Pahayag ng Pakikiisa ng Komiteng Prubinsya ng Masbate sa ika-54 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas Pakusugon ang Partido sa prubinsya ng Masbate! Pangibabawan ang mga hamon at paningkamutang pamunuan ang pumuluyong Masbatenyo sa landas ng demokratikong rebolusyon!
Pinakamahigpit na pakikiisa ang ipinapaabot ng Komiteng Prubinsya ng Masbate at ng buong mamamayang Masbatenyo sa ika-54 anibersaryo ng muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas—ang natatanging rebolusyonaryong organisasyong mag-aahon sa sambayanan sa kamangmangan, kahirapan at pagkaalipin.
Habambuhay na Pulang saludo ang ipinapaabot ng rebolusyonaryong kilusang Masbatenyo sa lahat ng mga bayani at martir ng rebolusyon sa prubinsya at sa buong bansa na nag-alay ng kanilang buhay para sa pambansa at panlipunang paglaya. Pinakamataas na parangal ang aming ipinapaabot kay Kasamang Jose Maria Sison bilang punong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, tagapagtatag ng Bagong Hukbong Bayan at tagapanguna ng Demokratikong Gubyernong Bayan.
Binabati ng Komite sa Prubinsya ng Masbate ang lahat ng sangay at organo ng Partido sa prubinsya, mga yunit ng Hukbo at ang buong mamamayang Masbatenyo sa okasyong ito. Sa kabila ng matinding kagipitang kinaharap, hindi tayo nagpagapi at sa halip ay lalong nagpunyagi sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa ganitong diwa, ipagdiriwang natin ang anibersaryo ng Partido sa buhay-at-kamatayang kapasyahang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa harap ng tumitinding pang-aapi at pagsasamantala.
Nasasalamin sa pagdurusa ng mamamayang Masbatenyo ang madilim na kinabukasan sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Sa kabila ng dugo’t pawis na sipag at tiyaga, lalo tayong ibinabaon sa hirap at kawalang pag-asa. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang kailangan sa produksyon. Samantala, napako na sa napakababang halaga ang produkto ng magbubukid laluna ang kopra, mais at palay.
Kung hindi sa gutom, sa bala pinapatay ang mahihirap. Sa halip na makabuluhang reporma, ginegera ang mamamayan. Isa ang Masbate sa pinuntirya ng brutal na gerang mapanupil ng reaksyunaryong estado. Pinakatan ang prubinsya ng hindi bababa sa limang batalyong pwersa ng militar at pulis para sa pinaigting na opensibang militar sa layuning wasakin ang mga naabot na tagumpay ng kilusang masang Masbatenyo sa pagsusulong ng digmang bayan.
Ang opensibang militar sa prubinsya ay suportado ng lokal na naghaharing-uring mga panginoong maylupang rantsero at mga ahente ng imperyalismo. Nagsisilbi ito sa mas agresibong kampanya ng pag-agaw sa mga lupaing naipaglabang mapasakamay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo at tangkang neoliberal na pagdambong sa natitirang yamang likas ng prubinsya.
Pinaiiral ang batas militar at walang kaparis na armadong pagsupil laluna sa sibilyan upang lunurin sa takot ang masa, buwagin ang kanilang pagkakaisa, isuko ang kanilang mga pakikibaka at ilayo sila sa rebolusyon. Sitenta porsyento ng mga baryo sa prubinsya ang inoperasyon ng RCSP. Libu-libo ang pinasurender. Marami ang ginipit, inaresto, binugbog at tinortyur. Marami ang pininsalang kabuhayan at pinalayas sa kanilang lupang binubungkal. Marami ang pinatay. Ito ay habang unti-unting inuubos ang yamang ginto at inaagaw ang kanilang lupa para sa interes ng dambuhalang mina, rantso at ekoturismo.
Sinubok ang katatagan ng rebolusyonaryong kilusang Masbatenyo. Hindi maisasantabi ang mga yunit ng Hukbong hindi kagyat nakaangkop sa sitwasyon at nagtamo ng kani-kaniyang pinsala sa pagharap sa opensiba ng kaaway. Maraming sangay ng Partido sa lokalidad at rebolusyonaryong organisasyong masa ang nalimitahan sa pagkilos. Patuloy din ang pagtangkang wasakin ang ilang naabot na tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Bahagyang humupa ang mga hayag na pagkilos ng masa. Umiiral ang takot at pangamba sa malawak na bahagi ng prubinsya dulot ng tuluy-tuloy na okupasyon at atakeng militar.
Subalit sa gabay ng Partido, nagpursige ang rebolusyonaryong kilusan na pangibabawan ang mga hamong kaakibat ng pagsulong. Haligi ng mga pagsisikap ay ang puspusang pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pangunguna ng Bagong Hukbong Bayan. Tuluy-tuloy na nakapaglunsad ng taktikal na opensiba ang mga kasama upang pahupain ang agresibong opensibang militar ng AFP-PNP-CAFGU. Hindi rin tumigil ang Hukbo sa pag-ugnay sa masa. Samantala, sa iba’t ibang pamamaraan ng pagkilos, lihim man o hayag, ispontanyo o organisado, ipinakita ng masang Masbatenyo ang kanilang kahandaang magkaisa at lumaban.
Sa pagpupunyagi ng rebolusyonaryong kilusan, nabigo ang ilang taong estratehikong opensiba ng kaaway na durugin ang rebolusyon sa Masbate. Walang larangang gerilyang nabuwag. Napawalang-saysay ang Retooled Community Support Program sa malaking bahagi ng prubinsya. Naudlot ang pagpapalawak ng Filminera, ekoturismong Empark at pagpapatayo ng iba pang pakanang neoliberal tulad ng Matibay Cement Factory.
