Pamunuan ang masa sa pagbangon mula sa sakuna, panagutin ang rehimeng US-Marcos Jr sa kanyang kriminal na kapabayaan!
Mahigpit ang pangangailangan sa malakas na pamumuno ng Partido sa Cagayan Valley laluna’t kinakaharap ngayon ng mga mamamayan ng rehiyon ang sunud-sunod na hagupit ng bagyo at malawakang pagbaha na pinasahol ng mga proyektong sumisira sa kalikasan. Inaatasan ng Partido ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan-CV (Fortunato Camus Command), mga milisyang bayan at lahat ng mga komite ng Partido hanggang sa mga sangay sa lokalidad, na malawakang imobilisa ang lahat ng kasapian at iba’t ibang sektor upang organisadong harapin at bumangon mula sa hambalos ng mga kalamidad. Lahatang-panig na pangibabawan ang lahat ng balakid upang itaguyod ang karapatan at igiit ang mga kahilingan ng mga mamamayan ng CV.
Susi rito ang paglulunsad ng militanteng pakikibakang masa upang singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Marcos Jr sa kanyang kainutilan at kriminal na kapabayaan sa pagharap sa mga sakuna. Habang nag-aagaw-buhay ang mga Pilipinong pinakanaapektuhan ng baha at pagguho ng lupa, walang awang sinabi niya na “walang magagawa kundi ang maghintay na humupa” gayong taun-taon ay mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa. Dapat ding panagutin ang mga kasapakat niyang malalaking burgesya komprador at dayuhang kumpanya na mandarambong at sumisira sa kapaligiran. Marapat lamang na igiit ang karampatang kompensasyon sa mga nasirang pananim at kabuhayan, kasabay ng paggigiit ng hustisyang pangklima.
Natural na daanan ng bagyo ang rehiyon ngunit gawa ng mga ganid at naghaharing-uri ang mas malulupit na epekto nito sa buhay, kabuhayan at kapaligiran. Dekada ’80 pa lamang nang limasin ng mga Marcos, Enrile, Puzon, at Lim ang mga kagubatan ng lambak sa malakihang operasyon ng pagtotroso ng Taggat Industries na hawak ng tau-tauhan ni Marcos Sr na si Ret. Gen. Balao. Maraming aksyong militar na pinagbuhusan ng dugo ang isinagawa ng BHB noong 1983-1985 sa pagpapahinto ng Taggat sa pagpanot ng kabundukan. Dekada itong pinangalagaan ng Hukbo na hindi malapastangan ang kalikasan. Pati ang mga mamamayan doon ay tinuruang pangalagaan ang kagubatan, iwasan ang paglason sa katubigan sa pangingisda at iba pa. Nang pumwesto ang AFP sa Apayao at kaunlarang Cagayan matapos ang Oplan Lambat Bitag noong 1994, muling pinasok ng mga malalaking kumpanya ng pagtotroso ang lugar at pinalargang walang kontrol ang mga chainsaw ng mga mayamang magsasaka pati kanya-kanyang paglalason sa katubigan. Ang naghaharing-uri at ang armadong galamay nito, ang AFP-PNP, ang lumalapastangan sa kalikasan at likas na yaman. Sa kasaysayan, kung nasaan ang mga operasyon at proyektong sumisira sa kabuhayan at kapaligiran, nandoon ang matinding militarisasyon at pandarahas sa mamamayan.
Lalo pang nakalbo ang mga bundok nang bumaha at lumaganap ang pagtatanim ng high-yielding variety at GMO na yellow corn sa tulak ng neoliberalismo sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr. Sa kabila ng hungkag na total log ban ng reaksyunaryong gubyerno, ibinubukas naman ang natitirang kagubatan at kabundukan sa mga dambuhalang operasyon ng pagmimina. Sa katunayan, pangatlo ang Cagayan Valley sa pinakamalaking pinagkukunan ng mina sa buong bansa. Sa kasalukuyan, umaabot sa mahigit 15,000 ektarya ang saklaw pagmimina sa lalawigan lamang ng Nueva Vizcaya. Hiwalay pa ito sa mga operasyon ng pagmimina sa Cagayan at Isabela.
