Pahayag ng Komiteng Rehiyon sa Cagayan Valley sa ika-56 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas
Sa makahulugang araw na ito ng ika-56 anibersaryo ng muling-tatag na dakilang Partido Komunista ng Pilipinas, lipos ang kagalakan at puno ng optimismo ang mga kadre’t kasapi ng Partido, mga alyado at buong masa ng mamamayan sa Cagayan Valley. Dahil sa Partido, sumilay ang katotohanang ‘di matatakasan ng uring api at pinagsasamantalahan ang kahirapan hangga’t hindi naipapanalo ang armadong rebolusyon. Ipinakita ng Partido ang daan ng maliwanag na bukas kapag mangangahas ang mga mamamayan na hawakan ang kanilang kapalaran.
Sa okasyong ito, ginagawaran ng pinakamataas na pulang parangal at pagpupugay si Jose Maria Sison, ang giya, guro at timon sa mahabang panahon ng rebolusyong Pilipino. Gayundin sa lahat ng mga martir na kadre ng Partido at mandirigma ng Fortunato Camus Command, BHB-Cagayan Valley na buong-tapang at walang pag-iimbot na nag-alay ng panahon at buhay sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Ang kanilang di-magagaping diwa ng kabayanihan at ‘di pagkamakasarili ang patuloy na magsisilbing inspirasyon ng buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.
Pinakamataas na pagkilala ang iginagawad ng KTKR kay kasamang Ariel “Ka Ned” Arbitrario, kagawad ng KH-KTKR at mahusay na komunistang kadre. Pinagpupugayan din ang buhay at pakikibaka nina Jaja “Ka Maria” Ruiz, “Ka Pryce”, Danielle Marie “Ka Seed” Pelagio, Orlando “Ka Jorly” Sagsagat, at Gerald “Ka Daloy” Paredog—mga magigiting at matatapang na opisyal ng Partido at BHB-CV. Ang maningning at makabuluhang buhay na kanilang inilaan para sa demokratikong rebolusyong bayan ay modelo upang puspusang magwasto, ibayong sumulong at walang kapagurang paglingkuran ang sambayanan. Ang kanilang diwa at mga turo ay mananatili sa ala-ala ng mga kadre’t kasapi ng Partido, mandirigma ng hukbong bayan at mga masang kanilang minahal at ipinaglaban ang karapatan. Nakatala ang mga pangalan nila sa altar ng mga bayani ng bayan.
Ikinararangal ng Komiteng Rehiyon (KR) ang katatagan ng mga kadre, kasapian at rebolusyonaryong masa sa mahigpit na pagtangan sa rebolusyonaryong simulain sa gitna ng malupit na terorismo ng estado. Nagsisinungaling ang AFP-NTFELCAC sa pagsasabi ng “insurgency free” na ang Cagayan Valley. Sapagkat sa kabila ng masasakit na depensiba, nanatili pa rin ang BHB sa rehiyon na tumatangan sa kanilang armas at paninindigan para sa rebolusyunaryong armadong pakikibaka. Kahit anong pananakot ng pagdakip, pagpatay, at paghahapag ng mga gawa-gawang kaso at mandamiento de aresto, kumikilos pa rin ang mamamayan sa kalunsuran at kabayanan para sa kanilang karapatan sa kabuhayan sa gitna ng dinaranas na kalamidad ng magkakasunod na bagyo at lumalalang krisis ng lipunang malakonoynal at malapyudal. Sa paglapit at pamumuno sa masa at pagsama sa kanilang linggatong, unti-unting nakapangingibabaw ang mga kadre at kasapi sa terorismo ng estado.
