Pahayag sa Okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan
Sa makasaysayang araw na ito, binabati at binibigyang pugay natin ang lahat ng mga kababaihan sa Mindoro, sa bansa at sa buong mundo, sa patuloy nilang pakikibaka upang makamit ang pagpapabuti ng kanilang kalagayan at mga karapatan. Para sa mga kababaihan sa Mindoro at sa bansa, nangangahulungan ito ng pakikibaka sa lahat ng aspeto ng buhay na kailangang gawing bahagi ng pakikibaka ng sambayanan para sa pambansa-demokratikong adhikain.
Ngayong araw ginugunita at ipinagdiriwang natin ang ika-113 taon ng pandaigdidang araw ng kababaihang anakpawis bilang pagkilala sa tagumpay ng mga kababaihang nakibaka para sa sahod, mas maayos na kondisyon sa pagtatrabaho, at karapatang bomoto. Ito naman ang ika-49 taon mula ng pormal itong dineklara ng United Nations bilang araw ng kababaihan.
Pinaparangalan din natin sa araw na ito ang mga kababaihang rebolusyonaryong nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa paglilingkod sa sambayanan kagaya ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza, ikalawang pangalawang Kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan. Sa Mindoro, pinagpupugayan natin ang pinakahuling mga kababaihang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na martir ng rebolusyon na sina Abegail “Ka Esang” Bartolome, Nancy “Ka Mamay” Looy Yaw-an, Irene “Ka Giselle” Matulac, kasama ang marami pang kababaihang kadre at kasapi ng Partido, at mga kasapi ng mga organisasyong masa sa buong bansa na nag-alay ng kaisa-isang buhay para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Kabilang sila sa mga tunay na bayani ng sambayanan na hindi natakot magsakripisyo alang-alang sa bayan, winakasan ang pagiging kimi, at nakibaka para sa dakilang mithiing palayain ang sambayanan sa kamay ng imperyalismong US, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Gawin nating inspirasyon ang magigiting at matatapang na mga kababaihang ito gayundin ang iba pang mga martir ng rebolusyon.
Ang pakikibaka ng mga kababaihan ay isang esensyal na bahagi ng kabuuang pakikibaka ng mamamayang Pilipino at uring anakpawis sa buong daigdig. Karamihan sa kababaihan ang mula sa uring manggagawa at magsasaka na bumubuo ng higit sa 90 porsyento ng mga uri sa lipunang Pilipinong nakakaranas ng labis-labis na kahirapang ibinunsod ng krisis ng nabubulok na malakolonyal at malapyudal na lipunan. Dagdag na pagpapahirap ang diskriminasyon at pagsasamantala sa kanila dahil sa mas mababang pagtingin sa kanila ng lipunan. Araw-araw na nakikipaglaban ang mga kababaihan sa matinding kahirapan ng buhay na dulot ng kawalan ng lupa, kawalan ng disenteng hanapbuhay, napakababang sahod, kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno, at matinding pasismo ng mga armadong pwersa ng estado.
Sa kanayunan, biktima ang kababaihang magsasaka ng malaganap na kawalan ng lupa, mataas na upa sa lupa, usura at napakababang presyo ng mga produktong bukid . Itinuturing bilang rice granary ng MIMAROPA ang Mindoro subalit karaniwan na ang dalawang beses lang na kain sa maghapon ng masang anakpawis dahil hindi na nila makayanan ang napakataas na presyo ng bigas na umaabot ng 55-65 piso kada kilo. Maging ang asin at sibuyas na karaniwang produkto sa isla ay hindi na rin kaya ng bulsa ng karaniwang masa.
Kung kailan tuluy-tuloy ang pagtaas ng bilihin, nakagagalit naman ang bagal ng pagtaas ng sahod at barat na barat na presyo ng mga produktong bukid. Sa palayan, nakapako sa 14-18 piso kada kilo ang presyo ng palay, habang sa niyugan naman ay 19-22 piso lamang ang bawat kilo ng kopras. Samantalang umaabot lamang ng 40 piso ang presyo kada kilo ng sibuyas gayong napakataas ng gastos sa produksyon nito na umaabot ng 57,000- 60,000 piso sa bawat lata. Lalo pang lalaki ang gastos sa produksyon ngayong El Niño dahil sa mas malaking gatos sa patubig. Matinding pagtitipid at pagpapakahusay sa pagbabadyet ang ginagawa ng mga ina ng tahanan sa kakarampot na kinikita ng karaniwang pamilyang Pilipino na lubhang napakalayo sa 1,090 pisong kailangan ng isang pamilya para mabuhay ng disente sa bawat araw.
