Pahayag

Sa gitna ng labis na kahirapan, Palakasin ang Hukbong Bayan, Sumapi sa NPA!

Nagpupugay ang NDFP-ST sa ika-57 anibersaryo ng New People’s Army. Kahanga-hanga ang tuluy-tuloy na pagsusulong ng mga Pulang mandirigma at kumander ng armadong rebolusyon sa gitna ng maraming kahirapan at mga balakid kabilang ang pang-aatake ng rehimeng US-Marcos II. Sa diwa ng kilusang pagwawasto, ubos-kayang isusulong ng NDFP-ST at mga kaalyadong organisasyon nito sa rehiyon ang pambansa demokratikong rebolusyon hanggang tagumpay!

Taas-kamaong dinadakila ng NDFP-ST, sampu ng mga kasapi ng kaalyadong organisasyon nito, ang mga rebolusyonaryong martir at bayani na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang buhay para sa bayan. Sa kanilang sakripisyo at inspirasyon, panata ng rebolusyonaryong kadre at kasapi ng mga henerasyong naiwan na ipagpatuloy ang kanilang simulain, buong pusong tutupdin ang mga iniatang na tungkulin at paaalingawngawing muli ang mga sandatang naiwan.

Pasahol nang pasahol ang kalagayan ng bayan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Sa pagpasok pa lamang ng 2026, lalong inilugmok ni Marcos Jr. ang mamamayang Pilipino sa kumunoy ng kahirapan. Sunud-sunod ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin habang nananatiling nakapako ang sahod at kita. Ngayong Marso pa lamang, sinagpang ng mga kartel sa langis sa bansa ang gera ng US-Israel sa Iran sa Middle East para magtaas ng presyo ng langis. Pinahintulutan ito ng gubyernong Marcos habang nagpataw din ng mga buwis na siyang daluyan ng korapsyon para sa kanilang pakinabang sa kapinsalaan ng sambayanan.

Ang ganitong grabeng kahirapan kasabay ng kawalan ng lupa, mababang sahod at kakulangan sa trabaho ay resulta ng ipinataw na sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ng imperyalismong US. Sadsad na sa kahirapan ang Pilipinas, kinakaladkad pa ito ng imperyalismong US sa gera sa Asia Pacific. Sunud-sunuran si Ferdinand Marcos Jr. sa utos ng among imperyalista na magpapasok ng mga pwersa, kagamiting militar, at pagtatayo ng mga pasilidad nukleyar at base militar sa bisa ng mga hindi pantay na patakaran. Sa ilalim ng Balikatan Exercises mula Marso 23-Mayo 9, tiyak na kaguluhan ang hatid sa bayan habang nagpapakitang-tao ang imperyalismong US kasabwat ang AFP sa mamamayang Pilipino. Nagsimula na ang pinagsanib na ehersisyong militar kung saan kabilang ang probinsya ng Quezon na paglulunsaran bukod sa dati nang mga lugar na pinaglulunsaran sa Palawan at Mindoro sa rehiyon.

Sa mga kalagayang ito, nag-aalab ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino upang humulagpos sa kahirapan at pagkakasaklot ng imperyalismong US. Naghahanap at naghahangad ng tunay na rebolusyonaryong kalutasan ang sambayanan. Kailangan pamunuan ang kanilang laban at iorganisa ang hanay lalo ng mga rebolusyonaryong pwersa. Ang grabeng krisis at matinding tunggalian ang hinog na sitwasyon para sa pagpapanibagong lakas ng rebolusyonaryong kilusan.

Hindi tumitigil ang bayan sa pagprotesta at pagpapaabot ng hinaing sa reaksyunaryong gubyerno ni Marcos. Marapat anihin ang papasiglang mga pagkilos tungo sa pagpapatibay ng mga batayang organo ng Partido. Ito ang silbing gulugod ng mga pambansa demokratikong pakikibaka na magtitiyak na malakas at nasa wastong landas ang paglaban ng mamamayan, gayundin ang pagsisilbi nito sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon sa buong bansa, pangunahin sa mga tungkulin sa armadong pakikibaka.

Makakaasa ang mamamayang Pilipino sa NDFP-ST at mga kaalyadong organisasyon nito na tutupdin ang mga tungkulin nito sa rebolusyon para sa pagpapalakas at pagsusulong ng armadong pakikibaka sa rehiyon. Nananawagan ang NDFP-ST sa mga rebolusyonaryong organisasyon sa rehiyon na pasiglahin ang programa ng pagpapasampa sa NPA ng mga pinakamabubuting anak ng bayan kapwa sa kanayunan at kalunsuran.

Sa kanayunan, nananawagan ang NDFP-ST sa masang magsasaka na palakasin ang mga baseng bukid habang nakikibaka para sa kabuhayan sa gitna ng matinding pang-aatakeng militar. Krusyal ang paglahok ng mga magsasaka bilang mga pangunahing pwersa ng rebolusyong Pilipino upang isulong at kamtin ang karapatang sa lupa sa balangkas ng rebolusyong agraryo sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan. Bilang mga bihasa sa tereyn at pasikut-sikot ng mga kabundukan, isang malaking pwersang susi sa pakikidigmang gerilya ang kaalaman at galing ng uring magsasaka. Sa pamamagitan nito, matitiyak ang unti-unting pagpapabagsak sa kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan.

Sa kalunsuran, nararapat pangunahan ang tugon sa pagpapalakas ng Hukbong bayan ng mga manggagawa at kabataan. Kailangang isanib ng mga manggagawa bilang uring mapagpalaya ang kanilang pakikibaka sa paglaban ng mga magsasaka. Bilang uri na walang ibang pag-aari kundi ang kanilang lakas-paggawa, mahalaga ang pamumuno nila sa Partido na nagdidirehe ng pambansa demokratikong rebolusyon hanggang sa makalaya sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Ang mga kabataang pag-asa ng bayan ay mahigpit na tinatawagang mag-ambag tungo sa pagbubuo ng maaliwalas na bukas para sa kanila at sa susunod na henerasyon. Ang kanilang kasigasigan at pagiging bukas sa mga rebolusyonaryong ideya ang siyang nagbibigay-buhay at panibagong dugo sa pamana ng rebolusyon. Marapat na masigla silang lumubog sa hanay ng mga magsasaka at manggagawa upang mag-ambag sa pagpapasigla ng gawaing edukasyon at ilapat ang mga sarili sa aping uri.

Sa panatang isulong ang rebolusyon hanggang tagumpay, kasabay na pagbulwak ng mga pakikibaka laban sa kurakot, papet at inutil na rehimeng US-Marcos II ang pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusan ng mga manggagawa, malamanggagawa, magsasaka, kabataan at iba pang demokratikong sektor ng lipunan ay tiyaking magsisilbi sa pagpapanibagong sigla at lakas ng armadong pakikibaka.

Palakasin ang Hukbong Bayan, Sumapi sa NPA!