Paninindak at sarbeylans ng AFP-PNP sa mga aktibista sa lalawigan ng Cavite, nagpapatuloy!

,

Mariing kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines-Cavite (NDFP-Cavite) ang nagpapatuloy na paninindak at sarbeylans ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa mga aktibista ng mga progresibong organisasyon sa lalawigan ng Cavite.

Nitong buwan ng Nobyembre ay sunod-sunod ang mga ulat ng sarbeylans, profiling at paninindak ng AFP-PNP. Nobyembre 15, alas-10 ng umaga ay nagpunta ang apat na militar sa Baranggay hall ng Barangay Sapa 1, Rosario, Cavite sa pakanang hanapin umano ang lider-aktibista ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya-Cavite na si Aries Soledad. Batay sa mga ulat, nagtigil ang apat na militar sa Baranggay Hall mula pagkarating nila ng alas-10 nang umaga hanggang hapon.

Subalit hindi na ito bago nang puntahan ng dalawang pulis ng Quezon City Police District (QCPD) si Soledad noong Setyembre 17, 2022 upang piliting pasukuin, patigilin sa pagkilos at pagbantaan na bibigyan umano ng warrant sa susunod.

Samantala, noong huling linggo ng Oktubre at unang linggo ng Nobyembre, dalawang beses na pinuntahan ng nagpakilalang mula s PNP-Laguna ang tahanan ng isang lokal na lider-mangingisda sa Naic, Cavite. Kinukuhaan ng impormasyon at pilit siyang ‘pinagsasalita’ ng mga pulis kapalit ng ‘pangkabuhayan package’. Mariin itong tinanggihan ng lider-mangingisda kaya walang napala ang mga kapulisan sa kanilang pagpunta.

Sa kasagsagan ng welga ng mga drayber laban sa PUVMP Phaseout noong Nobyembre 22, nilapitan ng dalawang pulis ng PNP-Cavite ang strike center ng mga drayber at operator sa Paliparan Terminal, Dasmariñas, Cavite habang nagsasagawa ng programa. Ayon sa No To PUV Phaseout Coalition-Cavite, pilit kinukuhaan ng mga personal na impormasyon ang mga drayber at pinapatigil ang kanilang programa.

Ang mga atakeng ito ay hindi mahihiwalay sa mga maiinit na laban ng mamamayan sa lalawigan. Tulad na lamang ng suspensyon ng 22 proyektong reklamasyon sa Manila Bay noong Agosto 2023 dahil sa sunod-sunod na pagkilos ng mga mangingisda, ang nakamit na 90-100% paralisasyon ng byahe noong Nobyembre 20-22 tigil-pasada ng mga drayber, at marami iba pang mga laban.

Kasuklam-suklam ang kanilang pagpapatuloy ng paninindak, profiling, paniniktik at pagbabanta sa mga aktibista upang takutin, ‘pagsalitain’, sapilitang ‘pasukuin’ at patigilin sa pakikilahok sa mga kampanyang masa. Malinaw na malinaw na hindi marunong gumalang ng karapatang pantao ang mga militar at kapulisan. Malinaw na kanilang pinuproteksyunan ang interes ng mga malalaking burgesya kumprador at ng korap at inutil na rehimeng US-Marcos-Duterte.

Sa likod nito, tinuligsa ng masa ang paninindak ng mga pulis at militar. Mula rito ay lalo lamang umigiting ang pakikibaka ng mamamayan. Panawagan sa lahat ng mamamayan ng Cavite na isiwalat at ubos-kayang labanan ang lahat ng atake ng estado sa kilusang masa. Kailangang magsama-sama ng lahat ng aping mamamayan at labanan ang mga atake ng rehimeng US-Marcos II!

###

Paninindak at sarbeylans ng AFP-PNP sa mga aktibista sa lalawigan ng Cavite, nagpapatuloy!