Pagtaas ng presyo ng bilihin ang pamasko ng rehimeng Marcos II sa masang Pilipino

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Matatapos na naman ang isang taon, ngunit parang walang katapusan ang problema ng sambayanang Pilipino. Isa na namang serye ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang panibagong kalbaryong binabalikat ng taumbayan. Halimbawa na lamang, ang isang pirasong sibuyas ay umaabot na sa P30 habang ang isang kilong sili ay mas mahal na sa karneng baka. Ang masaklap pa, kasabay ang problemang ito nang pagkakapako ng sahod ng mga manggagawa, walang patumanggang pagsirit ng presyo ng langis, kaliwa’t kanang bayarin at mga nakapilang panibagong buwis.

Ang pagsahol ng krisis na nararamdaman ngayon ng bansa ay idinulot ng matagal na panahong pagsunod ng gubyerno ng Pilipinas sa dikta ng mga imperyalistang institusyong tulad ng IMF-World Bank. Itinulak nito ang lubhang paghina ng mga lokal na industriya at ang labis-labis na pagsalig sa pag-aangkat ng sobrang produkto ng mga dayuhang bansa. Dahil sa ganitong kalagayan, nawalan ng kakayahan ang bansang kontrolin ang presyo ng mga bilihin sa merkado at naging bulnerable sa mga maniobra, artipisyal na kakulangan at iba pang pakana ng mga kartel at negosyante.

Inutil si Bongbong Marcos sa harap ng minana niyang krisis pang-ekonomya ng bansa. Nagbubulag-bulagan lamang siya sa problema ng taumbayan. Nagpapatuloy siya sa kaliwa’t kanang state visits upang ibugaw ang mga manggagawang Pilipino at kanilang murang lakas-paggawa. Samantala, wala siyang anumang kongkretong hakbang upang ibsan ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin at ang papadausdos pang kabuhayan ng masang Pilipino. Ang pamasko niya sa mamamayan ay miserableng kahirapan at kagutuman.

Sa harap nito, nananatiling matatag na depensa ng sambayanang Pilipino ang pagkakaisa at pagkilos. Dapat lamang magpatuloy sa pagpapalawak ng kilusang masang mangangalampag sa mga nasa kapangyarihan na kagyat na aksyunan ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng bilihin. Higit dito, dapat ipanawagan ang isang pangmatagalan at makabuluhang solusyong sa palagiang krisis na dinaranas at humahagupit sa taumbayan.

 

Pagtaas ng presyo ng bilihin ang pamasko ng rehimeng Marcos II sa masang Pilipino