Panagutin si Sara Duterte sa pagnanakaw mula sa taumbayan! Singilin si Marcos Jr sa pag-aantala sa impeachment! Lumahok sa rebolusyon para tunay na panagutin ang mga korap at mandarambong na mga burukrata-kapitalista!
Delubyo ng pagbaha ang nanalasa at nagpasahol pa sa dusta nang kalagayan ng masang anakpawis. Delubyong hindi hatid ng bagyo kundi ng matagal nang pagwasak ng kalikasan ng mga ganid na korporasyon kasapakat ang mga burukrata-kapitalista. Kriminal na kapabayaan din ang kawalan ng tunay na solusyon sa ganitong kalamidad sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr habang nasa byahe siya sa bansang US para lamang kamtin ang kadusta-dustang 1% ng pagbabawas ng taripa na ipinataw ni Trump. Kapalit nito ang 0% taripa sa mga sasakyan at mga produktong pang-agrikultura ng imperyalistang US na tiyak na pipinsala sa mga sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Sa gitna ng ganitong delubyo dulot ng imperyalistang pandarambong katuwang ang mga burukrata-kapitalista, pinagalaw pa ng naghaharing uri ang galamay nito na Korte Suprema para palusutin ang dambuhalang kaso ng korapsyon ni Sara Duterte.
Nagmistulang sinelyuhan ng desisyon ng Korte Suprema ang nauna nang aksyon ng mayorya ng Senado sa pagbabalik ng reklamo sa impeachment laban kay VP Sara Duterte sa Kamara nitong Hunyo. Mas masaklap pa, ang desisyong ito ng Korte Suprema ay naglalagay ng mga dagdag na rekisito para masabing ligal ang impeachment lagpas sa isinasaad ng mismong Konstitusyon ng Pilipinas. Sa esensya, lalo nitong pinakitid ang ligal na puwang para sa mamamayan sa paghahanap ng katarungan at pagpapanagot sa mga kurakot at abusado sa poder.
Sadyang hindi pupursigihan ni Marcos Jr ang pagpapanagot kay Sara sa kasong korapsyon at masingil ito ng taumbayan sa mga ninakaw niya. Takot ding masingil si Marcos Jr na numerong unong korap. Tanging politikal na pakinabang ang nagtatakda ng tyempo kay BBM ng pag-atake sa kanyang karibal sa pagnanakaw at sa pulitika na si Sara Duterte. At bilang tuta ng Kano, hindi totodo ng bira si Marcos Jr nang walang kumpas ng kanyang amo.
Nais ng imperyalistang US na ipreserba ang sunud-sunurang rehimen ng estado ng Pilipinas sa interes nito, at ilayo sa pulitikal na pagkiling sa imperyalistang karibal na Tsina. Nasa kaibuturan ng interes ng imperyalistang US na manatili ang pang-ekonomyang dominasyon nito laban sa imperyalistang Tsina at isalba ang naghihingalong krisis ng imperyalistang US, ang layunin nito sa lumalalim na panghihimasok militar ng US at pagyurak sa teritoryal na integridad ng bansa. Dapat na kondenahin at panagutin ang rehimeng US-Marcos Jr sa pagpapakatuta sa imperyalistang US at tahasang pagsuko sa pambansang soberanya ng Pilipinas.
Anong kaligtasan pa sa delubyo ang aasahan nating manggagawa sa harap ng ganitong kalagayan?
Rebolusyonaryong hamon sa ating mga manggagagawa ang makipagtuos sa tunay na delubyo sa masang Pilipino! Sa pagbubukas ng reaksyonaryong bulwagan sa araw ng SONA, magpakilos tayo ng libo-libong kasamahan natin sa empresa at sa ating mga komunidad para ilantad ang hungkag na mga pangako ng rehimeng US-Marcos Jr, at tugisin din ang karibal niya sa pagnanakaw at sa kapangyarihan na si VP Sara Duterte.
Ang araw ng SONA ay panimulang pagpapasigla pa lamang tungo sa mas malalaking pagkilos sa lansangan na dapat ibase sa mga papalakas na lokal ng mga laban, paparaming mga pambansa-demokratiko’t sosyalistang mga pag-aaral, at pagbubuo ng mga Pulang Brigada sa ating mga kinikilusang empresa na magmumulat at magpapakilos sa mas marami pang manggagawa.
Sa pamamagitan ng mga rebolusyonaryong unyon at mga nakatayong Pulang Brigada, palahukin natin ang pinakamaraming manggagawa sa Pukpukan/militanteng paglaban para sa P1,200 nakabubuhay na sahod at itambol ang muling panunumbalik ng National Minimum Wage, kasabay ng iba pang laban para kamtin ang kagyat at makabuluhang alwan para sa nakararaming Pilipino. Kasabay nito ang patuloy nating panawagan para sa tunay na repormang agraryo na siyang babasehan ng hinahangad nating pambansang industriyalisasyon. Palahukin ang masang manggagawa sa militanteng paglaban na makikipagtuos sa imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo.
Ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa kasama ang iba pang pinagsasamantalahang uri ay handa para hawanin ang landas tungong sosyalismo para sa tunay na paglaya ng uring anakpawis. Patuloy tayong nananawagan sa lahat ng manggagawang Pilipino na lumahok sa makapangyarihang kilusang masa sa lungsod at sa armadong pakikibaka sa kanayunan na siyang magpapahina sa poder ng naghaharing uri hanggang tuluyang mahawi silang mga balakid sa landas ng sosyalismo. Sa ganito lamang natin tunay na mapapanagot ang mga korap at mandarambong gaya nila Sara Duterte at Marcos Jr.
Sa pag-oorganisa ng ating hanay at pagsusulong ng mga pakikibaka ng manggagawa, anakpawis at mamamayang Pilipino, higit na maaliwalas ang bukas. Tunay na sa landas lamang ng rebolusyunaryong pakikibaka makakamit ang ating mga adhikain para sa tunay na pang-ekonomya at panlipunang paglaya, katarungang panlipunan at tunay na pambansang kasarinlan laban sa imperyalistang pananakop.
Singilin at panagutin si Sara Duterte sa pagnanakaw sa taumbayan! Singilin si Marcos Jr sa pag-aantala sa impeachment ni Sara!
Ilantad, labanan at ihiwalay ang korap, papet, anti-mamamayan at pasistang rehimeng US-Marcos Jr!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba!
Makibaka, huwag matakot! Mabuhay ang sambayanang Pilipinong nakikibaka!