Palawakin at palakasin ang kilusan para sa pagsulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan—KASAMÀ
Markado ng tunggalian ng mga naghaharing uri sa reaksyonaryong gobyerno ang nagdaang halalan sa pangunguna ng magkaribal na mga Marcos at Duterte. Ginagwa nilang isang malaking entablado ang eleksyon upang magpaligsahan sa kung sino sa kanilang mga paksyon ang makakakuha ng mas malaking hati sa kapangyarihan, habang pinagtatakpan sa kamalayan ng taumbayan ang tumitinding krisis, lumalalang kawalan ng trabaho, mababang sahod, at mataas na presyo ng mga bilihin.
Bigong ma-domina ng Alyansa ni Marcos ang “Magic 12” kung saan lima lang ang nanalo sa kanila, lima sa mga inendorso ni Sara Duterte, at dalawa naman ang galing sa mga Liberal/Pink bilang “ikatlong puwersa”—bagay na ikinagulat ng marami. Sa mga partylist, nanguna ang Akbayan na mahigpit ding kaalyado ng mga Liberal/Pink at tulad ng mga Marcos, ay pawang mapagkaibigan sa imperyalistang US. Samantala, dalawa lang sa apat na parylist ng Koalisyong Makabayan ang nakakuha ng puwesto bunsod ng walang sawang atake ng NTF-Elcac sa pamamagitan ng malawakang disimpormasyon, red-tagging, at pananakot sa mga botanteng sumusuporta sa kanila.
Gayumpaman, hindi nagbago ang katotohanang dominado pa rin ng mga dinasitiya at mga trapo ang halalan at batbat pa rin ito ng dayaan at manipulasyon. Lalo lamang nitong pinagtitibay ang malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino kung saan konsentrado sa iilang naghaharing uri ang kapangyarihan at kayamanan ng bansa at impluwensyado ng imperyalistang US laluna sa harap ng lumalaking banta ng China sa pandaigdigang dominasyon nito.
Tulad ng ating inaasahan tuwing may halalan, sa ilalim ng namumunong sistema sa bansa, ang mga malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa, at burukrata kapitalista ang patuloy na maghahari sa pamahalaan.
Walang makabuluhang pagbabago sa kalagayan nating mga maralitang manggagawang Pilipino sa patuloy na pagpapairal ng mga reaksyunaryo sa huwad na demokrasyang nagsisilbi lang sa interes ng iilan. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, makakamit natin ang tunay na pagbabago sa pamamagitan ng armadong rebolusyon.
Sa mga darating na panahon, inaasahan natin ang patuloy na paglala ng krisis sa bansa bunsod ng pandaigdigang krisis ng imperyalismo sa pangunguna ng US na pinamumunuan ngayon ng rehimeng Trump. Dahil dito, mas lumalaki rin ang pangangailangang palakasin ang ating rebolusyonaryong organisasyon.
Ang paglaki pa ng bilang at papalalang kalagayan ng mga malamanggagawa sa bansa mula sa kawalan ng trabaho, tumitinding atake sa kabuhayan, at kakulangan ng mga serbisyo at programang panlipunan ay direktang dulot ng mga naghaharing uri para lubos na magkamal ng tubo. Ginagamit din ang sektor bilang makinarya ng mga naghaharing pangkatin sa mga nakalipas na reaksyonaryong eleksyon sa pamamagitan ng iba’t ibang pangako, panlilinlang, at suhol. Ang mga ganitong kalagayan ang lalong nagpapatunay na makatuwiran para sa malawak na hanay ng maralita’t manggagawa ang yakapin at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya ng bayan at para sa ganap na pagtatatag ng sosyalistang lipunan.
Patuloy tayong magpalawak sa mga komunidad, pagawaan, at lugar ng kabuhayan ng bawat maralita’t manggagawa. Itatag ang maraming balangay ng KASAMÀ sa mga komunidad at buuin ang mga rebolusyonaryong samahan ng mga malamanggagawa sa bawat linya ng kabuhayan at lugar-pagawaan upang gawing kasapi ng KASAMÀ. At mula rito, lalong titibay ang pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at lalawak ang bilang ng Bagong Hukbong Bayan para sa higit pang pagsulong ng digmang bayan.