Higit sa lahat, lalong nakilala ng mamamayang Masbatenyo ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang demokratikong rebolusyon. Lalong namulat ng mamamayang Masbatenyo na mula at para sa kanila ang makatarungang digma. Lalo nilang naunawaan ang marahas at matagalang katangian ng digmang bayan at ang hirap at sakripisyong kaakibat ng pagsusulong nito.
Subalit walang lugar para maging kampante. Hamon sa rebolusyonaryong kilusang Masbatenyo na ibayong palalimin, palawakin at palakasin ang pagkakaugat ng Partido sa Hukbo at masa. Kailangang pandayin ang diwang rebolusyonaryo at palakasin ang kapasyahang lumaban ng Hukbo at masa sa harap ng mas lumulupit na gera ng kaaway. Kailangang maipagtanggol ang mga nakamit na tagumpay ng ating rebolusyonaryong pakikibaka bilang puhunan upang tumungo sa mas mataas na antas ng digmang bayan.
Susi ang pagpapanday sa rebolusyonaryong kamulatan ng Hukbo at masa. Sa gipit na sitwasyon lalong kinakailangan ang sustenidong pagbibigay ng edukasyon at propaganda sa Hukbo at masa, laluna ang mga saligang pag-aaral pam-Partido upang kanilang mapangibabawan ang takot at mapasigla ang kanilang diwang palaban. Sa katunayan, naging susi ang walang kapagurang propaganda-edukasyon ng mga yunit sa gawaing masa para paunti-unting marekober ang mga eryang hinagupit ng atakeng militar.
Dapat palakasin pa ng Partido ang pakikidigmang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan sa prubinsya sa batayan ng papalapad at papalalim na baseng masa. Kailangang ang mas marami pang taktikal na opensiba. Samsamin ang armas ng kaaway at panagutin sila sa kanilang mga krimen sa mga Masbatenyo! Ikampanya ng mga sangay sa lokalidad at mga yunit ng Hukbo ang pagpapapultaym sa Hukbo, laluna sa kabataan!
Kritikal ang panahon para isakatuparan ang mga rekisito sa pagpapalawak at pagpapatatag ng baseng masa. Kagyat na kabahagi nito ay ang pag-aayos sa mga pinsalang idinulot ng militarisasyon. Sa puntong ito, lalong nagiging mahalaga ang pagpapalawak sa rebolusyong agraryo at paglulunsad ng mga makakayanang pakikibakang anti-pyudal upang patatagin ang ating mga baseng masa.
Hamon din sa rebolusyonaryong kilusan ang ibayong pagpapasigla sa pagkilos ng masang Masbatenyo at pamunuan sila sa lahat ng anyo ng armado at di-armadong paglaban. Dapat palakasin at bumuo pa ng mga lokal sangay ng Partido at rebolusyonaryong organisasyong masa bilang haligi ng mga pakikibakang masa. Tiyakin ang kahandaan ng mga organisasyong ito sa pagharap sa mga susunod pang operasyong militar at maging sa mga kagyat at pangmatagalang problema ng kani-kanilang komunidad. Bigyan ding diin ang pagsusulong ng rebolusyonaryong pagkilos sa kalunsurang bahagi ng prubinsya. Hamon sa kanilang magkamit ng mga makabuluhang tagumpay sa pagbigo sa paghaharing militar, paghadlang sa agresibong kampanya ng pang-aagaw ng lupa at lumalawak na banta ng neoliberal na pagdambong sa prubinsya.
Ihanda ang masa at buong rebolusyonaryong pwersa sa tiyak pang paglupit ng gera. Asahan ang mas marami pang sakyada. Asahan ang mas brutal pang mga pag-abuso. Asahan ang mas agresibo pang pag-agaw sa lupa at kinabukasan ng mamamayang Masbatenyo.
Sa papatinding laban, marapat nating halawan ang mayamang kasaysayan ng pakikibaka ng Mabatenyo sa gabay ng Partido Komunista. Sa pamumuno ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan, binago ng masa ang kasaysayan ng Masbate. Nahamon ang paghahari ng mga malalaking rantsero at panginoong maylupa. Malalawak na lupang agrikultural ang naipaglabang mapasakamay ng mga magsasaka. Matibay na naipundar sa prubinsya ang armadong pakikibaka at sa mahigit apat na dekada’y nananatiling malakas. Tagumpay din ng prubinsya ang napakalawak na reblusyonaryong base at kilusang masa at kanilang mga ipinunlang binhi ng Pulang gubyerno. Mas malawak pa sa karagatang Pasipiko ang kailangang limasin ng kaaway para maubos ito.
Sa mahigpit na pagyakap at pagsapol sa mga prinsipyo ng Partido, hindi maglalaon ay maaabot natin ang ating mga nais kamtin. Paghandaan natin ang paglapad ng ating mga larangang gerilya. Paghandaan ang mga laking kumpanyang larangang gerilya! Paghandaan ang pagsama sa mas marami pang TO! Paghandaan ang libu-libong ektaryang paglawak pa ng ating rebolusyong agraryo! Paghandaan ang mga mas malalaking protesta at pakikibakang masa! Paghandaan ang pagtatayo ng mas maraming binhi ng Pulang gubyerno! Paghandaan ang pag-abot sa antas ng abanteng subyugto ng estratehikong depensiba!
Magiging mabigat ang mga tungkulin at sakripisyo. Natural ang pagtindi ng digmaan. Alalahanin ang mga nakamit nating tagumpay upang magkamit ng mas marami pa. Sa gabay ng Partido, nananatiling abot-kamay ang isang tunay na Malaya at masagang kinabukasan para sa mamamayang Masbatenyo at sambayanang Pilipino.##