Pahayag

Pagpupugay sa malaking protestang bayan ng paggunita sa Pag-aalsang EDSA

Binabati ng NDFP-ST ang mamamayan ng Timog Katagalugan at buong bansa na lumahok sa paggunita ng ika-39 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA nitong Pebrero. Libu-libo ang tumungo sa lansangan, karamiha’y mga kabataan, upang sariwain ang diwa ng People Power. Ipinanawagan ang pagpapatalsik kay Sara Duterte, pagpapanagot sa ama niyang si Rodrigo Duterte sa madudugong krimen at paniningil kay Marcos Jr sa pangungurakot, kainutilan at kapabayaan ng kanyang rehimen.

Bukod sa kahabaan ng EDSA, inilunsad din ang mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng Timog Katagalugan, Bicol, Visayas at Mindanao. Bago at kasabay nito, may iba’t ibang malilikhaing anyo ng pagkilos kagaya ng mga exhibit, forum, prayer rally at iba pa. Naging maingay ang social media para gunitain ang malaking tagumpay ng pagpapatalsik sa pamilyang Marcos noong 1986.

Kapuri-puri ang pagpoprotesta ng bayan sa gitna ng pasistang paghahari ng papet at bulok na burukrata kapitalistang Marcos II. Lalong ginatungan ng garapalang maniobra ni Marcos Jr na burahin ang kabuluhan ng Pag-aalsang EDSA I. Bigo si Marcos Jr dahil lalong humugos ang mamamayan lalo ang mga kabataan sa lansangan. Pinatunayan nito ang patuloy na paglaban ng bayan at kabataan sa historical revisionism ng mga Marcos.

Samantala, napapanahon ang malakas na panawagang patalsikin si Sara sa okasyon ng EDSA I. Simboliko ang panawagang ito sa gitna ng makasaysayang EDSA I at EDSA II kung saan sa una, pinatalsik ang diktador na si Marcos Sr at sa pangalawa nama’y pinatalsik ang korap na presidenteng si Erap Estrada. Pinasusubalian ng malakas na panawagan sa lansangan ang palusot ng mga tuta ni Marcos Jr sa Senado sa pangunguna ni Chiz Escudero na iilan lamang ang naggigiit na patalsikin si Sara. Lalong nagmumukhang katawa-tawa at hungkag ang katwiran ng Senado na “hindi pa napapanahong pag-usapan ang impeachment.”

Ang totoo’y nahihintakutan si Marcos Jr sa lakas ng mamamayan at na matulad siya sa kanyang ama na pinatalsik ng People Power. Batid niyang kapag natuloy na mapatalsik si Sara ay susunod na siya dahil higit na mas malaki ang dinambong niyang pera bukod pa sa duguan niyang mga kamay.

Nararapat lamang na ipagpatuloy ng pambansa demokratikong pwersa ang paglulunsad ng mga protestang bayan upang ipaabot ang mga karaingan at kahilingan ng mamamayan. Patuloy na palawakin ang nagkakaisang hanay laban sa mga Marcos at Duterte. Ilantad ang mga krimen ng dalawang pamilya at palakasin ang panawagan para sa hustisya.

Magsilbing inspirasyon ang dumaraming bilang ng mga nagpoprotesta sa pagpapasigla ng pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran. Pawiin ang takot sa pamamagitan ng pagsalig sa nagkakaisang lakas ng mamamayan na matibay na kalasag laban sa pang-aatake ng estado. Nararapat lumaban upang makamit ang pambansa demokratikong mithiin ng sambayanan.

Pagpupugay sa malaking protestang bayan ng paggunita sa Pag-aalsang EDSA