Palakasin ang digmang bayan para sa tunay na kalayaan!

Mapagpalayang bati sa lahat ng kasapi ng Kabataang Makabayan sa loob at labas ng bansa!

Sa pagdiriwang ng ika-56 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan, ikinagagalak naming ipinaabot sa lahat ng rebolusyonaryo pwersa ang pormal na pagtatag ng Kabataang Makabayan Europa!

Sa huling tala, mahigit- kumulang anim na libo ang tinatayang umaalis ng bansa kada araw. Halos 12-15 prosyentong Pilipino ang nakikipagsapalaran sa 184/192 na bansa at teritoryo at ang iba’y nasa dagat o tinatawag na sea based. Noong 1974, sa ilalim ng diktaturyang Marcos, pormal na naging bahagi ng ating batas sa pag-gawa ang Labour Export Policy o ang pwersahang pangingibang bayan. Ang Pilipinas ang katangi tanging bansa na may opisyal at pormal na katawagan sa mga migranteng manggawa nito – Overseas Filipino Workers o OFW.

Marahas ang dinaranas ng ating mga OFW. Bukod sa diskriminasyon at rasismo, nariyan ang abusong pisikal, mental at seksuwal. Marami ang hindi pinapasahod ng amo. Marami ang hindi na makauwi dahil sa pagiging undocumented o kawalan ng opisyal na dokumento kagaya ng resident permit. Marami ang pinapatay ng mga amo, kinakasama o asawa. Marami ang namamatay, ang mga binibitay o ineexecute kagaya ni Flor Contemplation. Sa kabila ng bilyong pisong ambag ng mga migrante sa ekonmya, tila pabrika lang ng kuwarta kung ituring ito ng gobyerno.

Habang ang kanilang pamilya sa Pilipinas ay patuloy na naghihirap. Sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kawalan ng maayos na trabaho sa ating bayan, tumataas din ng tumataas ang ipinapadala nga kanilang mga kaanak sa labas ng bansa. Lumalaki ng lumalaki rin ang nakukurakot ng pamahalaan mula sa mga dollar remittances. At upang makawala sa kahirapan, napipilitan din ang kanilang mga kaanak na maghanap ng trabaho malayo sa Pilipinas. Isang bilog na hirap silang labasan.

Hindi naiiba ang kinakaharap ng mga kabataang migrante. Marami dito ang may mga tinapos ngunit napipilitang mangibang bansa upang maging caregiver, nars, manggagawa sa pabrika, service workers o mangatulong. Ang iba naman ay sa scholarship nakakakita ng solusyon sa kahirapan. Halos hindi na natatapos sa pagaaral. Trabaho na nilang magresearch at magsulat. Ang kalahati ng allowance ay ipinadadala sa magulang, kalahati lang ang natitira. Ang iba sakanila’y may sideline pa. Lalo pa itong pinapapala ng neoliberal na pakataran. Ang au pairs o cultural exchange program na pangunahing nirerekruta ang mga kababaihan mula 18-30 years old upang mangatulong, ang isa sa mga nagpapalala nito, sa tabing ng travel and learn other culture. Marami sakanila ang inaabuso ng kanilang mga amo, pinapalayas o ginugutom. Pagkatapos ng isang taon na kontrata sa isang bansa, lilipat na naman sakabila hanggang umabot na sa edad at hindi na payagan na mag-renew. Upang maiwasan ang paguwi sa Pilipinas, napipilitan silang mag-TNT o Tago ng Tago, o di kaya mag-asawa ng dayuhan. Dagdag pa dito ang neoliberal na pakatakan sa edukasyon kagaya ng mga international internship programs, K-12 at paghihikayat na kumuka ng international scholarships.

Habang ang mga lumaki at ipinanganak naman sa ibang bansa ay patuloy na nakakaranas ng diskriminasyon at rasismo. Dahil sa pangangailangang mapabilang sa lipunan upang makaiwas sa rasismo at diskriminasyon ay nagkakaroon ng identity crisis. Damang dama rin nila ang hirap. Kabilang pa rin ang karamihan sa kanilang mga pamilya sa uring manggagawa. Marami sakanila ang napipilitang maghanap buhay habang nagaaral upang makapagpatuloy sa unibersidad, ang iba nama’y humihinto na sa pagaaral upang makatulong sa mga magulang lalo sa pagpapadala sa mga kaanak sa Pilipinas.

Sa huli’t-huli, ang relasyon ng mga migrante sakanilang host country ay manggawa – amo pa rin, ang karamihan ng manggawang migrante ay pilit na inilulugmok at iniiwan sa mga trabahong mababa ang pasahod at mga trabahong hindi katanggap tanggap para sa mga lokal ng mayayamang bansa.

At sa paghagupit ng pandemyang COVID19, mas lalong nahirapan ang kalagayan ng mga migranteng Pilipino, partikular sa Europa. Matapos mapilitang umalis ng bansa, pinipilit naman sila ngayong pauuwin. Ilang daang libo na ang nakauwi ng bansa, ilang daang libo pa rin ang uuwi. Ilang daang libo din ang nagpasyang manatali sa kanilang mga host countries kahit wala nang legal na dokumento. Batid nila na gutom lang ang kanilang mararanasan sa sariling bansa.