Nanawagan ang Komite Sentral para sa Kilusang Pagwawasto bilang daan sa pagpapanibagong lakas ng rebolusyunaryong pwersa. Nagbunsod ito ng mga hakbang sa paglalagom ng KR at ng ilang komite sa ilalim nito upang masuri ang mga naging kahinaan at pagkakamali na dapat iwasto. Naging mulat ang mga kadre at kasapi sa kanilang aksyon at paraan ng paggawa, at nakita ang pangangailangang samahan ang masa sa pagbubuo ng kanilang lakas, matutong magsiyasat at matalas na magsuri ng kalagayan ng masa upang magsulong ng kanilang kabutihan. Kasabay nito ay maiwasto ang konserbatismo at iba pang mga kahinaan. Ngunit mahaba pa ang lalakbayin ng rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon sa pagtutuwid na magbubunga ng muling paglaki at paglakas ngrebolusyonaryong kilusan. Panghahawakan ng Komiteng Rehiyon sa darating na taon ang panawagan ng KS para sa ibayong pagsulong ng kilusang pagwawasto.
Palalimin at palawakin ang kilusang pagwawasto! Ibayong palakasin ang Partido.
Ulitin natin ang sumpa sa pagsapi sa Partido. “Sumusumpa akong tutupdin ang lahat ng tungkulin at pananagutan ko sa abot ng aking makakaya, patataasin ang aking proletaryong rebolusyonaryong kamulatan, paglilingkurang lagi ang sambayanan at magiging malapit sa kanila, ipagtatanggol at ipaglalaban ang kapakanan ng sambayanan, pananatilihing mataas ang dangal at prestihiyo ng Partido, pangangalagaan ang kaligtasan ng Partido at lahat ng kasama ko buhay ko ma’y ialay kung kinakailangan, buong katapatang pupunahin ang mga kamalian at kahinaan ko at ng aking mga kasama upang mapabuti ang paggawa at estilo ng paggawa batay sa tumpak na makauring paninindigan at upang mabuo ang pagkakaisa at lakas, at isusulong ang kapakanan ng Partido at ng masa. Gagamitin ko ang lahat ng pagkakataon upang maipalaganap ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at maipatupad ang proletaryong rebolusyonaryong linya ng Partido.”
Taimtim na paninindigan ang sumpa sa pagsapi. Gabay natin ito at ang panawagan ng Komite Sentral para sa kilusang pagwawasto. Tanglaw natin sa mahaba pang lakbayin tungo sa dulo ng tagumpay ng kilusang pagwawasto.
Gamitin natin ang bawat sandali ng pagkilos para sa hamon ng kilusang pagwawasto. Sapulin ang kahalagahan ng kilusang pagwawasto bilang susi sa paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at hakbang pasulong tungo sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Unang hakbang at rekisito ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM) at linya’t patakaran ng Partido Komunista ng Pilipinas sa tatlong-antas ng kurso nito. Ang salat at mababaw na pag-unawa rito ang ugat ng kamalian at naging pag-atras ng rehiyon.
Gamitin ang teorya ng MLM, linya, programa at patakaran ng Partido sa pagsapol ng karanasan mula sa paglalagom ng mga organo. Sa pamamagitan lamang ng turo ng rebolusyunaryong teorya magkakaroon ng kalinawan ang esensya ng ating praktika, makikilala ang katangian ng mga nakaraang pagkakamali na paghahalawan ng mga aral upang maging gabay sa susunod na mas maunlad pa na praktika. Hahakbang pasulong ang gawain sa pagwawasto ng mga pagkakamali. Ang praktikang nagagabayan ng rebolusyonaryong teorya ang tutungtungan ng pag-ahon sa naging pag-atras at pagtalunton sa paglakas— pagpapalaki ng buong-panahong kadre at kasapian, hukbo at aktibista, baryo at bayang kinikilusan, at mamamayang pinamumunuan. Sukatan ng tagumpay ng kilusang pagwawasto ang pagtaas ng kantitatibong datos.
Hindi natin isasantabi ang tungkulin sa pag-aaral at pag-unawa sa teorya ng MLM dahil ito ang makapagsusustine sa atin sa lipos-nang- kahirapan na matagalang digma. Maagap at mapagpasyang lutasin ang mga pangangailangan sa mga pag-aaral. Sa mga pagtatasa, paglalagom, pamumuna at pagpuna-sa-sarili, at gawain sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri, at subaybayan ang pag-unlad sa pagsapol at aplikasyon ng mga kadre’t kasapian sa teorya ng MLM, programa at patakaran ng Partido.
