Pahayag

Pakikisa sa paggunita sa ika-124 na kamatayan ni Dr. Jose Rizal

,

Ipinaaabot ng Jose Rapsing Command-New Peoples Army (NPA-Masbate) ang pakikiisa sa paggunita sa ika-124 na kamatayan ni Dr. Jose Rizal. Ngayong araw, higit na dapat alalahanin ng mamamayan laluna ng mga kabataang Masbatenyo ang mga aral at turo ni Rizal. Balik-aralan ang mga akda at sulatin nito na nagtuturo sa atin na pakamahalin ang ating sariling bansa at itakwil ang paghahari-harian ng dayuhang bansa sa ating bayan.

Hindi man humawak ng armas upang ipagtanggol ang bayan ay ipinamalas ni Rizal ang pagmamahal at malasakit sa bansa sa pamamagitan ng pagsusulat na nagkukundena sa mga dayuhang mananakop at mga lokal na naghaharing-uri. Ngayon, nahaharap sa mas matinding pangingialam at panghihimasok ng mga dayuhang bansa tulad ng US at China ang ating bayan. Hindi ba’t panahon ito upang ipamalas natin ang ating kakayahan sa anumang paraan at lahatang-panig na kumilos upang ipagtanggol ang pinakamamahal na bayang Pilipinas?

Wala tayong anumang maaasahan sa mga naghahari-hariang mga pulitiko sa pangunguna ng rehimeng US-Marcos Jr. upang ipagtanggol ang kalayaan at soberanya ng ating bansa. Nakatuon ang atensyon ng rehimeng Marcos Jr sa pagpapanatili ng kanyang sarili, pamilya at kamag-anak sa kapangyarihan habang tahasang ipinapaubaya sa imperyalistang US ang maging kapalaran ng ating bayan sa pagpapakatuta dito.

Nagagalak naman nang husto ang US sa pagiging maamong tuta ng rehimeng Marcos Jr. Naging sunud-sunuran ito sa mga dikta ng kanyang among imperyalistang US na galitin ang China. Pinanghahawakan ni Marcos Jr ang ipinangakong suporta at tulong ng US kaya nagpapanggap itong matapang at palaban sa harap ng banta ng Tsina. Dahil dito, minamadali at inoobliga ng rehimen ang kanyang sandatahang lakas sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tapusin ang armadong paglaban ng mamamayan. Nangangarap ang pangulo ng bansa na isang araw ay ang “eksternal na banta” nalang ang popokusan ng armadong pwersa ng estado.

Habang patuloy na inaangkin, binabantayan at pinoprotektahan ng pwersang milisya ng China ang West Philippine Sea (WPS) para sa kanilang pansariling pakinabang. Nangagalaiti naman ang US na mapasakamay at mapakinabangan ang rekurso sa naturang mga pinag-aagawang mga isla.

Sa pag-uumpugan ng dalawang nangungunang mga imperyalistang bansa ay nalalagay sa gitna ang Pilipinas na tiyak na maiipit sa salpukan nito. Subalit, sa halip na manindigan ang gubyernong Marcos para sa sarili at ipawalambisa ang mga tagibang na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas ay pinahintulutan pa nito na magtayo ng karagdagang mga base militar ang mga sundalong Amerikano sa bansa. Patunay ito sa kainutilan at walang kakayahan ni Marcos Jr na mamuno sa ating bayan.

Nakasalalay ngayon sa kamay ng mamamayan lalung-laluna sa mga kabataan ang pagkamit sa tunay na kalayaan at soberanya ng ating bansa. Makakamit lamang ito sa lahatang-panig at kolektibong pagkilos. Ang pagtangan ng armas para isulong ang armadong pakikibaka ang pinakanangungunang sandata upang wakasan ang kasalukuyang umiiral na sistemang malakonyal at malapyudal sa ating bayan.

KABATAAN, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Ipagtanggol at kamtin ang tunay na kalayaan at soberanya ng bansa!

Isulong ang armadong rebolusyon hanggang tagumpay!

Pakikisa sa paggunita sa ika-124 na kamatayan ni Dr. Jose Rizal