Pahayag

Palawakin at palakasin ang National Democratic Front of the Philippines!

,

Nakikiisa ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Laguna (PKM-Laguna) ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng National Democratic Front Philippines (NDFP) noong Abril 24. Pinakamataas na pagpupugay sa mga martir at bayani ng rebolusyong Pilipino—kina Ka Joma Sison, Ka Louie Jalandoni, Ka Pepe Luneta na mga pangunahing pundador ng NDFP at sa lahat ng mga nag-alay ng kanilang buong buhay sa pagsusulong na maipagtagumpay ang dakilang pambansa demokratikong rebolusyon laban sa tatlong salot sa lipunang Pilipino na imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Ang NDFP ang pinakamalapad at pinakasolidong rebolusyonaryong organisasyon na nagbubuklod sa lahat ng lihim na rebolusyonaryong organisasyong masa kung saan ang PKM ay pangunahing pwersa nito sa paglulunsad ng digmang bayan sa buong kapuluan. Walang pagmaliw ang pagsusulong at pagpapaunlad ng PKM bilang isang pambansang organisasyon na kaisa sa NDFP sa gitna ng walang habas na mga karahasan at paglabag sa pantaong karapatan ng pasistang estado.

Ang masang magsasaka sa Laguna ay nababalot sa kadiliman dulot ng palubha nang palubhang pagsasamantala at pang-aapi, ng pangangamkam, ng dayuhang pandarambong ng likas yaman, ng korapsyon at ng pasistang represyon sa ilalim ng inutil at US-papet na rehimeng Marcos II. Para sa kanila wala nang pinakawastong landas na dapat tahakin kung hindi ang pambansa demokratikong rebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas – Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Malaki ang pasasalamat ng PKM-Laguna sa NDFP dahil nasusuhayan nito ang kanilang mga pakikibakang masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Nangangako ang PKM-Laguna na patuloy itong magpupukaw, mag-oorganisa at magpapakilos sa masang magsasaka upang labanan ang malawak na pangangamkam at pagpapalit gamit sa mga lupang kanilang sinasaka para ng mga mapaminsalang proyekto tulad ng Laguna Lakeshore Railroad Network, Windmills, Floating Solar Panel Farms, Ahunan Dam, Belisama Dam at iba pang nagsisilbi sa interes ng mga dayuhan at lokal na na uring panginoong maylupa at burges-komprador sa probinsya.

Malinaw sa PKM-Laguna na makakamit ang tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan lamang ng agraryong rebolusyon na inilulunsad sa kanayunan kasama ang Bagong Hukbong Bayan. Hinihikayat ng PKM-Laguna ang mga kabataang may sapat na gulang, at lahat ng may mabubuting pangangatawan at isipan na umanib sa Bagong Hukbong Bayan upang lumahok sa dakilang digmang bayan ng sambayanang Pilipino!

Palawakin at patatagin pa ang NDFP, ang nag-iisang dakilang nagkakaisang prenteng organisasyon ng rebolusyong Pilipino!
Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

Palawakin at palakasin ang National Democratic Front of the Philippines!