Panibagong pamamaslang sa mga sibilyan sa Masbate tanda ng tumitinding desperasyon at takot ng AFP at PNP

,

Magkasunod na pinaslang nitong Nobyembre 13, 2022 si Gilbert Julie Abunales Goylan, 46-anyos, may asawa at mga anak sa Sityo Madalamo, hangganan ng Barangay Palobandera at Barangay Del Carmen, Uson at si Rene Bartolata Garzon, 43-anyos, binata sa Sityo Pacquiao, Barangay Jagna-an, San Jacinto. Pinaslang si Garzon noong Nobyembre 13, alas-2 ng madaling araw ng 31st IBPA na nagmula sa prubinsya ng Sorsogon. Samantala, si Goylan ay dinukot noong Nobyembre 11, sa kanyang lugar sa Barangay Mahayahay, Cawayan ng mga armadong tauhan ni Brgy. Adriel “Boyet” Besana. Lumipas ang dalawang araw, Nobyembre 13, alas-2 ng hapon, nakita ng mga residente ng Sityo Madalamo ang bangkay ng biktima.

Bago ito, inabangan ng armadong grupo ni Barangay Capt. Besana ang negosyante ng hayop na si Ruel Riveral Mahusay galing sa Brgy. Del Carmen, Uson pauwi sa Barangay Tuburan, Cawayan. Hinold-up at pinaslang ng mga salarin ang nasabing negosyante.

Madalas nang nadadamay ang mga sibilyan sa kahihiyan at kabiguang natatamo ng AFP at PNP. Tulad ng nangyaring engkwentro sa pagitan nito at ng New People’s Army (NPA) noong Nobyembre 8, alas-6 ng umaga sa Sityo Tukip, Barangay Jagna-an, kung saan nagtamo ng 4 na kaswalti ang militar. Ilang araw lang ang lumipas, pinaslang ng berdugong pwersa ng estado si Garzon.

Sa kabiguang masukol ang NPA at tuluyang madurog ang armadong paglaban sa prubinsya, ibinaling at pinuntirya ng maruming gera ng AFP at PNP ang mga sibilyan. Tila mga asong ulol naman ito sa pag-aastang matapang at sa pagmamaliit sa mga CAFGU at paramilitar habang bahag naman ang kanilang buntot at palaging nakatago sa likod ng kanilang mga nilalait na tauhan sa tuwing may operasyon.

Bunsod ng kawalan ng suporta ng mamamayan, nagiging mga tulisan, magnanakaw at mamamatay-tao ang mga pwersa ng estado upang may pangtustos sa kanilang mga bisyo at pambabae tulad ng kanilang among si Bongbong Marcos. Patunay naman ang lumalalang kurapsyon sa pundong ilinaan sa mga mapanlinlang na proyekto sa pagiging huwad ng programang pangkabuhayan at pangkaunlaran ng estado, AFP at PNP sa Masbate.

Ang halos magkakasunod na pamamaslang sa prubinsya ay tanda ng tumitinding desperasyon at takot ng AFP at PNP. Nagbibigay ito ng puwang sa mamamayang Masbatenyo upang pangibabawan at harapin ang kanilang takot. Magkaisa, sama-sama at lahatang-panig na kumilos para ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan at buhay sa harap ng tumitinding atakeng neoliberal at pasismo ng estado sa prubinsya.

Palaging alalahanin ng masang Masbatenyo at patuloy na panghawakan at isabuhay ang mga aral ng mga nauna nilang paglaban na nagkamit ng maraming tagumpay. Lahatang-panig na kumilos upang tuluyang biguin ang malawakang pangangamkam ng lupa ni Marcos Junior sa Masbate. At pagtibayin ang pagsuporta sa armadong paglaban bilang kanilang pinakamaaasahang armas.

Panibagong pamamaslang sa mga sibilyan sa Masbate tanda ng tumitinding desperasyon at takot ng AFP at PNP