Lubhang napakababa ng karaniwang 150-250-450 pisong arawang sahod ng mga manggagawang bukid at mala-manggagawa sa isla. 10-12% o abereyds na 6-8 kaban lamang sa kada ektarya ng lupang palayan naman ng netong ani sa bukid ang karaniwang kabahagi ng mga katulong sa bukid. Kulang na kulang ito para tustusan ang mga pangangailangan ng buong pamilya. Mistulang pang-aalila sa asawa ng mga katulong sa bukid ang mga trabahong pinagagawa ng kani-kanilang mga amo kagaya ng paglilinis ng bahay, pagluluto, pag-aasikaso ng mga alagang hayop at iba pa na hindi binabayaran. Para madagdagan ang kakarampot na kinikita ng mga manggagawang bukid, karaniwang gawi na ng mga asawa nila ang managraw o mamulot ng mga tira-tirang inani sa bukid na maaari pang pakinabangan.
Dagdag pang banta sa kabuhayan ng masang Mindoreño ang idudulot ng mga mapanira at anti-mamamayang mga proyekto kagaya ng mga dam na planong itayo sa mga ilog ng Kayakyan, Bongabong, Mompong at Amnay, mga renewable energy projects sa mga bayan ng Rizal, Sablayan at Puerto Galera. Anumang pilit na tabingan ito ng mga lokal na burukrata para umano sa paglutas sa krisis sa kuryente sa isla at paglikha ng dagdag na mga trabaho, malinaw sa mamamayan na magsisilbi lamang ito sa interes ng mga dambuhalang dayuhang mga negosyante. Nariyan din ang mga proyektong ekoturismo sa Bulalacao at Mansalay, pagmimina sa San Jose at sa hangganan ng Victoria at Sablayan, at Tamaraw Reservation Expansion program na sasaklaw sa mahigit 64,000 ektaryang lupaing taniman at panirahan ng mga katutubo, bukod pa ang sasaklawing lupa ng mga magsasaka. Tiyak na walang kabutihang idudulot ang mga proyektong ito sa mamamayang Mindoreño kundi ang pagpapalayas, pangwawasak sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Dagdag pang magpapabilis sa malawakang pangangamkam ng mga lupain ang nilulutong Charter change ng ilehitimong rehimeng US-Marcos. Kapag naisabatas ito, tiyak na ang 100% pagmamay-ari ng mga dayuhan sa lupa at mga susing industriya sa bansa.
Dulot ng ganitong kalagayan, libu-libong kababaihang Mindoreño ang nagpapasyang mangibang-bayan bilang mga OFW sa pagbabakasakaling gumanda ang buhay at makaahon sa kahirapan. Kakambal ng pagtitiis sa matinding kalungkutan at pangungulila sa pamilya, ang hindi maayos na kondisyon sa trabaho at pagmamaltrato ng kani-kanilang mga among dayuhan. Napakahaba na ng listahan ng mga kababaihang OFW na bangkay nang iniuwi sa Pilipinas, dagdag pa dito ang mas mahabang listahan ng mga ginahasa, binubugbog, at inaabuso. Ang lalong nakagagalit, patuloy na hinihimok ng gobyerno ang pag-eksport ng lakas paggawa, habang inutil ito sa pagbibigay hustisya sa masaklap na sinasapit ng mga OFW gayong sila mismo ang nagtaguri sa mga ito bilang mga bagong bayani ng lipunang Pilipino dahil sa laki ng ambag nila sa ekonomiya ng bansa.
Sa gitna ng busabos na kalagayan ng mga kababaihang anakpawis, nananatiling bulag at bingi ang gubyerno ni Marcos na magbigay ng makabuluhang serbisyong panlipunan sa mamamayan. Madalang pa sa patak ng ulan sa tagtuyot na makatanggap sila ng ayuda mula sa reaksyunaryong gubyerno laluna sa panahon ng matitinding kalamidad. Ganito rin ang karanasan ng libu-libong mamamayang naapektuhan ng oil spill mula sa barkong MT Princess Empress na naganap sa karagatan ng Oriental Mindoro mahigit nang isang taon ang nakalilipas. Maging ang programa ng DSWD na 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na naglalayon diumanong tulungan ang bawat pamilyang Pilipino na umangat ang kalidad ng buhay ay hindi rin nagsisilbing tulong sa mga nanay para magkaroon ng maayos na edukasyon at buhay ang kanilang mga anak. Tila limos lamang ang 500 piso sa bawat bata kada buwan na tuwing ikatlong buwan pa nila nakukuha. Ang kakarampot na pera ay kapalit ng napakaraming abala at rekisitos katulad ng pagdalo sa mga regular na pulong at patawag. Masaklap pa, libu-libo na sa mga benepisyaryo ng 4P’s ay nawawala sa listahan dahil diumano’y umangat na ang kabuhayan nila dulot ng mga naunang ayuda na isang palusot lamang para maghugas-kamay ang gobyerno sa kanyang responsibildad. Serbisyo sana itong para sa mamamayan subalit batbat ng korapsyon at ginagawang gatasan ng mga nakaluklok sa burukrasya.
