Pahayag

Pagpupugay kay Kasamang Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng MGC-NPA ST, boses ng bayan!

Ipinapaabot ng National Democratic Front-Cavite ang aming pinakamainit na pagsuporta at pagbati kay Kasamang Cleo del Mundo bilang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command NPA-ST! Lubos rin na nakikiisa at sumusuporta ang buong rebolusyonaryong mamamayan sa Cavite kay Ka Cleo bilang tinig ng rebolusyonaryong mamamayan sa rehiyong Timog Katagalugan.

Opisyal na inanunsyo ng Office of the Regional Spokesperson, Melito Glor Command NPA-ST nitong Septyembre 30, 2025 ang pagkakahirang kay Kasamang Cleo Del Mundo bilang panibagong tagapagsalita ng Melito Glor Command NPA-ST. Ikalimang tagapagsalita na si Ka Cleo ng kumand mula kay Ka Roger Rosal taong 1992-2000, Ka Bart Alcantara taong 2001-2009, Ka Diego Padilla taong 2016-2019 at Ka Armando Cienfuego taong 2020-2024.

Bilang tigapagsalita ng Apolonio Mendoza Command NPA-Quezon, lampas dekada nang ipinapamalas ni Ka Cleo ang kanyang husay sa walang kapagurang paghahatid ng tunay na impormasyon sa publiko hinggil sa kalagayan ng mamamayang Quezonin at aktibong paglalantad sa kabaluktutan at kabulukan ng AFP-PNP. Higit sa lahat, masigasig na ipinapahayag ni Ka Cleo ang kawastuhan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pamamagitan matagalang digmang bayan bilang natatanging solusyon upang kamtin ang tunay na pagbabagong panlipunan.

Mabigat ang responsibilidad at papel na gagampanan ni Ka Cleo lalo sa pagtatanghal ng kilusang pagwawastong inilulunsad ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong mamamayan sa pambansang antas. Lubos ang pagtitiwala at paniniwala namin na dadalhin ni Ka Cleo ang boses ng mamamayan ng Timog Katagalugan sa mas matataas na antas lalo sa kasalukuyang panahon kung saan hubad na ang malaganap na korapsyon at pinaigting na pasistang atake ng rehimeng Marcos sa sambayanang Pilipino. Walang araw na hindi nabibigyang katwiran ang pagrerebolusyon ng mamamayan.

Muli, pagbati kay Kasamang Cleo del Mundo at sa Melito Glor Command NPA-ST!

Pagpupugay kay Kasamang Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng MGC-NPA ST, boses ng bayan!