Isang bukas na liham sa mga kabataan ng Ilocos Sa pagsapit ng ika-54 anibersaryo ng New People’s Army Pagsilbihan ang masang api! Sumampa sa NPA!

, ,
This article is available in Iloco

Mga kasamang kabataan ng Ilocos,

Kumusta na, mga kasama? Kumusta na ang gawaing tabako ngayon? Nagpupugon na ba kayo? Ano’ng balita? Itataas kaya ang presyo ng tabako ngayon? Kumusta ang inyong pag-aaral? Kayo ba’y sapilitang pinag-enrol sa ROTC? Haggard ba? Salamat naman at kahit napaka-busy nyo ngayon sa gawaing bukid at pag-aaral ay nakapag-browse pa kayo sa PRWC upang mabasa ninyo itong aming mensahe.

Ngayon ay ika-54th anniversary ng New People’s Army. Alam nyo na, ang tunay na Hukbo ng nakararaming masang Pilipinong inaapi. Batiin natin ang mga Pulang mandirigma at bigyan sila ng 54 na taas kamao!

Limang dekada at apat na taon na ang NPA na nagtataguyod sa bagong demokratikong rebolusyon upang palayain ang bayan sa saklot ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo. At sa limang dekadang pagsisikap ng mga nagpalit-palitang rehimen, mula pa sa rehimeng US-Marcos Sr, hindi nila ito nakayanang durugin. Astig ano?

Naitayo ang NPA noong Marso 29, 1969, bilang tugon ng magsasaka sa malaganap na pyudal na pagsasamantala ng panginoong maylupa sa pamamagitan ng pasistang karahasan. Panahon ito ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., kung saan ay nailinaw na ang kalagayan ng lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal, na ang tanging lunas ay ang pambansa demokratikong rebolusyon. Kung kayat naitatag ang NPA upang itaguyod ito sa pamamagitan ng digmang bayan. Mula sa kaunti at mahinang pwersa, naging malaki at malakas na pambansang pwersa ito na hindi madurog-durog ng sinumang rehimen. Dahil ang digmaang inilulunsad nito ay para sa nakararaming maralitang Pilipino, kung kaya’t yinayakap nila ito. Malalim at malawak na nakaugat ito sa masang magsasaka na bumubuo sa mayorya ng mamamayang Pilipino na siya nitong pinagmulan.

Lahat ng rehimen ay nagtakda ng dedlayn kung kelan nila madudurog ito at lahat ay nangabigo. Kamakailan, dahil anxious na naman sila sa anniversary ng NPA, lumabas sa balita ang tanong sa hepe ng AFP kung kelan talaga nila mawawakasan ang armadong pakikibaka ng NPA, at ang sagot ay, “Malapit na…” Malalaman!

Simula naitatag sa Ilocos noong huling bahagi ng 1970s to early 80s, naging popular na ito sa mamamayang Ilokano. Bukambibig ng masa na simula noong may mga kasamang NPA sa Ilocos ay mas naging ligtas sila dahil nagkaroon sila ng pananggol laban sa mga karahasan ng pasistang estado simula pa sa rehimen ng naunang Marcos. Naging mas matapang na silang ipaglaban ang kanilang karapatan dahil nandiyan na ang NPA na namamarusa sa mga despotikong panginoong maylupa at ng mga ahente nilang sagad-saring militar at kanilang mga espiya. Mas matiwasay na silang iwan ang kanilang mga ani, mga kalabaw at makinarya sa bukid dahil nandiyan na ang mga NPA na kinatatakutan ng mga pusakal na magnanakaw at mangangalabaw.

Alam naming marami na sa inyo ang nakakaintindi kung ano ang NPA. Marami sa inyo ay nakakapiling na ang NPA simula mga bata pa kayo, na nag-oorganisa sa inyong mga magulang na magsasaka at gumagabay sa kanilang mga pakikibaka. Marami na sa inyo ang kabilang sa mamamayang Ilokanong yumayakap sa NPA dahil ito ang kinikilala ninyong tunay na Hukbo na nagtataguyod sa inyong pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at iba pang mga demokratikong interes. Kasa-kasama kayo sa pagsalubong sa mga kasamang Hukbo, sa paghahatid ng kanilang mga baon at iba’t ibang suporta, mga pasa-bilis, tagahatid ng mga babasahing Dangadang at Ang Bayan na kanilang ipinamamahagi. Nakita ninyo kung gaano ka-produktibo at naglilingkod sa masa ang NPA sa pagtulong sa mga gawaing bukid, paggagamot at pagbibigay ng medikal na serbisyo, pagbibigay ng mga pag-aaral paano baguhin ang lipunan, pagtulong sa iba’t ibang suliranin ng masa, pagtuturo ng mga rebolusyonaryo at makabayang kultura at marami pang iba. Ginagagawa nilang lahat ito ng walang hinihinging sahod o anumang kapalit, maliban sa tinatanggap nilang mga boluntaryong tulong mula sa inyo.

