Panukalang 3 taong kurikulum sa kolehiyo, kolonyal at pagkitil sa malaya't kritikal na pag-iisip ng kabataan
Mariing kinukundena at tinututulan ng Artista at Manunulat ng Sambayanan-Timog Katagalugan ang isinusulong na panukalang batas na paikliin tungong tatlong taon ang kurikulum sa kolehiyo. Sa gitna ng papatinding krisis sa edukasyon sa Pilipinas, lalong ipinagkakanulo ng rehimeng US-Marcos II ang mga batayang pangangailangan ng mga kabataan sa higit pa nitong pagbansot at pagbebenta sa edukasyon sa lokal at pandaigdigang merkado. Malinaw na ang ganitong neoliberal na polisiya ay hindi solusyon kundi lalo pang pagpapalubog sa kabataan sa kumunoy ng murang lakas-paggawa, kawalan ng kritikal na pag-iisip at pagkaalipin sa dikta ng mga dayuhang bansa.
Nitong Hunyo, inihain ni Senador Sherwin Gatchalian sa kongreso ang Three-Year College Education Act na naglalayong tanggalin ang GE o general education courses mula sa kolehiyo upang iintegra na lamang sa senior high school. Isa itong pagtatangka ng reaksyunaryong gubyerno na kumpunihin ang palpak at wala-sa-hulog na implementasyon ng K-12 na tiyak na uubos muli ng rekurso’t pondo ng taumbayan. Ipinangangalandakan ng rehimen na ang pagbura sa GE courses ay “decongestion” at “modernization” ng kurikulum, ngunit ang totoo, tahasan itong pagyurak sa karapatan ng kabataan para sa dekalidad at malayang edukasyon.
Sa ilalim ng patakarang ito, ipinapasa ang pagtuturo sa GE courses sa kolehiyo sa senior high school dahil diumano’y magpapaulit-ulit lamang. Kabilang sa kurso ang mga subject na Art Appreciation, Ethics, Contemporary World, History at iba pa. Malinaw na panlilinlang at pagpapalabnaw ito sa kahalagahan at esensya ng mga nabanggit na kurso bilang mga pundasyon ng kritikal na pag-iisip, malikhain at mapanuring kamalayan at malalim na pagkaunawa sa lipunan. Inaalisan nito ang kabataan ng karapatang hubugin ang sarili bilang mga ganap na mamamayang may kakayahang manguwestyon, mag-analisa at mamulat sa tunay na kalagayan ng lipunan. Binubura ng panukalang pagbabago ng kurikulum ang diwang makabayan at patriyotismo ng mga kabataan upang hubugin sa kanila ang kolonyal na kaisipan na sumasamba sa dayuhan laluna sa imperyalismong US.
Hungkag ang edukasyong walang pagpapahalaga sa sining, kultura, kasaysayan at iba pang pag-aaral sa lipunan. Inilalayo ng ganitong pagtingin ang mga kabataan sa pambansa, siyentipiko at makamasang tipo ng edukasyon. Sa tabing ng pangakong pagagaanin ang pasanin ng mga estudyante sa pag-aaral sa kolehiyo, hinuhulma ng ganitong panukala ang mga kabataan bilang mga mala-makinang manggagawa na inilalako sa dayuhang bansa.
Kabilang din sa neoliberal na balangkas na ito ang kamakailan lamang na pagtatatag sa Education and Workforce Development Group (EWDG) para pagkaisahin ang layunin ng programa ng iba’t ibang ahensya para magsilbing pabrika ng mas maraming maibebentang murang lakas-paggawa sa pandaigdidang pamilihan. Umaalinsunod ang EWDG sa binuong 10-taong National Workforce Development Plan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na nagpapalubha sa komersyalisasyon at komodipikasyon ng edukasyon sa bansa.
