Pahayag

Pambansa demokratikong rebolusyon ang hahawan sa landas tungong tunay at makatarungang kapayapaan

Desperado ang rehimeng US-Marcos II na patunayang “wala nang pwersang gerilya” sa buong bansa. Sa harap ng mga patutsadang “kapayapaan” ni Ferdinand Marcos Jr, todo-larga naman ang pang-aatake ng mga armadong pwersa ng estado sa bayan. Dahil dito, lalong pinapakita ni Marcos Jr ang insinseridad nito na makamit ng bayan ang tunay at makatarungang kapayapaan. Sa halip, pinatitindi ng rehimen ang kontra-rebolusyonaryong gera at di deklaradong Martial Law sa buong bansa sa imbing layuning ipataw ang sarili nilang bersyon ng kapayapaan—kapayapaan sa libingan.

Taliwas sa nais palabasin ng rehimeng Marcos II, pumutok sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga labanan sa pagitan ng AFP at NPA matapos ang deklarasyong “wala nang pwersang gerilya” sa bansa. Sa Timog Katagalugan pa lamang, naganap ang mga labanan sa Quezon at Mindoro nitong Agosto. Sampal sa mukha ni Marcos Jr ang mga naturang labanan dahil pinasubalian nito ang kanyang pangarap na mapuksa ang rebolusyonaryong kilusan sa kanyang termino. Lalong naging katawa-tawa ang reaksyunaryong gubyerno sa pilit na pagpapataas ng moral sa mga bigong pag-atake kung saan binisita mismo ni AFP Chief-of-Staff Gen. Romeo Brawner noong Agosto ang mga tropang militar sa Mindoro. Pilit niyang pinapaniwala sa mga demoralisadong militar na “ititigil na ng NPA ang armadong rebolusyon.”

Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, malinaw na hindi basta-basta lamang isusuko ng NPA ang armadong rebolusyon hangga’t hindi nalulutas ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Dahil hindi mabulid ang rebolusyonaryong kilusan sa kapitulasyon o pagsuko ng NPA, tila batang nagmamaktol na bumabaling ngayon ang estado sa terorismo. Para palitawin ang kalamangan sa militar, labis-labis at walang pakundangan na gumagamit ang AFP-PNP-CAFGU ng mga rekursong bala at bomba. Umaatake sila sa himpapawid at lumalabag sa mga protokol sa digma at pandaigdigang makataong batas. Sa Timog Katagalugan, hindi mga pwersang gerilya, kundi ang mga sibilyang komunidad ang karaniwang puntirya ng teroristang pang-aatake. Pinakahuli ang pambobomba sa Tagkawayan, Quezon at pang-iistraping sa Baco, Oriental Mindoro nitong Agosto. Desperadong hakbang ito ng pasistang rehimen para palabasing nagtatagumpay sila at tuluyan nang napahihina ang rebolusyonaryong kilusan. Hindi malunok ng 2nd IDPA ang paulit-ulit na pagpapasubali ng mga yunit ng NPA sa TK sa deklarasyong “wala nang larangang gerilya sa bansa” kaya binabalingan nito ang mamamayan.

Bukod sa walang pakundangang paggamit ng superyor na armas militar laban sa NPA at mamamayan, rumaragasa sa kanayunan ang di deklaradong Martial Law ng rehimen. Ipinapataw ng AFP-PNP ang curfew sa mga komunidad at sapilitang pagpapalogbook sa mga magsasaka sa tuwing aalis sila sa baryo papuntang bukid. Naiulat ang pagkakampo sa mga pampublikong pasilidad kagaya ng mga eskwelahan at barangay hall sa Rizal at Mindoro. Isinasagawa ang iba’t ibang anyo ng blokeyo sa pagkain, kabilang ang pagbabawal na mag-imbak ng paninda ang maliliit na tindahan sa mga liblib na komunidad, panggigipit sa mga katutubo, sa paratang na ang mga ito ay ipinabiling suplay ng NPA. Sa mga represibong patakarang ito, napilitang lumikas ang mga residente sa komunidad at nagtitiis kahit malayo sa kanilang mayor na pinagkukunan ng kabuhayan. Nagkakailang malalawak na kaingin ng mga magsasaka sa Mindoro ang naiulat na inabandona ng mga magsasaka sa takot na mapag-initan ng militar.

