Paparating na eleksyong mid-term sa Mayo Pahimakas sa eleksyong presidensyal sa 2028 at salpukan ng mga bulok na burukrata kapitalista
Higit na lumalalim ang pagkasuklam ng mamamayang Pilipino sa bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal sa nasasaksihang sarswela sa pulitika at balyahan ng mga naghaharing uri kaugnay ng eleksyong mid-term sa Mayo.
Sa panig ng mga Marcos, ang eleksyong 2025 ay ibayong pagkokonsolida ng kapangyarihan at paghahanda para higit pang palawigin ang pagkopo nito sa poder– sa pamamagitan ng pag-amyenda sa konstitusyon o muling pagnanakaw sa resulta ng susunod na eleksyong presidensyal sa 2028. Sa panig ng mga Duterte, mulat itong gagamitin ng mga Marcos ang eleksyon upang makopo ang Senado at tuluyang sipain si Sara sa pagka-bise presidente. Tiyak na nagkukumahog ang mga Duterte at nambubulabog sa lahat ng kanilang inaambunan ng pondo at pabor na tulungan silang makapangunyapit sa poder. Nangangarap pa ang mga Duterte na makabalik sa tuktok, na pangita sa pahayag ni Sara na pinag-iisipan pa rin niyang tumakbo sa 2028.
Galit na galit ang taumbayan sa lantarang paggamit ng mga Marcos sa poder para kamtin ang mga imbing layunin sa eleksyon sa Mayo. Ginamit ni Marcos Jr. ang panggigipit bago maipasa ang pambansang pondo para 2025 para kunin ang katapatan ng mga re-eleksyunistang mambabatas kapalit ng pagpapalaki sa makukulimbat na pork barrel at pondo para sa imprastruktura. Kabilang dito ang P26 bilyong pondo ng AKAP na kwestyunableng biglang inihabol sa pagtatapos ng deliberasyon sa badyet. Pondo rin ng bayan ang gamit ni Marcos Jr. sa panunuhol sa Comelec at pati ang mga kumpanyang contractor sa elektronikong halalan upang muling manipulahin ang resulta ng eleksyon. Karimarimarim ang pagiging sugapa ng mga burukrata sa gitna ng malubhang kahirapan at kagutuman ng bayan.
Kasabay ng pagpapabaha ng pera ang todo-drama ng mga Marcos upang magposturang maka-masa. Trapong-trapo ang pangkating Marcos Jr. sa pangangakong ibaba ang presyo ng bilihin, aayusin ang trapiko, dadagdagan ang ayuda at pagtatanggol laban sa panghihimasok ng China. Isa sa ginagatasan ni Marcos Jr. ang impeachment kay Sara lalo’t isinusuka na ng bayan ang bise presidente. Para kunin ang kredito sa pagpapatalsik kay Sara, pumronta pa ang mga alipures ni Marcos Jr. sa pangunguna ng anak na si Sandro at pinsang si Martin Romualdez sa pagtutulak umano sa impeachment. Ito’y para tabunan ang malakas at malawak na kilusang masang nagsusulong ng pagpapatalsik kay Sara at pagpapanagot sa mag-amang Duterte sa mga krimen at katiwalian nila sa bayan.
Inilalatag na ni Marcos Jr. ang mga makinarya upang nakawin ang eleksyon at iitsapwera ang mga progresibong kandidato na umaani ng suporta ng masa dahil sa kanilang pagdadala sa adhikain ng mamamayan para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan. Kapansin-pansing abot-abot ang mga peke at dinoktor na sarbey ng mga burgis na institusyong nagpapakita ng pagiging kulelat ng mga partylist at kandidatong nagtataguyod ng progresibo at makabayang plataporma at programa. Prekundisyon ito sa nilulutong resulta ng eleksyon na pabor sa mga anti-masa, magnanakaw at pasistang mga dinastiyang pulitikal na malaon nang namamayagpag sa reaksyunaryong pulitika sa Pilipinas at kinamumuhian ng taumbayan.