Katwiran ng Edcom 2, inaagaw ng GE ang oras ng mga estudyante sa pagkatuto ng mga teknikal na kaalaman na lumulundo sa mababang “employability” sa kabila ng pangakong magiging “job-ready” na ang mga mag-aaral na nakapagtapos ng senior high. Ngunit tinutuligsa nito ang kanyang sarili sa pagtutulak ng curriculum change dahil lilikha lamang ito ng panibagong krisis sa empleyo. Mawawalan ng trabaho ang mga propesor na nagtuturo ng GE sa kolehiyo. Lalong nalalantad sa panukala ang kapalpakan ng K-12 program na pilit ipinatupad sa panahon ng rehimeng Aquino II dahil sa neoliberal na patakarang tulak ng imperyalismong US. Drastikong ginulo at pinalabnaw nito ang sistema ng edukasyon na malaki ang negatibong epekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral, gayundin sa kalagayan ng mga guro sa trabaho. Kung gayon, ang pag-usbong ng naturang panukala ni Gatchalian ay pantapal na solusyon na lamang sa malaon nang kolonyal, komersyal at mapanupil na sistema ng edukasyon. Itinatago nito ang tunay na ugat ng krisis sa edukasyon sa bansa para isulong ang mga hungkag na repormang nakaayon lamang sa interes ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri.
Dagdag pa, kabig ng panukala ang interes ng rehimeng US-Marcos II na historical revisionism sa pagtanggal ng asignaturang kasaysayan sa kurikulum. Desperasyon ito ng reaksyunaryong gubyerno upang ibaon sa limot ang madugong rekord at katiwalian ng kasalukuyan at mga nagdaang rehimen, gayundin ang mayaman at magiting na tradisyon ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Sinusuhayan ng pagbabago sa kurikulum ang pagpapaigting ng pasismo sa mga paaralan, represibong polisiya sa pagrehistro ng mga pangmasa at progresibong organisasyon, burukratikong proseso sa paggamit ng mga espasyo sa pamantasan, pagpapatupad ng mandatory ROTC at panghihimasok ng AFP sa mga klase upang magsagawa ng red-tagging seminar. Binabansagan na terorista ang mga progresibong grupo, organisasyon at indibidwal na kaisa ng mamamayan sa pagkakamit ng kanilang demokratikong hangarin at binabaluktot ang kawastuhan ng armadong pakikibaka sa paglutas sa makauring pagsasamantalang ugat ng kahirapan.
Kailangang tutulan at labanan ang curriculum change na tiyak gagamiting taktika ng rehimeng US-Marcos II sa pagbaliktad ng naratibo ng digma at pagpapabango sa sarili, kagaya ng pagbaling ng atensyon sa panghihimasok ng imperyalistang US sa bansa at pagtatayo ng US military bases para sa huwad na kasunduang panseguridad at pagdedepensa sa pambansang soberanya. Dapat na maging susi ang edukasyon upang mapangahas na wakasan ang pagpapalaganap ng mapaminsalang maka-imperyalistang kaisipan. Dapat pagsilbihin ang edukasyon sa paghuhulma at paghuhubog ng kaisipan ng bagong henerasyon ng mga Pilipinong nagmamahal sa sariling bayan at kalayaan. Habang patuloy na ginagamit ng US ang Pilipinas sa pang-uupat ng gera laban sa China, dapat isulong ang isang sistema ng edukasyong abot-kaya para sa lahat at nakatuon sa pangangailangan ng bansa sa halip na maghabol sa “global standard” at “employability” na magsisilbi lamang sa imperyalistang interes.
Naninindigan ang ARMAS-TK kasama ng buong NDFP na kailanma’y hindi magpapatinag at maglulubay ang mamamayang Pilipino para ipaglaban ang isang tunay na pambansa, siyentipiko at makamasang tipo ng edukasyon. Gayunman, hindi makakamit ang mapagpalayang sistema ng edukasyon hangga’t nananatili ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo bilang mga ugat ng krisis sa edukasyon ng bansa. Dapat gamiting epektibong kasangkapan at armas ang pambansa-demokratikong edukasyon at kultura upang imulat, organisahin at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayang Pilipino upang walang humpay na isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos II. Tanging sa pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan mawawakasan ang malakolonyal at malapyudal na lipunan kung saan nakatuntong ang kolonyal, komersyalisado at pasistang sistema ng edukasyon.