Pakilusin at organisahin ang mamamayan, tuluy-tuloy na ilantad ang katiwalian ng rehimeng US-Marcos II, Sara Duterte at mga ganid na burukrata kapitalista't malaking burgesyang kumprador
Hindi na maitatago pa ng rehimen ni Marcos II ang kanyang malaking papel sa malawakang korapsyong nangyayari ngayon sa reaksyunaryong gobyerno. Sangkot ang marami pang mga ganid na burukrata kapitalista, pangunahin din siyang nakinabang sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa katunayan, nalantad kamakailan lamang ang mga katibayang nagpapatunay sa kanilang ginagawang katiwalian at iba pang iskema ng pandarambong.
Ang mga dating kaalyado ng rehimeng US-Marcos II ay nag-aastang kontra-korapsyon ngunit sa katotohanan ay nais lamang din isalba ang sarili para hindi masangkot sa isyu ng korapsyon at iwasan ang galit ng taumbayan. Halimbawa nito ang magtiyuhin na sina Lucas Bersamin na dating Executive Secretary at Adrian Bersamin na dating pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office, at ni Amenah Pangandaman na dating DBM Secretary na nagbitiw sa pwesto. Lumitaw din ang pangalan ni Cong. Leandro Leviste, kongresista ng unang distrito ng Batangas, na may hawak ng matitibay na ebidensyang magpapatunay na pangunahing sangkot si Marcos Jr sa pagnanakaw.
Sa bangayan at pagkakahati-hati ng naghaharing uri kaugnay sa isyu ng korapsyon, nagtuturuan sila kung sinu-sino ang dapat idiin o sisihin para iligtas ang sarili sa pananagutan, ipreserba ang personal na interes, o ipakete ang sarili na may malasakit sa mamamayan bilang pagpapabango rin ng pangalan para sa nalalapit na eleksyon.
Nagdarahop sa kahirapan ang mamamayan habang pinagpapasasaan ng burukrata kapitalista at malaking burgesya kumprador ang buwis ng taong bayan. Patuloy ang pagpasan ng dagdag na mga buwis at sumisirit na presyo ng mga bilihin habang hindi na sumasapat ang kinikita ng masang anakpawis.
Sa lalawigan ng Batangas, laganap ang kahirapan at patuloy na inaalisan ng kabuhayan ang mga mamamayan dahil sa walang humpay na pagpapalit-gamit ng lupa at pagsasara ng CADP na isa sa pinakamalaking asukarera sa Luzon. Apektado nito ang mga magtatanim ng tubo na aabot sa humigit kumulang 12,000 magsasaka at manggagawang bukid sa tubuhan, laganap ang kawalan ng trabaho, o kung meron mang trabaho ay hindi naman nakabubuhay dahil sa napakababang sahod. Kinakaharap ngayon sa lalawigan ang malawakang pagpapalayas sa lupang panirikan at kawalan ng kabuhayan, pagkasira ng kalikasan dahil sa mga “proyektong pangkaunlarang” nagsisilbi lamang sa interes ng dayuhan.
Isa ang lalawigan ng Batangas sa pinaglalaanan ng malaking pondo ng reaksyunaryong gobyerno. Ibinubukas din ito sa dayuhang mamumuhunan upang higit na gahasain ang ating likas na yaman, at lalo pang pigain ang lakas-paggawa ng mga masang anakpawis sa lalawigan. Nandito ang international port, pinakamalaking planta ng kuryente katulad ng Napocor sa Calaca city, Ilijan powerplant at First Gas sa Batangas City, at may itatayong Geothermal power plant at windmill farm sa bahagi ng San Juan at Rosario.
Nagaganap din ang mapangwasak na pagmimina ng ginto at iba pang likas yaman ng kumpanyang Blue Bird sa Mt. Naguiling sa bayan ng Lobo. Gayundin, sa kabundukan ng Banoy ay itatayo ang 300 ektaryang Forest City. Ang Asyenda Looc na may lawak na 8,650 ektarya ay dinedevelop din para sa pook turismo habang may 7,000 ektarya sa Nasugbu ang tatayuan ng Cavite-Batangas expressway. Ang mga ito ay pag-aari ng pamilyang Roxas. Maliban sa mga nabanggit ay marami pang iba’t ibang negosyo at dayuhang proyekto sa probinsya.