Ang mga ito ay malilinaw na palatandaan ng umiigting na krisis pampulitika sa bansa. Pinatitindi ito ng naaagnas na lokal na ekonomya resulta ng neoliberal na hambalos at pandarambong. Ibayong ginagatungan pa ito ng tumatagal na krisis pandaigdig na nagtutulak sa ibayong pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis. Habang nalulugmok sa ibayong karalitaan at kahirapan ang bayan at sinasaid ng dayuhang pagdambong, tuluy-tuloy na kumikitid ang rekursong mapag-aagawan ng mga masisibang naghaharing uri at tumitindi na ang kanilang banggaan. Krusyal ang hakbang na ito ng Kamara para tiyakin ng mga Marcos na hindi makaporma ang mga Duterte para paghandaan ang eleksyong 2028. Kaya lamang, pangita pa rin ang pag-aatubili ng kanyang rehimen sa pagtanggi ng Senadong kagyat na isalang ang impeachment. Kritikal ang mga susunod na yugto kaya’t dapat matamang magbantay ang mga demokratikong pwersa at pigilan ang maiitim na pakana ng mga Marcos at Duterte.
Para sa mga rebolusyonaryong pwersa, ang tunay na panlipunang pagbabago ay makakamit lamang sa pamamagitan ng rebolusyon, hindi ng eleksyon. Ang eleksyon sa Pilipinas ay paligsahan lamang ng mga naghaharing uri kung sino ang babasbasan ng imperyalismong US at kailanma’y hindi naging malinis o naging demokratiko. Walang puwang ang masang anakpawis rito at bagkus ay isang anyo ito ng panlilinlang para pagmukhaing umiiral ang demokrasya sa bansa. Sinuman sa mga Marcos at Duterte, sampu ng kani-kanilang alipures, ay tiyak na walang ihahatid na kalutasan sa kawalan ng lupa, trabaho, mababang sahod, kawalan ng serbisyong panlipunan, inhustisya at pasismo.
Ang CPP at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ay hindi lumalahok dito dahil batid nitong kailangang ibagsak ang naghaharing sistema ng malakolonyal at malapyudal at palitan ng estado ng mamamayan para makamit ang tunay na demokrasyang nakatuntong sa pambansang kalayaan. Habang isinusulong ang demokratikong rebolusyong bayan, kasama ng mamamayan ang CPP-NPA-NDFP sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo para palayain ang kanayunan sa monopolyo ng mga panginoong maylupa at malayang makapagbungkal ang masang magsasaka.Itinatayo nito ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika na isang sistema ng paggugubyerno ng mamamayan at hindi ng mga naghaharing-uri. Pinatitibay nito ang sistema ng rebolusyonaryong hustisya at tanggulang bayan. Pinalalakas nito ang NPA, ang kanilang tunay na hukbo at sandigan ng itinatayong gubyerno ng mamamayan.
Gayunman, kinikilala ng CPP ang kalayaan ng sambayanang lumahok sa reaksyunaryong eleksyon. Para sa kanila, ang paparating na eleksyon ay isang pagkakataon para makahulagpos sila sa kalbaryo ng kahirapang dinaranas nila. Tumataya sila sa sinumang kandidatong makikitaan nila ng sinseridad na itaguyod ang kanilang interes at hinaing. Kasabay nito, dapat nilang samantalahin ang pagkakataon para palakasin ang kanilang tinig at sigaw para sa lupa, sahod, trabaho, karapatan, at hustisyang panlipunan at hamunin ang lahat ng tumatakbong suportahan ito. Dapat gawin nila ang buong makakaya upang hubaran ang pagpapanggap ng mga reaksyunaryong anti-mamamayan at pasimuno ng karahasan, laluna iyong mga nagpapahintulot sa panghahalihaw, pambobomba at pagkakampo ng mga militar sa kanayunan.
Higit pa rito, dapat samantalahin ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang paparating na eleksyon para sa malawakang pagmumulat at propaganda para ibandilyo ang programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Patampukin ang kawastuhan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na tanging garantiyang matatamasa ng sambayanan ang tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyong at sosyalistang pundasyon na pangunahing lulutas sa krisis ng bayan. Hikayatin ang malawak na hanay ng masang api at pinagsasamantalahan para suportahan at palakasin ang armadong pakikibaka sa kanayunan.
Rebolusyon, hindi eleksyon! Rebolusyon, tunay na solusyon!