na pag-aresto at detensyon, at blokeyo sa pagkain at ekonomiya na pinangalanan bilang “lockdown.”

Kung talagang nakakamit ng NTF-Elcac ang layunin nitong pigilan ang armadong paglaban ng mamamayan, bakit nakapakat pa rin sa rehiyon ang 11 pangkombat na batalyon ng 8th ID, bakit patuloy pa rin ang mga “lockdown,” Red tagging, panghaharas at pagpapasurender sa mga magsasaka? Ito ay dahil ang NTF-Elcac ay isang pasistang institusyon na layong supilin ang makatarungang paggigiit ng taumbayan para sa kanilang mga karapatan, habang dumodoble bilang gatasan ng kurakot ng militar at ng reaksyunaryong gubyerno. Wala itong ibang dulot sa mamamayan kundi karahasan at pasakit. Ginagatungan lang nito ang kagustuhan ng mamamayan na magrebolusyon laban sa pasista at pahirap na sistema.

Nananawagan kami sa lahat ng ibang mananampalataya at naniniwala sa tunay at matagalang kapayapaan na makiisa sa panawagang buwagin ang NTF-Elcac. Kolektibo nating igiit ang pagtugon sa ugat ng armadong tunggalian, sa panawagan ng mamamayan para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Ipinagkikibit-balikat lamang ito ng rehimeng Marcos sa pamamagitan ng pasistang terorismo at pagbalewala sa mapayapang resolusyon tulad ng ibinasura nitong Oslo Joint Statement kasama ang NDFP noong 2023.

Pagkwestyon ng mga grupong Katoliko sa ₱8-bilyong badyet ng NTF-Elcac, suportado ng NDF-EV