Pahayag

Palayain si Chantal Anicoche! Ilantad ang maduming taktika ng AFP laban kay Chantal! Itigil ang pambobomba sa Mindoro! Palayasin ang militar sa kanayunan!

Dahil sa maigting na panawagan ng mga grupo sa karapatang-tao at iba pang progresibong sektor, napwersa ang 203rd Brigade na ilantad nitong ika-8 ng Enero 2026 lamang batay sa eklusibong video na kanilang inilabas sa media si Chantal Anicoche, isang kabataang-mananaliksik na nawala matapos ang labanan sa pagitan ng 76th IB at NPA noong ika-1 ng Enero sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Sa inilabas na eklusibong video ng 203rd IBde, natagpuan diumano ng mga tropa ng militar si Chantal sa isang butas na 500 metro ang layo mula sa lugar na pinangyarihan ng labanan sa pagitan ng 76th IB at NPA-Mindoro.

Kwestiyonable ang inilabas na video ng 203rd IBde dahil kung totoong kakatagpo pa lamang nila kay Anicoche, bakit tila kakaiba ang kalagayan ni Anicoche para sa isang indibidwal na pitong araw na nakatago sa isang butas dahil sa pambobomba at istrafing ng AFP. Sa ipinakitang video, nakapagtataka din na animo’y may malalim na silang pagkabatid sa katauhan ni Anicoche kagaya ng pakikipag-usap ng kumukuha ng video sa wikang Ingles kay Anicoche gayong bago pa lamang nila ito natagpuan.

Matapos ang walang habas na pambobomba na sinundan ng walang patumanggang istaping ng 203rd IBde noong ika-1 ng Enero sa Barangay Cabacao, nananatili ang mahigpit na militarisasyon sa komunidad ng mga katutubo at magsasaka sa lugar. Pinagbabawalan pa din ng mga militar ang sinuman mula sa labas na makapasok sa lugar. Pinakahuling biktima ang mag-asawang Romy at Alma ng Cabacao na iligal na hinuli ng mga militar. Pinagtabuyan ng mga militar ang mga manggagawa sa karapatang-tao na nais lamang magsagawa ng imbestigasyon sa naganap na pambobomba.

Hanggang sa ngayon, bagaman inilitaw na sa social media ng 203rd Bde si Chantal Anicoche, patuloy itong binibinbin at nananatiling nasa kustodiya ng 2nd IDPA, Philippine Army at hindi pinapayagang makausap ng kanyang mga abogado at kapamilya. Habang iligal na itinatago ng militar si Chantal, naglabas ng pahayag ang 2nd IDPA na diumano’y “pumirma si Chantal na kusa” siyang magpakustudya sa militar. Malinaw na maduming taktika ito ng pamimilit, pananakot, blackmail na ginagawa ng militar sa biktimang tulad ni Chantal.

Alinsunod sa reputasyon ng AFP na numero-unong tagapaglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Pilipino, malinaw na paglabag sa karapatan ni Anicoche ang paghawak ng militar sa kanya. Hindi rin maaaring pagbawalan ng mga pwersa ng estado si Anicoche na makipag-usap sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na nagnanais na tulungan siya. Napaka-kwestiyonable ng sirkumstansya ng pagkakatagpo ng AFP kay Anicoche. May nakatapat na camera mula sa umpisa hanggang sa pagsusuri sa kanyang kalagayang pangkalusugan. Nagmumukhang desperado ang 203rd IBde at 2nd IDPA sa pagpapakita nitong “pagkamakatao” kay Anicoche.

Ngunit ano pa mang pagpapakitang taong kabutihan ng AFP sa tapat ng kamera, hindi pa rin nito mabubura ang perwisyo, kahirapan at pagdurusang idinulot nila kay Chantal, sa namatay na kabataang si Jerlyn Rose Doydora at sa mamamayan ng Cabacao at buong Abra de Ilog, Occidental Mindoro dahil sa kanilang walang habas na pambobomba at istrafing. Dapat managot ang 203rd Bde at 2nd ID laluna ang mga opisyales nito na nagmando ng pambobomba na nagresulta sa pagkamatay ni Doydora na isang kabataang mananaliksik at ng tatlong batang Mangyan Iraya at pagkasugat ng kanilang ina. Dapat hindi tumigil sa paniningil ang mamamayang Mindoreño at iba pang progresibong sektor sa berdugong AFP na siyang walang awang naghulog ng bomba at nagpaulan ng bala sa mga komunidad ng katutubong Mangyan-Iraya at magsasaka. Nagiging malinaw sa mata ng mamamayang Mindoreño na ang mga tropa ng AFP ang siyang numero-unong terorista sa Pilipinas, na tuwirang instrumento ng rehimeng US-Marcos II upang dambungin ang yaman ng Mindoro at ng buong bansa at supilin ang anumang paglaban ng mamamayan.

Ito ang hindi maitatangging katotohanan na nagtulak kay Chantal Anicoche upang magpasyang magsaliksik at tumungo sa kanayunan ng Mindoro upang mag alam at magsiyasat sa pamamagitan ng pakikipamuhay sa mga katutubong Mangyan at magsasaka at palalimin ang kaalaman ng isinusulong na armadong paglaban ng NPA, ang Pulang Hukbo ng masang anakpawis. Nararapat na kagyat na palayain si Anicoche. Tuwirang paglabag sa International Humanitarian Law ang paghawak at iligal na pagpiit ng AFP kay Anicoche dahil siya ay isang sibilyan. Nakasaad mismo sa seksyon ng IHL na hindi dapat madamay ang mga sibilyan sa mga armadong labanan. Pagkakait ng katarungan kay Chantal Anicoche ang lubhang pagtagal at nagpapatuloy na pagkustodiya ng 203rd Bde at 2nd IDPA sa kanya gayong isa siyang sibilyan na dapat ay nagtatamasa ng kalayaan. Bakas sa kanyang mukha ang sinapit na sikolohikal na kahirapan at pagdurusa mula sa naranasang pambobomba ng militar at mga kasunod pa nitong sinapit sa kamay ng mga pasista. Kaya nararapat na malapatan ng kagyat na atensyong medikal na independyente at hindi kontrolado ng AFP upang gamutin ang matinding trauma na inabot ni Anicoche.

Kagyat na palayain si Chantal Anicoche!

Singilin ang AFP sa pagpatay at pambobomba sa mga katutubong Mangyan at magsasaka!

Itigil ang militarisasyon sa Mindoro!

Palayain si Chantal Anicoche! Ilantad ang maduming taktika ng AFP laban kay Chantal! Itigil ang pambobomba sa Mindoro! Palayasin ang militar sa kanayunan!