Higit na palakasin ang Partido
Gawin ang lahat ng makakaya upang malakas na makapamuno ang KTKR sa yunit ng hukbo. Isaayos at palakasin ang komite sa lungsod at kabayanan, at paganahin ang sentro ng pamunuan upang magampanan ang pang-araw-araw na gawaing pang-organisasyon at pang-edukasyon.
Tiyaking magluluwal ang mga kilusang masa ng mga aktibista, makapagrekluta sa Partido at makapagpasampa sa hukbo. Pagbuksan sila ng pinto, mabilis na iangat ang kanilang pampulitakang kamulatan at kaalaman, at mapangahas na bigyan ng mga tungkulin habang mahigpit na nasusubaybayan upang makapagpatuloy at makapagpaluwal din sila ng mga bagong aktibista. Pakatandaang ang pangunahing tungkulin ay magpalaki. Tiyaking makapagtakda ang mga organo ng target upang magampanan ang tungkuling ito.
Magkapit-bisig nang mahigpit ang mga kadre at kasapi, pakamahalin ang bawat isa sapagkat sila ay rebolusyonaryo at kasamang lumalaban sa isang dambuhalang kaaway. Iwaksi ang petiburgis na liberalismo na nagpapapurol ng pagkakaisa at humahadlang sa madulas na pagpapatupad ng gawain.
Umugat nang mas malalim sa masa at pamunuan ang kanilang paglaban sa pasista at burukrata-kapitalistang rehimeng US-Marcos!
Panata ng Partido na paglingkuran ang sambayanan sa pamamagitan ng pamumuno sa kanila na ipaglaban ang kanilang demokratikong interes at kabutihan. Sa proseso ng paglaban ng masa, aakayin sila ng Partido sa rebolusyonaryong landas ng masigabong digmang bayan.
Pamumunuan ng Partido ang mamamayan sa kanilang paggigiit ng karapatan sa lupa at kabuhayan, pagtatamasa ng katiwasayan sa baryo, pagtatamasa ng patas na pakinabang mula sa kalikasan, karapatan ng mga bata, kababaihan at may piniling kasarian at iba pang karapatang demokratiko at sibil. Itataas ang kanilang kamulatan at gagabayang maitayo ang kanilang mga organisasyon.
Taun-taon pinahihirapan ang mamamayan ng rehiyon ng magkakasunod na bagyo. Walang ibang tutulong sa kanila na mapatighaw ang kalamidad nang may malayong tanaw, syentipiko at tapat na pamumuno, kundi ang kanilang sarili, sama-samang kumikilos sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas; magtuturo at mamumuno sa rebolusyong agraryo; paglaban sa pasismo ng estado; makikinig at tutulong para sa kahingian ng mga batayang sektor, maging pangmultisektoral at teritoryal; pag-aayos at pagpapaunlad sa pamayanan sa larangan ng kalusugan, edukasyon, kultural, ekonomiya at pangangalaga ng embayronment; maging sa pagsusulong ng bagong pulitika sa panahon ng eleksyon.
Pasiglahin ang mga subkomite sa ilalim ng mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika sa pagsusulong ng kani-kanilang kampanya tulad ng pagtatanim at paggawa ng mga katutubong gamot ng subkomite sa kalusugan, kolektibong bukid at pag-eengganyo sa palit tanim ng monocrop na yellow corn at sa halip ay pagtatanim ng mga angkop sa panahon ng mga bagyo at sa tagtuyot ng subkomite sa kabuhayan, pagsasanay militar at paggawa ng katutubong armas ng komite sa depensa, pagpapalaganap ng PADEPA ng komite sa edukasyon, at iba pang mga komite.
