Pahayag

“Panghuhuli” kay Bato, malaking palabas ng senado at inutil na gubyernong Marcos Jr.

,

Hindi matutunog na palakpak kundi malalakas na pagkundena at pagkadismaya ang tugon ng sambayanan sa palabas na hulihan kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado kagabi, Mayo 13. Makalipas ang magdamag matapos ang “kaguluhan”, saka na lamang inamin ng gubyernong Marcos II na nakatakas ang kriminal na si Bato imbes na mahuli. Ipinakita nito ang grabeng kainutilan ni Ferdinand Marcos Jr. na ipataw ang hustisya sa mga kriminal at tiwali sa bayan at gayundi’y ang pagiging kasabwat ng kriminal na senadong pinamumunuan ng best actor na si Cayetano.

Si Bato ay isang wanted person ng International Criminal Court (ICC) dahil co-perpetrator siya ni Rodrigo “Digong” Duterte na nakatakdang litisin dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan bunsod ng mga isinagawang extrajudicial killings sa ilampung libong mahihirap na Pilipino sa kurso ng operasyong kontra-iligal na droga na Oplan Tokhang at bago pa nito, sa Davao City. Siya ang nagsilbing hepe ng PNP sa ilalim ng termino ni Duterte bilang presidente at nagpatupad ng Oplan Tokhang at Double Barrel. Bago ito, siya rin ang hepe ng Davao City na nagpatupad ng katulad na gera kontra-iligal na droga sa Davao City noong mayor pa nito si Duterte. Bukod sa ICC, ipinroseso rin sa Pilipinas ang warrant of arrest ni Bato sa naturang kaso.

Nalantad sa publiko ang kopya ng arrest warrant ng ICC noong Mayo 11 na dinala mismo ng mga tauhan ng NBI kasama si Antonio Trillanes Jr. sa senado ngunit tumangging magpaaresto si Bato na pinrotektahan naman ng senado. Mula rito, tigas-mukhang umapela sa publiko si Bato na huwag siyang hayaang ipadala sa The Hague at nag-file ng emergency petition sa Supreme Court. Malinaw na palabas ang “putukang” naganap kagabi bilang bahagi ng engrandeng plano upang patakasin si Bato.

Ang pagtakas ni Bato ay sampal sa mukha ng inutil na si Marcos Jr. na hinahabol na idiin ang pangkating Duterte upang masolo ang kapangyarihan sa poder. Ngunit higit na nagdurusa ang sambayanang Pilipino sa kainutilang ito, dahil ang mamamayan ang tapat na naghahangad ng hustisya sa mga krimen ni Bato at ng pamilya Duterte sa gera kontra-iligal na droga.

Habang ipinakita nito ang kawalang kapasidad ni Marcos na hulihin si Bato, nalantad naman ang Senado bilang tagapagtanggol at taga-kanlong ng mga tiwali at kriminal. Sa naganap na palabas para hulihin si Bato, naroon ang bagong halal na Senate President na si Alan Peter Cayetano at nagsabing “under attack” ang Senado. Bago ang diumanong tangkang pang-aaresto, kapal-mukha pang hiniling ni Cayetano na hindi maaaring maganap ang anumang proseso ng pang-aaresto sa Senado gamit ang kung anu-anong palusot gayong may mga senador na inaresto sa kasaysayan kahit sa loob ng senado—sina Leila de Lima at Antonio Trillanes III. Kataka-taka ring pinauwi ang ibang empleyado sa opisina ng Senado, tila tinitiyak na malinis ang entablado upang ang mga gaganap na artista na lang ang maiwan at “mag-aaliw” sa masang manonood.

Lalong nalalantad nito ang kawalang kredibilidad ng Senado at na kaya lamang pinalutang si Bato sa eksena ay para bumoto sa isinagawang kudeta ni Allan Peter Cayetano sa liderato ng senado bilang paghahanda sa pagdinig nito sa articles of impeachment ni Sara Duterte. Ang mala-teleseryeng kaganapan ay malinaw na pagmanipula ng pangkating Duterte, na nakakopo ng mayorya ng Senado, para gamitin at idirehe ang usapin palayo sa pagpapatalsik ng Kamara kay Sara Duterte bilang bise presidente. Samantala, kung nagawa nilang magkandili ng kriminal na si Bato sa Senado, tiyak na hindi rin nito pananagutin si Sara sa mga kinakaharap nitong kaso ng korapsyon laban sa bayan.

Ito ang kasalukuyang mukha ng tumitinding krisis pampulitika sa Pilipinas na hating-hati sa paksyon sa pagitan ng mga pinakanumero unong burukrata-kapitalistang Marcos at Duterte. Napakalaking kakatawanan sa buong mundo ang palabas na maaksyong “hulihan” ngunit sa bandang huli ay patatakasin din lamang ang isang walang pusong mamamatay tao na “senador” pa nga ng kasalukuyang bulok at umaalingasaw na republika sa katauhan ni Bato.

Hindi katanggap-tanggap para sa sambayanang Pilipino ang lantarang pagprotekta ng lehislatibo sa mga kriminal habang ang mamamayang naninindigan para sa kanilang mga karapatan ay walang pakundangang inaatake — iligal na inaaresto, ikinukulong at ang iba’y pinagkakaitan nang karapatang kahit ipagtanggol man lamang ang sarili at tuluyan ng pinapaslang. Ipinakikita lamang nitong ang batas sa ilalim ng kasalukuyang papet na estado sa bansa ay para lamang proteksyunan ang interes ng imperyalismong US at mga kasabwat nitong malalaking kumprador-panginoong maylupa, mga burukratang kapitalista at supilin, dahasin at sapilitang pasunurin ang mamamayan at ang kanilang pakikibaka.

Habang walang kaseryosohan ang Senado at inutil si Marcos na igawad ang hustisya, ang tanging masasaligan lamang ng buong bayan ay ang kanilang lakas upang panagutin ang gubyernong pinamumugaran ng mga pasista, kriminal, magnanakaw at mamamatay-tao. Marapat silang magpalakas ng pagkakaisa at tibayan ang hanay para tuluy-tuloy na igiit ang hustisya. Patuloy na magmulat at mag-organisa ng kapwa aping mamamayan at pakilusin para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Ang mamamayan ang mapagpasya sa pagkamit ng kanilang mga karaingan para sa hustisyang panlipunan.

Humihiyaw ang mga ebidensya at paghingi ng katarungan ng masang Pilipinong biktima ng panunungkulang US-Marcos II, ng nagdaang rehimeng Duterte at iba pang mga sinundan nito. Sistematiko ang nagnanaknak na problema ng bayan sa kawalan ng katarungan at hustisya bagkus pamamayani ng kultura ng impyunidad at paghahari ng kasamaan dahil sa mga burukratang nakasuot ng mga kurbata at malilinis na baro ngunit tigmak-sa-dugo ang mga kamay alang-alang sa yaman at kapangyarihan.

Dapat palakasin ang mga panawagan sa lansangan para usigin ang rehimeng US-Marcos II at maging ang paksyong Duterte, sina Bato at Sara upang pagbayaran ang kanilang mga krimen sa mamamayan. Gayundin, dapat magsikhay ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagmumulat at pag-oorganisa upang reklutahin ang pinakamaraming bilang ng rebolusyonaryong mamamayan na magpapabagsak sa reaksyunaryong estado hanggang sa itayo ang lipunang malaya, demokratiko at makatarungan.###

“Panghuhuli” kay Bato, malaking palabas ng senado at inutil na gubyernong Marcos Jr.