Panibagong dedlayn sa paglipol sa NPA, mabibigo

Suntok sa buwan ang ipinagyayabang ng AFP sa katauhan ni Lt. Gen. Romeo Brawner, commanding general ng Philippine Army, na matatapos ang CPP-NPA-NDFP ngayong 2022. Inihayag ito ni Brawner sa inilunsad na pinakahuling command conference na dinaluhan ng matataas na opisyal ng AFP.

Upang bigyang katwiran ang pagtatakda ng panibagong dedlayn, ikinatwiran ni Brawner na nangangailangan sila ng mga karagdagang rekurso para paunlarin ang kakayahan ng kanilang mga tropa at yunit. Pangitang pangita ang paghahabol ng mga gahamang heneral ng AFP ng karagdagang pondo sa gitna ng nagaganap na deliberasyon ngayon sa Kongreso hinggil sa pambansang badyet. Sa nagdaang administrasyong Duterte, bilyun-bilyong piso ang ibinuhos sa AFP-PNP at pasistang NTF-ELCAC na ibinubulsa lamang ng matataas nitong opisyal imbes na ilaan sa mga serbisyong panlipunan. Bukod pa rito ang kasuklam-suklam na paglalaan ng napakalaking pondo ng bayan sa mapanupil na anti-mamamayang gera sa gitna ng malawakang krisis na dinaranas ng sambayanang Pilipino. Tiyak na ipagpapatuloy ito ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II na desperadong panatilihin ang sarili sa kapangyarihan.

Samantala, ang paglulunsad ng AFP ng isang command conference sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II ay palatandaan ng paghahanda ng panibagong oplan para sa kanilang kontra-rebolusyonaryong gera at pagpapatuloy ng madugo at maruming gera ng rehimeng Duterte. Tiyak na lalong titindi ang terorismong ihahasik ng AFP at higit na dadami pa ang mga kaso ng pagyurak sa karapatang tao. Ang totoo, nagsisilbi ang kontra-rebolusyonaryong gerang ipinatutupad ng AFP-PNP sa interes ng mga naghaharing uri. Inaatake ng AFP ang mga eryang nais makontrol ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador. Sa Timog Katagalugan, higit na pinasinsin ang operasyon ng AFP-PNP para sa mga planong ekoturismo, proyektong pang-enerhiya at mina ng mga dayuhan at lokal na kroni ni Marcos.

Hibang na naniniwala ang AFP sa sariling kwento na “nababawasan ang bilang ng NPA dahil sa pagkaaresto at pagkamatay ng mga lider nito at pagsulong ng lokal na negosasyong pangkapayapaang nagresulta sa maraming sumukong NPA sa nagdaang limang taon.” Dahil dito, buktot nilang iginigiit na kailangang patuloy na paigtingin ang kontra-rebolusyonaryong gera para diumano tuluyang wakasan na ang limang dekadang armadong tunggalian sa bansa. Itinatatwa nila ang katotohanang hindi kailanman malulutas ang ugat ng armadong paglaban ng mamamayan hangga’t nananatiling nakakubabaw ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa lipunang Pilipino at walang natatamong panlipunang hustisya ang masang Pilipino.

Ang mas malupit at mapanibasib na kontra-mamamayang gerang ipinatupad ni Duterte ang higit na nagpapaliyab sa poot at galit ng mamamayang Pilipino. Ang mahihirap na sitwasyong kinaharap ng NPA sa nagdaang mga taon ang lalong nagpahigpit sa pakikipagkaisa nito sa mamamayan, laluna sa masang magsasaka, pambansang minorya at iba pang masang maralita sa kanayunan. Mas nagiging malinaw sa masang api’t pinagsasamantalahan na wala silang ibang dapat gawin para labanan ang pandarahas ng estado kundi ang magsulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Itinataya nila ang kanilang buhay upang ipagtanggol ang tinatamasa nilang tagumpay sa rebolusyong agraryo at pakikibakang masa. Pinapatawan ng NPA ng mga punitibong aksyon ang lahat ng nagpapahirap at nagsasamantala sa masa. Tinatarget ng mga aksyong militar at taktikal na opensiba ng hukbong bayan ang mga mersenaryong walang habas na pumapaslang sa mga sibilyan at nambobomba sa kanilang mga komunidad. Kaya naman sa tuwing may mababalitaang napaslang na mandirigma ng NPA, inihahandog ng mamamayan ang pinakamahuhusay nilang anak para ipagpatuloy ang rebolusyon. Dahil dito, nananatiling matatag na nakatindig ang mga larangang gerilya sa Timog Katagalugan sa gitna ng pananalasa ng mga focused military at retooled community support operations ng AFP-PNP.

Hindi natuto sa kasaysayan si Brawner, ang AFP at ang rehimeng Marcos II sa pagtatakda ng panibagong dedlayn sa pagsugpo sa rebolusyonaryong kilusan. Kailanma’y hindi nila nakamit ni makakamit ang kanilang mga target dahil di makatarungan at kontra-mamamayan ang isinusulong nilang gera—at dahil dito, labis silang kinamumuhian ng mamamayang Pilipino. Lumalahok ang malawak na sambayanan sa digmang bayan laban sa AFP at reaksyunaryong rehimen. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit na nabibigo ang mga nagdaang administrasyon simula pa noong pasistang diktadurang US-Marcos (Oplan Kadena de Amor at Oplan Katatagan), rehimeng Cory Aquino (Oplan Lambat Bitag I & II), rehimeng Ramos (Oplan Lambat Bitag III & IV), rehimeng Estrada (Oplan Makabayan), rehimeng Macapagal-Arroyo (Oplan Bantay Laya I & II), rehimeng BS Aquino (Oplan Bayanihan) at rehimeng Duterte (DSSP Kapayapaan at JCP Kapanatagan).

Maaasahan ng malawak na mamamayan ng TK ang tunay na hukbo nito, ang NPA, na patuloy na parurusahan at pananagutin ang teroristang AFP-PNP sa kanilang mga krimen sa bayan. Ipagtatanggol nito ang malawak na sambayanan laban sa pasistang paninibasib ng kaaway. Kaalinsabay, patuloy na tutuwangan ng NPA ang mamamayan sa pagtatayo ng tunay na gubyernong magsisilbi sa interes ng masang api’t pinagsasamantalahan. Patuloy na isusulong ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan hanggang sa tagumpay!###

Panibagong dedlayn sa paglipol sa NPA, mabibigo