Panibagong bugso ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa Baleno nagdulot ng matinding perwisyo sa kabuhayan ng mga residente
Muling isinailalim sa Retooled Community Support Program (RCSP) noong buwan ng Marso ngayong taon at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang halos lahat ng barangay sa bayan ng Baleno. Pokus ng pakanang programa ang mga barangay ng Canjonday, Cancahorao, Gangao at Lagta. May iilang barangay rin sa Masbate City ang hindi nakaligtas sa muling pananalasa ng RCSP, kabilang ang Mapiña, Biyong at Igang.
Sa mga lugar na ito, matinding hinahagupit ang kabuhayan ng masa dulot ng kalamidad na likha ng militar.
Lingguhang kailangang kumuha ng sertipikasyon sa kanilang barangay ang mga residente. Itinakda rito ang dami ng kailangang dalhing baon para sa isang araw sa bawat isang tao. Binabantaang ipakukulong ng hanggang 12-taon ang sinumang magdadala ng maramihang pagkain pagpunta sa kanilang mga sakahan. Kailangang alas-3 ng hapon ay nakauwi na mula sa kanilang mga trabaho o sakahan ang mga tao. At pinagla-logbook ang sinumang naglalabas-masok sa lugar.
Patuloy ring nangangamba ang mga residente dahil sa malawakang pagnanakaw sa kanilang mga alagang hayop. Iilan sa mga biktima ay natatakot ng muling mag-alaga ng hayop sa takot na muling manakaw ng mga magnanakaw na militar.
Wala ring naging aksyon ang mga barangay upisyal sa kabila ng mga reklamo ng kanilang mga nasasakupan bunsod ng takot na balikan ng militar.
Ayon sa mga residente, nagsimula lang ang malawakang pagnanakaw ng magkaroon ng halos pamalagiang presensya ng militar ang kanilang mga lugar. Dagdag pa ng mga residente, pinagnanakawan sila ng militar, na pinalalabas na NPA ang may kagagawan upang magkaroon ng rason ang ilinulunsad nitong operasyon sa kanilang lugar. Higit sa lahat, upang palabasing nagugutom na ang NPA kaya pinagnanakawan nito ang mga residente.
Kahit anong pakana ng militar, hindi nito kayang linlangin ang masang Masbatenyo.
Iilan sa mga biktima ang aktwal na nakakita sa pagnanakaw ng militar sa kanilang mga alagang hayop. Pinagbantaan pa sila, matapos nakawan ng militar.
Sa ilang dekada ng pananatili ng NPA sa mga barangay sa prubinsya ng Masbate, walang naitalang reklamo ang mga residente na pinagnakawan sila ng NPA. Sa halip, tinutulungan silang malutas o lutasin ang mga sanhi ng mga anti-sosyal na gawain sa kani-kanilang mga barangay tulad ng pagnanakaw, bentahan ng droga at panggagahasa.
Binibigyan ng karampatang aksyon at hustisya ang mga biktima. Sinisingil ang sinumang lumabag sa karapatang-tao at ipinapataw ang pagpapanagot ayon sa bigat ng krimeng nagawa laban sa masang Masbatenyo.
Nananawagan ang PKM-Masbate sa lahat ng masang Masbatenyo laluna sa mga residente sa bayan ng Baleno at syuda ng Masbate na ilantad at labanan ang muling pagpapatupad ng pakanang programang RSCP ng militar. Gamitin ang lahat ng paraan upang ilantad, labanan at mapanagot sa kanilang krimen ang mga magnanakaw at pasistang militar. Nasa kamay ng mga residente sa bayan ng Baleno at syudad ng Masbate at lahat ng masang Masbatenyo ang pagtitiyak na mawakasan ang nararanasang kalamidad na dala ng militar sa inyong buhay at kabuhayan.