Hindi kailan man naging hadlang ang kalagayan na ito sa pagpupukaw, pagoorganisa at pagpapakilos ng mga kabataan at migrante para sa pambansang demokratikong rebolusyon. Bagamat lockdown at limitado ang pagkilos sa social media at maging sa pisikal, sunod sunod ang paghagupit ng mga progresibong grupo sa Europa laban sa rehimeng US-Duterte. Sa porma man ito ng propaganda, online rallies o maging pisikal na mobilisasyon, ipinamalas ng ating mga kababayan ang kanilang kagitingan at mahigpit na pagtangan sa pambansang demokratikong programa. Daang daang mga kabataan Pilipino ang namulat sa pagpapabaya at pag-aabanduna ng pamahalaan. Nagpupuyos ang kanilang mga dibdib sa galit sa sunod sunod na pamamaslang sa ating mga kababayan, direktang atake sa mga karapatang pantao, at mas lalong umigting ang galit na ito nang ipasabatas ang Anti-Terror Law sakabila ng matinding pagayaw ng sambayanan, pagkundina ng mga progresibong grupo at indibidwal, at ng mga internasyunal na insitusyon kagaya ng European Union, UN at maging ng Amnesty International.

Kung kaya’t hindi kataka-kataka na maitatayo ang balangay ng Kabataang Makabayan sa Europa. Mismong ang mga sirkunstansyang si Duterte ang nagpapalala at nagtutulak ng kawastuhan ng pakakaroon ng mga rebolusyonaryong organisasyon saan man may mga Pilipino. Upang ipagdiwang ang anibersaryo ng KM at ang kapanganakan ni Andres Bonifacio, nagtipon-tipon ang mga kabataang rebolusyonaryo sa Europa upang pormal na itatag ang balangay. Hindi bulag ang mga kabataang migrante sa tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino. Hindi nahihiwalay ang suliranin sa sariling bayan sa mga suliraning kinakaharap ng mga migrante, bagkus, ang krisis na ito ang isyang nagtutulak upang dumagsa ang bilang ng mga migrante Pilipino. At ang krisis na ito ang bumubuhay sa ang makabayan at rebolusynaryong diwa. Sabik ang mga kabataan na mas unawain ang kalagayan ng mga Pilipino, sabik na makapagambag sa rebolusyong Pilipino na siyang pinakamalaki nating ambag sa pandaigdigang rebolusyon.

Malalim na uugat ang mga kabataan sa batayang masa at bukas na pag-aaralan ang kanilang kalagayan. Sa loob man o labas ng bansa, hindi magdadalawang isip ang mga kabataan na makipamuhay sa masa sa mga lugar na kanilang kinikilusan. Walang pagod at walang sawang matututo mula sakanila. Buo ang tiwala ng mga kabataan sa kawastuhan ng ating pinaglalaban. Sa pamumuno ng Partido at sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, isusulong ng mga kabataang migrante ang rebolusyong Pilipino!

Ang ating kilusan ay kilusan ng pagwawasto. Hindi mag-aalinlangan ang mga kabataan na iwasto ang mali nitong paniniwala at nakaugalian. Bilang mga petiburges at lumaki na malayo sa bansa, nakahanda ang mga kabataang migrante na matuto sa mga kaugalian at tradisyong Pilipino upang mas lalong pang malapit ang loob sa masa. Handang iwaski ang mga liberal na aktitud sa ikabubuti ng mga gawain.

Sa pagtindi ng krisis ng imperiyalismo, nararapat lang ang pagpapalakas at pagpapalawak sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa. Dama ng pasistang estado ang disgusto ng sambayanan dito, kung kaya’t walang hiya hiya nitong nilalason ang kaisipan ng mga pamilya ng mga rebolusyonaryo at progresibong grupo. Unahin nating organisahin at lubugan ang ating mga pamilya. Hindi dapat maging antagonistiko sa pagpupukaw sakanila. Normal ang kanilang pangamba at pagtutol. Marami na ang nagbuwis ng buhay at marami ang magbubuwis pa. Nasa gitna pa rin tayo ng gera at nananatili ang naghaharing uri na siyang naninira at nagpapakalat ng kasinungalingan laban sa mga rebolusyonaryo at progresibo. Hangad natin ang pagtatayo at pagtataguyod ng progresibong lipunan mula sa pamilya, kung kaya’t ngayon pa lang, dapat ay makuha ang suporta at simpatya ng ating mga pamilya.

Sa pagtatag ng Kabataang Makabayan- Europa, handa at buong lakas na tatanganan ng mga kabataan ang aming responsibilidad na pagaralan ang konkretong kalagayan ng lipunan. Malawakang ipalaganap ang pambansang demokratikong linya sa pamamagitan ng mga pormal na pagaaral, paglahok sa mga porum at komperensya at pagpopropaganda. Batid ng mga kabataan na ang tanging solusyon lamang upang wakasan ang pwersahang migrasyon dulot ng imperiyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ay ang paglahok sa armadong pakikibaka.

Buo ang loob ng mga kabataang migrante na magalay ng buhay at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Milyon milyon mang mga Pilipino ang napilitang lumabas ng bansa ngunit milyong-milyong mga Pilipino rin ang pupukawin, oorganisahin at pakikilusin ng KM at iba pang rebolusyonaryong pwersa sa ilalim ng NDFP! Laksa-laksang mga migrante at kabataan ang uuwi sa Pilipinas upang makipamuhay sa hanay ng masang api at tutulak sa kanayunan upang maging mga bagong miyembro ng Bagong Hukbong Bayan!

Ibayong lakas mga kasama, mahaba pa ang ating laban, ngunit sigurado ang ating tagumpay!

MABUHAY ANG KABATAANG MAKABAYAN!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO SAAN MANG SULOK NG MUNDO!
KABATAAN AT MIGRANTE, PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN! SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!

Palakasin ang digmang bayan para sa tunay na kalayaan!