Pahayag

Palayain si Wigberto Villarico! Palayain ang NDFP peace consultants!

Mariing nananawagan ang NDF-ST kasama ang rebolusyonaryong mamamayan ng TK na palayain ng GRP si Wigberto Villarico, 68, isang peace consultant ng NDFP na dinakip noong Oktubre 24 sa Quezon City. Ang pagpipiit sa kanya ay labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na kasunduang pinirmahan ng GRP at NDFP sa balangkas ng peace talks noon pang 1995. Kung tunay ngang seryoso ang GRP sa peace talks sa NDFP at paglutas sa ugat ng armadong tunggalian, dapat nitong panindigan ang JASIG at palayain si Villarico at mga tulad niyang kalahok sa negosasyong pangkapayapaan.

Mahalagang pangalagaan ang kalayaan, kaligtasan at kagalingan ni Villarico at lahat ng peace consultants ng NDFP sa balangkas ng paghahawan ng daan pabalik sa mesa ng negosasyon. Bilang consultant, inaalam nila ang kongkretong sosyo-ekonomikong kalagayan at itinataguyod ang kahilingan ng mamamayan. Malalim nilang inaaral ang suliranin ng mga magsasaka sa lupa; ang daing ng mga manggagawa kaugnay ng sahod, trabaho at karapatan sa paggawa; ang kalidad at antas ng serbisyong sosyal na natatanggap ng mamamayan; ang mga paglabag sa karapatang tao at sibil-pulitikal; ang estado ng kapaligiran relatibo sa paggamit ng mga likas na rekurso; ang epekto sa bayan ng panghihimasok ng mga dayuhang kapangyarihan; at iba pang susing usapin sa bansa. Isa si Villarico sa mga consultant na nakatutok sa Southern Tagalog at siyang katuwang ng NDFP sa pagsisiyasat at pakikipagkonsultahan sa mamamayan ng rehiyon.

Hindi simple ang mga gawain ng peace consultant—nangangailangan ito ng kababaang-loob, pambihirang tiyaga, pagiging mapamaraan at kapangahasang sumuong sa panganib lalo ngayong walang pakundangan ang estado ng GRP sa pagtatatak na “terorista” sa sinumang nagsusulong ng pambansa-demokratikong interes ng masang Pilipino. Sa kabila ng mga kahirapan at mga personal na limitasyon, nagsisikap ang mga consultant na tupdin ang kanilang tungkulin bilang ambag sa paghahanap ng resolusyon sa higit daantaon nang pagkabusabos ng bansa sa ilalim ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa halimbawa ni Villarico, patuloy siyang gumagampan sa kabila ng mga iniindang pisikal na karamdaman kabilang ang isang sakit sa buto na lubhang nakakaapekto sa kanyang mobilidad. Patunay ito ng mataas na dedikasyon sa adhikaing palayain ang sambayanan na kanyang niyakap sapul nang mamulat bilang kabataang aktibista sa panahon ng diktadurang US-Marcos I.

HIndi nararapat kay Villarico na malagay sa likod ng rehas na bakal. Dapat siyang hayaang mabuhay nang marangal sang-ayon sa kanyang kalagayan bilang matandang maysakit at malayang gumampan ng kanilang piniling bokasyon batay sa pisikal na kakayanan. Ito rin ang panawagan ng NDFP-ST para sa iba pang peace consultant at mga detenidong pulitikal. Ang patuloy na pagpipiit sa mga tulad nila ay akto ng kalupitan at kawalang-galang sa batayang karapatan ng tao na makibaka para sa kanyang karapatan at magpahayag ng pampulitikang paninindigan.

Dapat makita na ang pagpapalaya kay Villarico ay magiging positibong akto sa bahagi ng GRP at siyang kongkretong pahiwatig ng sinseridad nitong harapin ang NDFP sa usapang pangkapayapaan. Hinihintay na ng mamamayan ang pagpihit na ito, lalo’t hindi pa nagtatagal mula nang magpahayag si National Security Adviser Eduardo Año na hindi papasok sa peace talks ang GRP. Dapat ding sansalain ang disimpormasyong ikinakalat ni Jonathan Malaya hinggil sa terminasyon ng JASIG. Tulad ng tinuran ni Julie de Lima, tagapangulo ng NDFP negotiating panel, patuloy na umiiral ang JASIG at hindi ito maaaring basta tapusin ng isang panig lamang. Nananatiling aplikable ang mga prinsipyong nakapaloob sa JASIG hangga’t may pagsisikap sa peace talks.

Sa halip na pagkaabalahan ang panghuhuli sa mga peace consultant, dapat asikasuhin ng GRP ang pagtugon sa panawagang hustisya para sa lahat ng mga biktima ng karahasan ng estado, mula sa madugong War on Drugs hanggang sa kontra-rebolusyonaryong gera. Patung-patong na ang habla at ebidensya laban sa mga opisyal ng pulis at militar na sangkot sa pagpaslang sa mga sibilyan gaya ng kaso ng Bloody Sunday Massacre at Fausto Massacre. Ang mga uhaw-sa-dugong berdugo sa likod ng mga krimeng ito ang tunay na banta sa bayan at dapat ipiit sa kulungan.

Palayain si Wigberto Villarico! Palayain ang NDFP peace consultants!