Sa kabila nang ibinigay ng gobyerno sa magsasaka ang malawak na lupain sa pamagitan ng bogus na programa sa reporma sa lupa sa pamagitan ng CLOA. Kalaunan ay binawi rin ito ng DAR at Korte Suprema para paboran ang panginoong may lupa (PML), malalaking burgesyang kumprador at makadayuhang proyekto. Libu-libong magsasaka ang apektado nito na mawawalan ng kabuhayan at tirahan. Isang halimbawa rito ang desisyong ipawalambisa ang CLOA ng mga magsasaka sa Hacienda Roxas at muling ibalik sa kamay ng panginoong maylupa noong 2024.
Kung nasaan ang malalaking proyektong itinatayo sa lalawigan, naroroon din ang malaking kampo militar. Ang presensya ng reaksyunaryong armadong pwersa ay para protektahan ang interes ng naghaharing uri, katumbas ito ng pagsupil sa mga mamamayang tumututol o lumalaban sa mga nasabing proyekto. Patunay rito ang tumataas na bilang ng paglabag sa karapatang pantao, ang ginagawang pagpapasuko sa mga lider-masa, pagsampa ng gawa-gawang kaso para gipitin ang mga lumalaban at masahol na pagpatay katulad ng ginawa sa 9-taong gulang na si Kyllene Casao ng Barangay Guinhawa, Taysan at Maximino Digno ng Calaca City, Batangas na pinagbabaril ng mga tauhan ng 59th IB Philippine Army at pinalalabas na nadamay sa labanan ng NPA at militar.
Sa pagkalantad ng katiwalian at korapsyon sa pambansang antas, utak nito ang rehimeng US-Marcos II at pangalawang pangulo nitong si Sara Duterte. Hindi nahuhuli ang lalawigan ng Batangas sa mga personalidad na sangkot sa matitinding korapsyon. Ilan lamang sa mga ito sina 1st district engineer Abelardo Calalo na nasa kustodiya ng Taal Municipality Police Station dahil sa pagsuhol ng tatlong milyong piso kay Leviste upang hindi ilabas ang pagkakasangkot niya sa katiwalian sa flood control project; ang pangalawa sa pinakamalaking kontraktor ng flood control projects na si CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola, taga-Mataas na kahoy, na naging sangkot din sa isang flood control project sa Bulacan; at ang pamilya Patron na may-ari ng V.R. Patron Builders & Developers Corp. na nakakopo ng 16 flood control projects sa probinsya na nagkakahalga ng ₱1.175 bilyon sa buo at kabilang sa mga inilantad ni dating DPWH Sec. Bernardo na nagbigay ng 20% kickback sa balangkas ng pumutok sa korapsyon sa mga pondo ng flood control. Tiyak na sangkot din ang pamilyang Recto na may hawak ngayon sa lalawigan na kinakatawan ni Vilma Santos Recto bilang gobernador, anak na si Ryan Recto na Congressman ng Lipa City at sa kasalukuyan ay Executive Secretary naman ni Marcos si Ralph Recto na nag aambisyon ding maging presidente ng bansa.
Kaya naman, malaki ang papel ng mamamayan sa lalawigan para singilin ang burukrata kapitalista sa kanilang katiwalian at pagnanakaw. Kinakailangang tuluy-tuloy na padaluyungin ang kilusang masa upang panagutin ang lahat ng sangkot at korap sa ating bansa. Ibuhos natin ang ating galit laban sa mga ganid na burukrata, mula lokal na pulitiko hangang sa pambansang antas. Isanib ang lakas ng mahigit isang milyong populasyon para panagutin ang rehimeng US-Marcos II at Sara Duterte hanggang sa tuluyang pagpapatalsik sa kanila.
Nananawagan ang NDFP Batangas na ilantad ang kabulukan ng estado. Organisahin ang buong mamamayan, ipagpatuloy natin ang malaon nang tradisyon ng mamamayang Batangueño na lumaban para ipagtanggol ang ating inang bayan. Huwag nating hayaang walang managot.
Panagutin sina Marcos at Duterte sa pagnanakaw ng pera ng taumbayan!
Lahat ng sangkot dapat managot, ikulong ang mga kurakot!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!