Nabalitaan nyo ba ang pangyayari sa Kalinga nitong nakaraan? Nagbomba-bomba at istraping na naman ang militar doon. Siempre, nasindak ang masa, pati mga kalabaw at baka ay nabulabog at nangahulog sa bangin, mga pananim ay nasira. Siyam ang sibilyang dinakip na naghanap lamang ng nawalang kalabaw at baka. Ang ginawa ng mga kasamang Hukbo, nagpakat upang harapin ang kaaway na nandadahas sa masa. Sa gitna ng matinding operasyon ng kaaway, ang ibang kasama ay kumilos upang tumulong sa masa sa paghahanap sa kanilang nawawalang mga baka at kalabaw at magtsek-up ng mga nasirang pananim. Nakaengkwentro na naman nila ang kaaway. Sa mga labanang ito, dalawang kasama ang ang namartir.

Totoo, malaking kawalan sa ating Hukbo ang kahit isang martir. Subalit habang tayo’y nagbubuwis ng buhay para sa kapakanan ng masa, lalo nating inaani ang pagmamahal nila. Maisip ba natin kung gaano kahandang magsakripisyo para sa masa ang ating Pulang Hukbo? Ang magtaya ng buhay para sa kapakanan ng masa. Hindi nila sinabing, “mga kalabaw lang iyan, itataya mo ang buhay mo diyan?” Kahit isang kalabaw lang ay kabuhayan ito ng masa. Ganyan pinahahalagahan ng Pulang hukbo ang kapakanan ng masa. Subalit higit pa sa mga kalabaw, ang ipinaglalaban ng Pulang hukbo ay lupa, karapatan at sariling pagpapasya at kalayaan ng sambayanan. Pero ang kaaway, balewala sa kanila ang buhay at kabuhayan ng masa, pagbobombahin man ang mga komunidad at mamatay ang masa’t mga kalabaw nila, masira man ang kabuhayan ay wala silang pakialam. Lalo na, dinadahas nila ang masa upang agawin ang kanilang lupa at kabuhayan upang pagnegosyohan ng mga amo nilang mga dayuhang kapitalista at panginoong maylupa. Kagaya ng ginawa nila sa Kalinga nitong huli upang takutin ang masa na lumalaban sa pagtatayo ng mapanirang dam.

Marami sa inyong mga kaibigan, kapatid, kamag-anak at mga kakilala ang sumampa sa NPA. Sa kabilang banda, marami din sa inyo, at inyong mga kaibigan, kamag-anak at kakilala ay naging militar, pulis at ahente ng kaaway sa uri.

Sa digmang bayan na nagaganap sa ating lipunan ngayon, karamihang mga mandirigma sa magkabilang panig ay mga kabataan. Lagi nating naririnig ang sinasabi ng kaaway na nasasayang daw ang buhay ng mga kabataang sumasampa sa NPA at nangangamatay. Nakapanghihinayang ba ang buhay nina Ka Asyong, Ka Ashley, Ka Ricky, Eugene, Maymay, Ka Jigs at marami pang iba pang kasamang martir? Sino ba naman ang hindi manghihinayang sa mga napakahuhusay na kabataang ito, pero ang usapin, para saan ba ang pagbubuwis nila ng buhay? Sila ay nagbuwis ng buhay para sa masang inaapi, at ang kanilang kamatayan ay walang kasimbigat at kasindangal.

Ang nakapanghihinayang ay ang mga kabataan sa AFP at PNP na ginugugol ang kasibulan ng lakas at nagbubuwis ng buhay para sa pagtatanggol sa estado ng mapang-aping uri. Ang kanilang sakripisyo ay tulak ng pangangailangan nila ng pagkakitaan, paghahangad ng promosyon at mga gantimpala. Sa kanilang mga operasyon, sila ang mga nasa frontline at unang nasusugatan at nagbubuwis, pagkatapos ay naaalayan ng Medalya ng Kagitingan. Subalit ano’ng kagitingan ang magbuwis ng buhay para sa mga naghaharing uring nagsasamantala sa nakararaming mga magsasaka, manggagawa at mga maralita? Marangal ba ang magbuwis ng buhay para lamang makakuha ng promosyon ang kanilang mga superior? At anong karangalan ang magbuwis ng buhay para lamang makapamayagpag ang mga ganid na kapitalistang humuhuthot sa yaman ng bansa? Ibubuwis mo ba ang iyong buhay upang lalo pang magpayaman ang mga burukrata kapitalistang nagnanakaw sa pondo ng bayang piniga sa pawis at dugo ng magsasaka at manggagawa?

