Inihanda ng Panrehiyong Kagawaran sa Edukasyon ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (RED-KRCV) Panagutin si Duterte sa krimen laban sa sangkatuhan, singilin si Marcos Jr sa tumitinding pasismo ng estado laban sa mamamayan
Noong March 11, hinuli ng International Criminal Police Organization (Interpol) ang pasistang tirano na si Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) noong March 7 sa kasong krimen laban sa sangkatauhan ng pagpatay (crimes against humanity of murder). Kung tutuusin, long overdue na ang kaso na isinampa sa ICC walong taon na ang nakalilipas ngunit ngayon lang umusad. Malaking tagumpay ito ng sambayanang Pilipino na naghahangad ng katarungan, hindi lamang ang mga biktima ng malawakang pamamaslang sa balangkas ng Oplan Tokhang/Oplan Double Barrel kundi sa lahat ng mga biktima sa ilalim ng kanyang pasistang paghahari.
1. Bakit ICC pa ang maglilitis sa kaso ni Duterte?
Una sa lahat, inutil at hindi patas ang batas sa Pilipinas. Kapag mayaman, sasampahan ng kaso pero kapag mahirap, papatayin na lang agad-agad. Kung kayat walang ibang pagpipilian ang mga biktima kundi ang dumulog sa ICC. Labis na naantala ang pag-aresto kay Duterte dahil sa pagtanggi ni Marcos na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC na hinarang pa niya noong 2023.
Sa katunayan, walang naisampang kaso laban kay Duterte sa mga korte sa Pilipinas dahil binubusalan ang mga prosecutor at mismong mga pulis ang sangkot sa malawakang pagpatay. Inamin ni DOJ Sec Crispin Remulla sa pagdinig sa senado na 95% ng mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamasalang sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga ay walang rekord o kahit police report man lang. Matagal na itong hinaing ng mga pamilya ng mga biktima na ultimo police at medico legal report ay hirap silang kunin sa mga presinto.
Bagamat hindi na myembro ang Pilipinas sa ICC, may hurisdiksyon pa rin ang ICC sa bansa dahil sa mga panahong isinampa ang kaso at nangyari ang malawakan at sistematikong pamamaslang (2011-2019) ay nakapaloob pa ang bansa sa ICC. Dahil din sa principle of complementarity ng Rome Statute, may hurisdiksyon ang ICC na hawakan at litisin ang kasong crimes against humanity, war crimes, genocide at war of aggression sa mga bansang walang nakasampang kaso na kaugnay sa apat na nabanggit.
2. Ano ang katotohanan sa likod ng sistematiko at malawakang kampanya ng disimpormasyon at pekeng pagbabalita sa social media?
Pinopondohan at may malawak na makinarya ang mga Duterte sa kampanyang disimpormasyon at pamamayagpag ng fake news at trolls sa social media. Kapansin-pansing bigla na naman itong umalagwa pagkatapos nang nagyaring pag-aresto kay Duterte.
Layunin nitong makuha ang simpatya ng publiko at kontrolin ang public opinion na pabor sa kanila nang sa gayon ay magmukhang “kaawa-awa at walang konsiderayon sa edad” at “biktima ng political persecution” ang tiranong pinuno. Nais nitong udyakan ang emosyon at galit ng mga maka-Duterte, lumikha ng ingay at protesta para makabalik si Duterte sa Pilipinas, at patingkarin ang ilusyon na “maraming tagasuporta” (illusion of majority) ang mamamatay-tao upang impluwensyahan ang mga nagdadalawang-isip o wala pang tindig sa usapin.
Higit sa lahat, nagsisilbi ang disimpormasyon at fake news upang ilihis ang tunay na isyu ng malawakang pamamaslang at tabunan ang mga krimen at anti-mamamayang patakaran ni Duterte, at pagtakpan ang teroristang paninibasib ng rehimen into.
Pinalalabas ng mga trolls na “state kidnapping”, “labag sa batas” at “pagsuko sa soberanya” ang pagkakaaresto ni Duterte gayong dumaan ito sa due process —hinainan siya ng warrant of arrest at binasahan ng Miranda rights—bagay na hindi naranasan ng libu-libong “nanlaban” na walang kaabog-abog na binaril-patay.
Instrumento rin ito upang dungisan ang kredibilidad ng ICC, midya at mga mamamahayag, at iba pang institusyon; at, sindakin at supilin ang mga pamilya at abogado ng mga biktima sa desperasyon mapaatras sila sa pakikipaglaban para sa hustisya.
3. Bakit walang pinag-iba si Marcos Jr kay Rodrigo Duterte?
Ginawa ni Marcos Jr ang pagpapaaresto kay Duterte sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ICC at Interpol hindi dahil sa paghahangad ng sambayanang Pilipino ng pananagutan at hustisya, kundi para sa kanyang pansariling interes sa pulitika. Sa katunayan, ginawa niya itong baraha laban sa pang-uupat ng Duterte ng kudeta simula ng mabuwag ang “UniTeam.”
