Pahayag

Pagparusa sa taksil na ex-NPA, babala sa iba pang traydor at nagpahamak sa masang Masbatenyo

Ipinapabatid ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate ang pagparusa kay Jay-R Avalle, dating kasapi ng NPA na nagtaksil sa mga Masbatenyo at kanilang rebolusyonaryong kilusan. Iginawad ang parusa kay Avalle nito lamang Agosto 30, 2:00 ng madaling araw sa Barangay Baras, bayan ng Esperanza.

Dating kasapi ng NPA si Avalle na tumangging pumaloob sa mataas at bakal na disiplina ng Hukbo na siyang pamantayan upang lubos na pagserbisyuhan ang mamamayan. Isinuka ni Avalle ang rebolusyonaryong adhikain at prinsipyo at sa halip ay nagpakasilaw sa mga panlilinlang ng AFP-PNP-CAFGU at mulat na nagdesisyong piliin ang bulok at tiwaling pamumuhay bilang ahente ng militar.

Ipinagkanulo ni Avalle ang kapwa Masbatenyo sa pagpapagamit sa militar bilang aktibong asset, giya sa operasyon at lantarang pagpapahamak sa masa, laluna sa mga komunidad na kanyang naikutan noong siya’y kasapi pa ng NPA. Bago pinarusahan ay aktibo ring kasapi ng CAFGU si Avalle. Isa rin siya sa mga nangunguna sa pandarahas at paggambala sa mga magsasaka ng Hacienda Mortuegue-Larrazabal na sumasaklaw sa mga bayan ng Esperanza at Pio V. Corpuz.

Malaki ang utang na dugo ng mga taksil na tulad ni Avalle sa mga Masbatenyo. Malaki ang ginagampanang papel ng mga taksil na ito sa kasalukuyang taktika ng militar na paghati-hatiin at buwagin ang pagkakaisa ng masa.

Ang mga taksil na ito ang pangunahing ginagamit ng militar para tangkaing pagdudahan ng masa ang Hukbo, alisin ang tiwala ng masa sa isa’t isa at kalauna’y ilayo ang masa sa kanilang rebolusyonaryong kilusan.

Ginagamit ng AFP ang mga isinukang impormasyon ng mga sagadsaring ex-NPA para ibayong pinsalain ang masa. Itinatransporma nila ang ilang mapayapang mga baryo bilang mga pugad ng tulisan at paramilitar sa ilalim ng mga tinaguriang komunidad na ALSA MASA.

Ang pamamarusa sa mga taksil na tulad ni Avalle ay hakbang para bigyan ng rebolusyonaryong hustisya ang mga biktima ng abuso at terorismo ng militar sa Masbate. Nagsisilbi rin ito upang dahan-dahang makarekober ang mga Masbatenyo mula sa mga pinsala at perwisyong idinulot ng mga traydor na ito sa pagkilos at pagkakaisa ng mga Masbatenyo.

Tinitiyak ng Jose Rapsing Command – Bagong Hukbong Bayan Masbate sa mga Masbatenyo na mapapanagot ang iba pang sagadsaring ex-NPA na nagtaksil at nagpahamak sa masa. Magtago man sila sa inaakala nilang proteksyon ng bulok na gubyerno, hindi nila matatakasan ang rebolusyonaryong hustisya.

Kaugnay nito, binabalaan ng Jose Rapsing Command – Bagong Hukbong Bayan Masbate ang mga sagadsaring traydor sa kilusang Masbatenyo: may pagkakataon pa kayong lisanin ang pinili niyong landas bago mahuli ang lahat. Dapat mabatid ng mga traydor na ito na ang pagpapagamit sa AFP-PNP-CAFGU ay katumbas ng pagpapatiwakal. Sa panahong wala nang pakinabang sa kaaway ang mga traydor na ito, tiyak silang pupulutin sa kangkungan.

Pinagpupugayan ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate ang iba’t ibang yunit ng Hukbo sa prubinsya sa serye ng matatagumpay nitong atritibong aksyong gerilya ngayong Agosto. Maliit itong ambag ng mga Masbatenyo sa panawagan ng sambayanan na isulong ang usapang pangkapayapaan. Gayundin, ang mga aksyong ito ay kabahagi ng nagpapatuloy na kampanya ng NPA sa pagkakamit ng rebolusyonaryong hustisya.

Pagparusa sa taksil na ex-NPA, babala sa iba pang traydor at nagpahamak sa masang Masbatenyo