Ipokritong idinideklara ang mga kagubatan na “protected area” upang itaboy at pagbawalan ang mga setler at katutubo, gayong tahasan namang pinahihintulutan ang mga “programang pangkaunlaran” na sirain ito. Tulad na lamang ng Northern Sierra Madre Natural Park (NSMNP), isa sa pinakaimportanteng protected areas system sa Pilipinas dahil sa dami ng bihira at nanganganib nang mawala na uri (rare and endangered species) ng flora at fauna na naroon na sumasaklaw sa 287,861 ektarya ng kagubatan at katubigan ng coastal Isabela – Palanan, Divilacan, Maconacon, Dinapigue, bahagi ng mga bayan ng San Mariano, San Pablo, Cabagan, Tumauini at syudad ng Ilagan hanggang sa karatig prubinsya ng Aurora—na sinagasaan sa pagtatayo ng Ilagan-Divilacan Road, pribatisasyon ng lupa at katubigan, kumbersyon tungong mga resort sa pangunguna ng mga malalaking pulitiko sa rehiyon, mga pampulitikang dinastiya sa Isabela, mga dayuhan, at maging mga artista.
Samantala, garapalang nakikipagsabwatan ang DENR-MGB sa mga kumpanyang Chinese na nag-oopereyt ng black sand mining sa Cagayan River at offshore mining sa karagatan ng northeastern Cagayan. Ikinatwiran ang pananalasa ng bagyong Ulysses noong 2020 upang ura-uradang aprubahan ang “dredging” sa ilalim ng Cagayan River Restoration Project. Mag-aapat na taon na mula nang simulan ang operasyon ngunit lagi’t lagi pa ring nalulubog sa baha ang mga bayan sa pababang agos ng Cagayan. Nitong huli lamang sa bagyong Kristine at Leon, lumubog sa baha ang ilang baryo ng Alcala, Baggao, Amulong, Sta. Ana, Solana, Aparri, Enrile, Tuguegarao, at Sto. Nino sa Cagayan, San Pablo at Ilagan sa Isabela. Higit P500 milyon ang naitalang pinasala sa agrikultura sa rehiyon. Sa halip na matuldukan ang suliranin sa baha, doble-dagok sa mga mangingisda ang ngayo’y pagliit ng kanilang huli at kita dahil sa pagmimina.
Tumatabo naman ng limpak-limpak na kikbak ang mga kontraktor at pulitiko sa pagtatayo ng mga mega dam. Ang Magat Dam at Magat Hydroelectric Power Plant na pag-aari ng burgesya kumprador na Aboitiz, na mas pangunahing nagsusuplay ng enerhiya kaysa patubig sa mga palayan, ang isa mga dahilan ng malawakang pagbaha na walang pasintabing nagpapakawala ng tubig tuwing may bagyo.
Lubusang batid ng taumbayan na hindi sapat ang kakarampot na ayuda upang bumangon sa siklikong epekto ng mga kalamidad—sa mga buhay na nawala, sa kabuhayang nawasak, at epektong sikolohikal. Sa katunayan, insulto ito sa mga mamamayang malaon nang nagtitiis sa pagpapabaya ng reaksyunaryong gubyerno. Ang pamumudmod ng mga konswelo de bobo at limos na relip, matapos ang pagsusumamo, ay tila pagbudbod ng asin sa sugat. Isang pakitang-tao upang panandaliang tugunan ang hapdi ng sikmura at patuloy na takasan ang pananagutan at ilihis ang pangunahing dahilan ng kalbaryo ng mamamayan sa panahon ng mga sakuna.
Walang ibang dapat sisihin kundi ang operasyon ng imperyalismo na walang humpay na sinasaid ang kalikasan na nagdudulot ng global warming, ang puno’t dulo ng lumalalang krisis pangklima sa Pilipinas at sa buong mundo. Dahil sa neoliberalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo bilang baseng sosyal ng imperyalismo sa lipunang Pilipino, ang mga bulnerableng sektor at pinagsasamantalahang uri ang higit na tinatamaan ng hampas ng mga kalamidad. Kung gayon, kagyat at nararapat lamang na paigtingin at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang rebolusyon upang wakasan ang mga ugat ng kahirapan.
Pursigido ang lahat ng mga yunit at komite ng Partido sa rehiyon na matatag na makapamuno sa unahan ng mga demokratikong kilusang masa. Gayundin ang armadong bisig nito, ang BHB-CV katuwang ang mga milisyang bayan, yunit depensa sa baryo at yunit pananggol-sa-sarili, na laging ipanguna ang kagalingan at kaligtasan ng masa, at parusahan ang mga proyektong pumapatay sa buhay at kabuhayan ng mamamayan at peligro sa kanilang kaligtasan. Sa pananalasa ng bagyo at teroristang lagim ng estado sa kanayunan, walang ibang makakapitan ang masa kundi ang Partido at Bagong Hukbong Bayan. Marapat lamang na gawin ng BHB-CV ang lahat ng makakaya upang lumapit sa masa, pawiin ang takot nila, at ituon ang galit sa pahirap, inutil at pasistang rehimen.