Hindi manghihinawa ang Partido at mga aktibista nito na ipaliwanag sa malawak na masa ng rehiyon ang panganib sa buhay, kabuhayan at pamayanan ng mga “EDCA site” at iba pang pinaghihimpilan ng mga tropa at kagamitang militar ng US . Pinapalaki ng mga ito ang posibilidad ng gyera sa West Philippine Sea.
Masigla ang gawaing edukasyon at organisasyon kapag may laban at kampanyang masa. Maging mapanlikha sa pagsunggab sa ibinubukas na pagkakataon ng kilusang masa sa pagpapataas ng kamulatan sa pambansa-demokratikong rebolusyon, gayundin sa pagpapalaki at pagkonsolida ng iba’t ibang anyo ng organisasyong masa. Susulong ng tuluy tuloy ang digmang bayan kung ang gawain sa edukasyon, propaganda at kultura ay malakas at malaganap kasabay ng pagbigkis sa lakas ng masa. Tiyakin na lumalapag sa masa ang mga pahayag ng Partido lalo na ang Ang Bayan at iba pang pahayagan ng mga organisasyong rebolusyonaryo.
Mula sa kilusang antipyudal at iba pang sektoral na interes, himukin ang mamamayan sa kilusang pampulitika na dinadala sa kapitolyo at sa NCR. Ipatimo sa kanila ang kahalagahan ng pagpapasampa sa hukbong bayan at paglakas ng armadong pakikibaka. Hikayatin ang masang tumindig laban sa mga kaaway, sa hindi pagpapahinuhod mula sa maliliit hanggang malalaking paglaban sa ligal at iligal, hayag at lihim, armado at hindi armado. Mula rito, mag-ani para sa Partido at hukbo.
Sa bawat laban ng masa, tiyakin na nahihikayat nila ang mga panggitnang pwersa na sumuporta. Sa ilang kabilang sa naghaharing uri na hindi naman sagadsarin, hikayatin silang huwag lumaban kung hindi man sumimpatya. Hikayatin ng masa ang mga panggitnang pwersa na mag-ambag ng kanilang kasanayang pangkalusugan, at sa pag-aangat ng produksyon at edukasyon.
Ang matatag na pamumuno sa masa sa kanilang mga pakikibaka laban sa pasista at burukrata-kapitalistang rehimeng US-Marcos Jr ay magpapalalim at magpapalawak ng ugat ng Partido sa hanay ng masa. Bibiguin nito ang layunin ng rehimen na ubusin ang mga rebolusyonaryo, sa halip ay makapagpapalakas ang Partido at buong rebolusyonaryong pwersa.
Magpunyagi sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan!
Ipinangangalandakan ng magkasunod na rehimen na tatapusin nila ang rebolusyonaryong kilusan subalit hindi natin hahayaang mawalan ng armas ang mamamayan—ang rebolusyonaryong armadong kilusan. Pagdidiin ni Tagapangulong Mao, “Wala kahit anuman ang mamamayan kung wala ang hukbong bayan.” Hindi ang mga pulitiko, mga malalaking may-ari ng lupa, mga trader-usurero ang magpapapalaya sa mahihirap na magsasaka sa kawalan ng lupa, hindi sila ang magtatayo ng mga pambansang industriya upang ang mga ginto, pilak, magnetite at mga troso ay hindi mangibang-bayan at lumikha ng mga trabaho para sa mga mamamayan sa rehiyon o sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Hindi ang mga kapit-tuko sa pwesto na mga dynastiya ang magtataguyod ng mga karapatan ng mga mamamayan.
Tanging ang katubusan ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang kalutasan ng mabigat at malalim na ugat ng suliranin ng sambayanan. Hindi ‘pinag-iwanan ng kasaysayan’ ang rebolusyunaryong kilusan, tulad ng ipinangangalandakan ng mga propagandista ng bulok na estado. Mabigat na kalaban ang pinakamakapangyarihang bansa sa mundo na siyang nakadagan sa mamamayang Pilipino. Subalit, hindi tayo nag-iisa, kasama nating lumalaban ang laksa-laksang mamamayan sa maraming bansa na naghahangad ng pambansang paglaya mula sa saklot ng imperyalismo, mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan, maging ang mga manggagawa at iba pang uring api sa mga bansang kapitalista.