Marami sa mga kabataang Pilipino ngayon ang nahihikayat at natutulak na pumasok sa AFP at PNP dahil ang mga ito ang “madaling pasukan” at “malaki” ang pasuweldo. Ang tanong, nireresolba ba ng napakaraming puwersa ng AFP at PNP ang mga ugat ng suliranin sa lipunang kawalan ng lupain, kawalan ng hanapbuhay, mababang kita at tumataas na implasyon? Nireresolba ba nila ang pagiging atrado’t pyudal na sistema sa kanayunan dahil sa patuloy na pagmomonopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa at kawalan ng pambansang industriya dahil ipinamimigay ng rehimeng Marcos ang ating rekurso’t kayamanan sa mga dayuhang mamumuhunan?

Hindi, at habang pinapalakas ang puwersa ng AFP, nananatili at lumalala pa sosyo-ekonomikong krisis na ito dahil sila ang nagsisilbing moog na tagapagtanggol sa malapyudal at malakolonyal na lipunang pinaghaharian ng mga panginoong maylupa, malaking burges kumprador at mga imperyalista na pinag-uugatan ng tumitinding paghihikahos ng mamamayan.

Ang mga kabataan, na nasa kasibulan ng kritikal na pag-iisip ang pinakamadaling makapagsuri at makasapul sa mga suliranin ng lipunan at kung paano kayo naapektuhan. Dahil sa deka-dekada nang mga pabigat sa magsasaka na usura, mataas na upa sa lupa, palagiang pagkalugi sa bentahan, hindi kayo makapag-aral. Nakapag-aaral man ay walang-katiyakang makapasok kayo sa mahusay na trabaho dahil ang inyong inaaral ngayon ay nakadisenyo para sa pagtataguyod ng mga neoliberal na patakaran ng mga imperyalista na lalo lamang nagpapatindi sa atrasado at bangkrap na ekonomiya. Ang sistema sa edukasyon ng Pilipinas ay hindi para sa pagtatayo ng industriya ng bansa na magbibigay sa inyo ng sigurado at mahusay na trabaho kundi para sa paninilbihan ninyo sa mga kapitalista sa ibayong-dagat.

Ang lumalalalang sosyo-ekonomikong krisis sa lipunan ang nagtutulak sa inyo upang mahikayat sa pagsisilbi sa kaaway sa uri. Pero dapat ninyong sapulin na ang kahirapang dinaranas ninyo ngayon ay bunga ng mga ugat ng suliranin sa lupa at kawalan ng industriya na pinananatili ng naghaharing-uri na sinusuhayan ng pandarahas ng AFP at PNP sa mamamayan.

Ang pulisya at militar na mapanlinlang na nagtataguri sa sarili nila bilang “tagapagtanggol ng kapayapaan,” sa aktwal ay tagapamayapa sa paglaban ng masa upang matiwasay na makapaghari ang mga mapagsamantala. Ang inyong lakas at talino ay hindi dapat iniuukol sa pandarahas sa masang inaapi at sa pagtatanggol ng nang-aaping uri sa pagiging mersenaryong sundalo at mga pulis, kundi dapat na iniuukol ito sa pagtataguyod sa demokratikong rebolusyon ng bayan upang magkaroon ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriya na lulutas sa kronikong sosyo-ekonomikong krisis sa ating bansa. Kayo nang mga kabataan ngayon ang magpapatuloy sa pakikibakang ito, at magpapatuloy pa sa sosyalistang rebolusyon upang wakasan ang kahirapan ng mamamayan at mangingibabaw ang kanilang kagalingan.

Kayo ang magpapasya sa inyong nais tunguhin, kung kanino maninilbihan. Subalit inyo sanang isaisip na ang buhay ng kabataan ay nagkakaroon lamang ng tunay na katuturan kung ito ay inuukol sa pagsisilbi sa masang inaapi sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kanilang pakikibaka para sa tunay na kapayapaan at kalayaan. At sa karanasan, ang katuturang ito ay sa Bagong Hukbong Bayan matatagpuan.

Sampa na!

Pagsilbihan ang masang api! Sumampa sa NPA!