Tila langit na hindi maabot ang serbisyong pangkalusugan dahil sa matinding kahirapan ng mamamayan at lubos na kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno. Sa isla, mabibilang lamang sa kamay ang mga ospital, pagamutan at mga lying-in clinics para sa mga buntis. Iilan-ilan na nga lang ay napakamahal pa ng babayaran para sa pagpapagamot, pagpapatsek-ap at panganganak. Maging ang pagpapaaral sa mga bata ay halos di kinakaya ng masang anakpawis. Hungkag ang ipinagmamalaki ng reaksyunaryong gubyerno na libreng sistema ng edukasyon sa bansa. Libre man ang matrikula ay napakalaki pa rin ng mga gastusin sa eskwelahan kagaya ng mga proyekto at baon ng mga estudyante, upa sa mga boarding house at dormitoryo, at marami pang iba. Nananatiling napakababa ang akses ng mga katutubo sa mga eskwelahan na tila napakalayo sa kani-kanilang mga pamayanan at kadalasa’y sa mga sentro ng mga baranggay at bayan pa matatagpuan.
Kakatwa na walang matinong tulong at serbisyong maihatid ang reaksyunaryong gubyerno subalit sa araw-araw, daan-daang libong piso ang winawaldas ng 203rd Bde at PNP MIMAROPA sa madalas na pagpapalipad ng kanilang mga helicopter para lamang dalhan ng iilang sakong suplay ang kanilang mga tropang nag-ooperasyon sa kabundukan o di kaya’y magbagsak ng mga polyetong naglalaman ng mga maiitim na propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro. Bukod pa rito ang pagpabalik-balik ng mga drone para sa paniniktik sa mamamayan, pagdagsa ng mga tangke de gyera, howitzer, bomba, baril at mga balang patuloy na pinagkakagastusan ng gubyerno para diumano’y durugin ang “natitirang” rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro. Ang pagtatapon ng milyun-milyong pondo ng bayan para sa mga makabagong sandata ng 203rd Bde at PNP MIMAROPA ay naghahatid lamang ng perwisyo at naghahasik ng terror sa mamamayang Mindoreño.
Kabilang din ang mga kababaihang Mindoreño sa mahabang listahan ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng mga pasistang AFP-PNP-CAFGU. Nito lamang 2023, biktima ng panggagahasa ng mga sundalo ang dalawang kababaihan mula sa Brgy. Lisap at Hagan, Bongabong. Kabilang ang mga kababaihan o di kaya’y ang kanilang asawa, mga anak, at kapamilya sa mga biktima ng nagpapatuloy na ekstrahudisyal na pamamaslang, iligal na pang-aaresto at pagdedetine, pambubugbog, tortyur, sapilitang pagkawala, red tagging, pambobomba at panganganyon sa mga komunidad.
Sa gitna ng ganitong kalagayan, dapat patuloy na magpunyagi ang mga kababaihan na wakasan ang pananahimik at pagsasawalang-kibo sa nararanasang pang-aapi at pagsasamantala, diskriminasyon at labis-labis na kahirapan. Nakikita na ng mga kababaihan ang kanilang malaking parte sa lipunan. Dahil binubuo sila ng kalahati ng mamamayang Pilipino, hindi magbabago ang kalagayan kung kalalakihan lamang ang magrerebolusyon para ibagsak ang mapang-aping sistema. Patuloy nating imulat ang kababaihan sa kanyang papel para baguhin ang umaalingasaw at nabubulok na lipunan. Hindi sapat ang ilampung libong naorganisang kababaihan sa kalunsuran at kanayunan ng Mindoro na naipaloob sa rebolusyonaryong organisasyon masa ng sektor, ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA. Himukin natin ang mas marami pang kababaihan na sama-samang kumilos kapwa sa kalunsuran at kanayunan, sa iba’t ibang daluyan ng pagkilos- sa hayag at lihim, legal at iligal, armado at di-armado para baguhin ang aping kalagayan at kagalingan ng sector. Maging aktibong pwersa tayo para sa demokratisasyon ng lipunan at sa loob ng ating mga tahanan. Higit sa lahat, paramihin pa natin ang hanay ng mga kababaihang nagpasyang humawak ng armas at sumampa sa Bagong Hukbong Bayan upang isulong ang pinakamataas na anyo ng pakikibaka, ang armadong paglaban.
Kababaihan, magkaisa at sumulong.
Sumampa sa hukbong bayan.
Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!