Hindi matatakasan ng kapitalismo ang pangkalahatang krisis nito at nasa bingit na ito ng kamatayan. Wala na itong ilalakas pa sa pagtinging estratehiko, manapa’y pagkaupos ang tinutungo nito. Ipursige natin ang mabilis na pagpapalakas gamit ang aral sa 56 taon na pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng Partido at ng higit-siglong pakikibaka ng proletaryado.
Armadong pakikibaka ang pangunahin at epektibong porma ng pakikibaka para maibagsak ang mapanupil na estado na suportado ng mapandigmang US. Armadong pakikibaka na ang katangian ay digmang bayan ng malawak na mamamayang api. Hindi ito magagapi ng mga matatataas sa kalidad at taksa-taksang armas ng imperyalismo. Magpursige tayo sa paglaganap ng naaarmasang mamamayan. Sa gitna nito, itatayo natin ang malakas na BHB.
Kahinaan natin sa nakaraan nang sumiksik sa gubat at itinulak ang sarili sa lantay-militar na kalagayan. Naging bulnerable ang BHB, at hindi na ito napaliligiran ng malawak na mamamayang lumalaban, hawak ang anumang sandata–bato, pik-bong o iiba pang katutubong armas.
Malaganap na itayo ang mga kwerpong pananggalang-sa-sarili sa mga organisasyong masa, yunit pandepensa sa sarili (SDU) at milisyang bayan (MB) sa mga baryo. Anihin sila mula sa laban ng kilusang magsasaka-manggagawang-bukid at aktibistang kabataan at itaas ang kanilang diwang palaban. Hakbang-hakbang na paunlarin ang pangangalaga nila ng seguridad ng baryo hanggang sa nagagabayan at napamumunuang paglaban sa kaaway. Itayo ang grupo sa Partido sa bawat yunit ng MB at SDU. Magpasampa ng pultaym na hukbo at sa Partido mula sa hanay nila.
Magpursige na mapamunuan ng Partido ang lahat ng yunit ng hukbo. Patiningin ang kamulatang pampulitika sa pambansa-demokratikong rebolusyon at kamalayan sa MLM kapwa ng pultaym at partaym. Gayundin na magpursige na palakihin ang bilang ng pultaym na hukbo.
Pag-aralan ng BHB ang tatlong kilusang pagwawasto at mga paglalagom ng rehiyon ng Cagayan Valley. Panghawakan ang mga mahalagang aral sa paglalagom ng mga taong 2016-2022—ang kahalagahan at pangangailangan ng mga taktikal na opensiba na akma sa iba’t ibang yugto ng gawaing pampulitika, na dapat iwasto ang konserbatismo sa gawaing militar, ang sobrang dispersal sa panahon ng kaluwagan ng galaw ng kaaway at matagal na konsentrasyon at paglayo sa masa naman sa panahon ng kahigpitan ng galaw ng kaaway at ang pagpapabaya sa pagpapagana ng grupo ng Partido at pamumuno ng pulitika sa mga iskwad. Ginintuang aral ang pagpapalakas ng hukbo kasama ang masa, ang lumaban para sa masa at lumaban kasama nila.
Paglakas at pagsulong ng rebolusyon ang hatid sa tuwinang tayo ay nagtatagumpay sa kilusang pagwawasto. Pagsikapan natin ito. Malaking sakripisyo ang pagbaklas sa dating kagawian ngunit tiim-bagang na magwasto sa mga kamalian sa ideolohiya, pulitika at organisasyon bilang bahagi ng paglilingkod sa sambayanan, para sa mamamayang naghihikahos, sa alaala at turo ng mga bayani’t martir, at para sa susunod na henerasyon ng mamamayang Pilipino.
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas-MLM sa ika-56 anibersaryo ng pagkakatatag nito!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Magwasto, magpatuloy at magtagumpay!