Pagpupugay sa NPA Mindoro sa patuloy na pagbigo sa pasistang pang-aatake ng AFP at rehimeng US-Marcos II
Binabati ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro sa magkakasunod na aktibong depensa sa pang-aatake ng AFP sa isla ng Mindoro. Pinakahuli ang pagbigwas ng LdGC sa operasyon ng 4th IBPA at 203rd IBde sa Barangay Budburan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Pebrero 15.
Tumagal ang labanan ng higit 20 minuto. Nakatamo ang palalong kaaway ng dalawang patay at siyam na sugatan habang ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma. Kabilang sa napatay ang platoon commanding officer ng AFP.
Ang labanan ay naganap matapos ang dalawa pang engkwentro sa pagitan ng mga pwersa ng LdGC at AFP noong Pebrero 11 sa San Jose, Occidental Mindoro at Mansalay, Oriental Mindoro. Iniresulta ito ng walang tigil na panunugis ng pasistang 203rd Bde sa NPA sa Mindoro. Hayok na hayok ang 203rd Bde na tugisin ang rebolusyonaryong pwersa sa isla bilang pagsunod sa utos ng among si Marcos at imperyalismong US upang malayang manalasa ang mga mapangwasak na proyekto at huwad na programang pangkaunlaran ng rehimen.
Samutsaring proyekto ang nakaamba sa Timog ng Mindoro, lalo sa mga lugar na naganap ang mga labanan. Sa hangganan ng Mansalay at Bulalacao, nariyan ang planong pribatisasyon ng tubig sa pangunguna ni Mayor Villas. Tinututulan ito ng mga Mangyan at di katutubo dahil hindi makatarungang monopolyohin ang tubig habang iniinda ng mga residente ang kakapusan nito sa maraming lugar. Ang pakanang pribatisasyon ng tubig ay nirereklamo na ng lokalidad panahon pa ng El Niño. Pinaplano ring itayo ang mga offshore wind farms sa panabihang dagat ng Mindoro sa bahaging Mansalay, Bulalacao at hangganan sa Batangas. Malakas ding tinututulan ng mamamayan ng Mindoro ang pagpapahintulot ng lokal na gubyerno sa pagkuha ng armour rocks mula 2022.
Sa bahaging San Jose, Occidental Mindoro, nananalasa ang Tamaraw Reservation Expansion Project (TREP), isang proyektong ekoturismo na ipinapantabing ang pagpepreserba ng mga Tamaraw upang palayasin ang katutubong Mangyan sa kanilang lupaing ninuno at padaliin ang pagmimina ng rekursong enerhiya at mineral. Itinutulak pa ang Lipitan Dam sa San Jose na magreresulta sa pagbaha ng kapatagan at pagkatuyo ng tubig sa interyor ng naturang bayan. Isa pang banta ang ipinapangalandakan ni Marcos Jr. na solar farm project sa Occidental Mindoro bilang bahagi ng paglutas sa krisis sa kuryente sa probinsya. Tiyak na maapektuhan nito ang kabuhayan ng mga residente.
Todo-buhos ng yaman at rekurso ang mga burukrata kapitalista sa mersenaryong AFP dahil ang mga ito ang nagsisilbing bantay sa mga mapanirang proyekto. Sa kabaligtaran, sa NPA nakasalig ang mamamayang Mindoreño sa pagtatanggol sa kanilang lupa at kabuhayan. Sa mahabang kasaysayan ng isla, ang pagsalig ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan at sa pagsuporta nila sa NPA ang dahilan kung bakit nananatili ang mga Mangyan at lokal na setler sa kanilang lupa.
Mayaman ang kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan at hukbo para sa lupa. Dapat panghawakan ang mga tagumpay ng rebolusyong agraryo at ipagtanggol ang mga naipagwaging lupa mula sa mga gahaman at dayuhan. Mahigpit ang pagkakaisa ng masa at hukbo dahil sa pinagsaluhang sakripisyo, kahirapan at tagumpay. Ang di matatawarang sakripisyo ng mga martir at naunang rebolusyonaryo ang puhunan at inspirasyon ng kasalukuyang henerasyon sa Mindoro upang ipagtanggol ang dakilang pamana sa lupa at ipagpatuloy ang tradisyon ng pakikibaka sa tanglaw ng kilusang pagwawasto ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Hangga’t may pang-aapi at pagsasamantala, makakaasa ang mamamayang Pilipino sa rebolusyonaryong kilusan bilang tunay na gubyernong naglilingkod sa bayan na itataguyod nito ang kanilang karapatan at kagalingan. Patuloy itong lalaban hanggang maibagsak ang teroristang estado at itayo ang tunay na lipunang magkakaloob ng pambansa demokratikong mithiin ng sambayanan.