Sa kalunsuran, inaatake ng mga ahente ng NTF-ELCAC ang pag-uunyon at mapayapang mga pagkilos at pag-oorganisa ng masang manggagawa sa loob at labas ng pagawaan. Pinipigilan ang mga kabataan na maging mapanuri, manguwestiyon at maglabas ng opinyong publiko hinggil sa mga problema sa lipunan sa tuluy-tuloy na militarisasyon sa mga paaralan. Sa kanayunan, ang magsasaka ang pangunahing biktima ng pagpapataw ng kapangyarihang militar. Sa Mindoro pa lamang, dalawang magsasakang katutubo ang pinaslang ng berdugong 4th IBPA ngayong 2025. Sa iba’t ibang dako ng rehiyon, libu-libong pamilyang magsasaka at katutubo ang nadidisloka at nawawalan ng kabuhayan dulot ng walang-patlang at sustenidong mga operasyong militar ng mga yunit ng AFP-PNP-CAFGU. Walang-awa rin ang panghaharas ng mga pasistang tropa kasabwat ang ilang mga lokal na yunit ng reaksyunaryong gubyerno sa mga institusyon at grupong nagtatanggol sa karapatang pantao.

Salaminan ang ganitong mga hakbangin ng insinseridad ng rehimen na lutasin ang mga ugat ng armadong tunggalian. Ang rehimeng US-Marcos II mismo ang sagka sa pagkakamit ng tunay at makatarungang kapayapaan. Lalo nitong pinag-aalab ang hinaing ng bayan para sa digmang bayan. Habang tumatagal ang panunungkulan ng rehimeng US-Marcos II, lalong nararamdaman ng mamamayan sa Timog Katagalugan ang paghihirap at pasistang atake. Nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa na nasa ₱560 sa CALABARZON at P430 sa MIMAROPA. Mas mababa pa rito ang ₱300-₱350, at ₱200-₱250 na arawang sahod ng mga manggagawang-bukid sa mga niyugan, palayan, prutasan atbp. Napakababa pa ng presyo ng mga produktong bukid ng mga magsasaka ng palay, niyog at copra, gulay, lamang-ugat at prutas. Luging-lugi ito kung ikukumpara sa napakataas na gastusin sa produksyon at arawang konsumo. Higit na nagdurusa ang mga magsasaka tuwing sinalanta ng mga kalamidad lalo’t pinagkakait sa kanila ang ayuda at subsidyo. Pinalalayas ng mga proyektong reklamasyon at enerhiya sa baybayin ng Manila Bay at Laguna de bay sa Cavite at Laguna ang puu-puong libong mga residente. Nakaamba rin sa Mindoro ang samutsaring proyektong enerhiyang wind, hydro at solar. Nagtutuluy-tuloy ang konstruksyon ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam sa hangganan ng Rizal at Quezon sa Sierra Madre na pipinsala sa buhay at kabuhayan ng mga Dumagat at magsasaka. Sa Palawan, lumiliit ang kita ng mga mangingisdang hirap nang makapalaot sa abot-abot na ehersisyong militar at iba pang aktibidad ng AFP-PNP at tropang Amerikano at mga alyado nito sa tabing ng pagdepensa sa West Philippine Sea.

Malinaw ang magkaibang pagtingin ng reaksyunaryong gubyerno at rebolusyonaryong kilusan sa kapayapaan. Ang kapayapaang hinahangad ng CPP-NPA-NDFP ay nakabatay sa pagkakamit ng tunay na kalayaan, demokrasya at hustisyang panlipunan. Samantalang ang “kapayapaan” na nais panatilihin ng estado ay yaong kung saan malaya ang imperyalismo, mga kasabwat nitong burgesya komprador, panginoong maylupa at lokal na burukrata na makapandambong sa likas na yaman ng bansa at pagsamantalahan at apihin ang taumbayan nang walang tumutuligsa. Instrumento nito sa pagpapanatili ng ganitong “kapayapaan” ang AFP-PNP at iba pang paramilitar na dinadahas ang bayan para supilin ang anumang makatarungang paglaban para sa lupa, kabuhayan, kalayaan, demokrasya at kapayapaan.

Higit kailanman, malinaw ang dahilan at batayan ng paghahangad ng mamamayan para sa panlipunang pagbabago na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Para sa kanila, ang paglutas sa ugat ng armadong sigalot at pagtatayo ng isang lipunang makatarungan, masagana at malaya ang tanging garantiya para makaahon sa kumunoy ng karalitaan. Isinusulong ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayang Pilipino ang pambansa demokratikong rebolusyon dahil ito ang nakikita nilang tanging liwanag sa gitna ng kadilimang hatid ng kahirapan at karahasan. Itinutulak lamang sila nitong lalong pahigpitin ang suporta sa pambansa demokratikong rebolusyon upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo at itayo ang lipunang sosyalista.

Nananawagan ang NDFP-ST na lalong pag-ibayuhin ng mamamayan ng rehiyon ang kanilang pakikibaka para kamtin ang pambansa-demokratikong mga mithiin at adhikain. Sumalig sa sariling lakas at lakas ng rebolusyon para mangahas na makibaka at ipagtagumpay ang kanilang laban para sa kagalingan ng sambayanan.

Pambansa demokratikong rebolusyon ang hahawan sa landas tungong tunay at makatarungang kapayapaan