Ang pag-aresto kay Duterte kasunod ng pagsampa ng kongreso ng kasong impeachment kay Sara Duterte ay sinasamantala ngayon ni Marcos Jr upang ibayong konsolidahin ng kanyang kapangyarihan sa pulitika lagpas sa 2028. Tulad ni Duterte, kontra-mamamayan at walang pakialam si Marcos Jr sa mga karaingan ng mamamayan sa hustisya. Pinakikinabangan niya ang mga pasistang patakaran ni Duterte tulad ng EO 70, NTF-Elcac at Anti-Terror Law upang supilin at busalan ang sambayanang nakikibaka.
Sumasahol sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr, kasangkapan ang AFP at PNP, ang terorismo ng estado. Lumalala ang ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, tortyur, pagsampa ng gawa-gawang kaso at pagtatanim ng ebidensya, at pagpapakulong sa mga mamamayang lumalaban. Sa kanayunan, walang humpay ang militarisasyon at pambobomba mula sa himpapawid. Batay sa ulat ng Karapatan kaugnay sa paglabag ng rehimeng Marcos Jr sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas mula Hulyo 2022-Nobyembre 2024, umabot sa 119 ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamalaslang, 201 arbitraryong pag-aresto, 14 dinukot at 46, 921 walang patumanggang pambobomba.
Ipinagpapatuloy din ni Marcos Jr ang mga anti-mahirap at anti-nasyunal na patakaran ni Duterte kabilang ang TRAIN Law, CREATE Law at Rice Liberalization Law. Patuloy ang pagpatay sa lokal na produksyon dahil sa import liberalization at pagkontrol ng dayuhan sa ekonomya at yaman ng bansa. Namamayagpag pa rin ang mga kartel, kriminal na sindikato at talamak na ismagling.
Lumalala ang pagdarahop ng mamamayang Pilipino laluna ng masang anakpawis dahil sa barat na sahod, kawalan ng lupa at trabaho, at di-maampat na pagsirit ng presyo ng mga bilihin.
4. Ano ang kabuluhan ng pagkakaaresto kay Duterte sa sambayanang Pilipino at sa pambansa demokratikong kilusan?
Lumilikha ito ng paborableng kondisyon upang malawakan at puspusang makapagpamulat, makapag-organisa at makapagpakilos. Pagkakataon ito upang iangat ang kamulatan ng masa, maiangat ang usapin ng pagpapanagot kay Duterte sa pag-unawa sa mga batayang suliranin ng lipunang Pilipino, at maipatimo ang kahalagahan at kawastuhan ng pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Ang matagumpay na pagpapaaresto at pagpapakulong kay Duterte sa ICC ay nagbubukas ng bagong larangan ng pakikibaka sa pagpapanagot sa mga diktador at tirano. Magsisilbi itong halimbawa at pamamarisan sa pagsampa ng kaso at pagpapanagot sa mga pasista sa isang internasyunal na hukuman. Ibig sabihin, nagbibigay ito ng posibilidad na masampahan ng kaso si Marcos, mga upisyal militar at pulis, at mga kumander ng dibisyon at batalyon na utak at pasimuno ng mga krimen laban sa sangkatuhan at krimen sa digma.
5. Ano ang tungkulin ng mamamayan kasunod sa tagumpay na ito?
Dapat ibayong paigtingan ang lahat ng porma ng pakikibaka upang mapanagot at ma-convict si Duterte sa kasong krimen laban sa sangkatuhan. Himukin ang mas marami pang biktima na magsalita at tumestigo laban kay Duterte upang mapalakas ang kaso laban sa kanya. Kabigin ang mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, mga biktima ng pasistang pandarahas, at mga abogado upang maitulak ang reaksyunaryong gobyerno na muling bumalik sa ICC.
Dapat patuloy na palakasin ang kakayahan ng kilusang masa, buklurin ang malapad na nakakaisang pwersang anti-Duterte at anti-Marcos. Itambol ang islogang “Marcos-Duterte, walang pinag-iba” upang idiin na pareho silang tuta ng dayuhang imperyalistang interes, korap, pasista at pahirap sa masa.
Paigtingin ang gawaing propaganda-edukasyon upang organisado at malawakang labanan at ilantad ang disimpormasyon at pagkalat ng mga pekeng balita. Mawawalang-saysay ang kampanya ng disimpormasyon kung armado ang masa ng kritikal at siyentipikong kaalaman sa kasaysayan at pagsusuri sa lipunan.
Gamitin ang lahat ng larangan ng pakikibaka para sa katarungan, kalayaan at demokrasya. Patampukin ang krusyal at hindi matatawarang papel ng pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pagpapanagot kay Duterte at paniningil kay Marcos.
Patingkarin ang kahalagahan at pangangailangan sa pagsuporta, paglahok at pananagumpay ng matagalang digmang bayan na tunay na magbibigay ng demokrasya, pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan sa sambayanang Pilipino, at magwawakas sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.